NOBYEMBRE 17, 2023 | UPDATED: DISYEMBRE 8, 2023
INDIA
UPDATE—Walo Na ang Patay sa Trahedya sa India
Noong Sabado, Disyembre 2, 2023, isang brother na 76 anyos at naglilingkod bilang elder at regular pioneer ang namatay dahil sa pinsalang tinamo niya sa mga pagsabog sa Kerala, India. Nakakalungkot, makalipas ang limang araw, noong Huwebes, Disyembre 7, namatay din ang asawa niyang regular pioneer. Lahat-lahat, walong kapatid na ang namatay dahil sa kakila-kilabot na pangyayaring ito.
Noong Linggo, Oktubre 29, 2023, may mga bombang sumabog sa isang panrehiyong kombensiyon sa Kerala, India. Nakakalungkot, may isa pang brother at dalawang sister na namatay, bukod sa tatlong unang naiulat. Kasama rito ang nanay at kapatid na lalaki ng 12-anyos na batang babae na naunang namatay. May 11 kapatid na nasa ospital pa rin.
Para patibayin ang mga naapektuhan ng trahedya, nagsaayos ng isang espesyal na pagtitipon ang sangay sa India na ginanap noong Nobyembre 4, 2023. Inimbitahan dito ang 21 kongregasyon na dumalo sa kombensiyon kung saan nangyari ang mga pagsabog. Ginanap ang programa sa isang Kingdom Hall, at halos 200 ang dumalo doon. Nakapanood naman sa pamamagitan ng videoconference ang 1,300, at inirekord ang programa para sa mga nasa ospital pa. Tinalakay ng isang elder mula sa tanggapang pansangay ang Awit 23:1 at idiniin ang pagmamalasakit ni Jehova sa bawat lingkod niya: “Sa talatang ito, hindi sinabi ng salmista na si Jehova ay isang pastol o isang mahusay na pastol. Tinawag niya si Jehova na ‘aking pastol.’ Napakasarap isipin na nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa atin!”
Isang brother na dumalo sa kombensiyong iyon ang nagsabing nahihirapan siyang makatulog. Pero kahit ganoon, nagboboluntaryo siya sa pagtulong sa mga kapatid na nasa ospital pa rin. Sinabi niya: “Nakakalimutan ko ang mga problema ko kapag nakikita ko ang pananampalataya at pagiging positibo nila. Kahit nahihirapan sila at nasasaktan, marami sa kanila ang masaya pa ring kumakanta ng mga Kingdom song.” Sinabi naman ng isa pang brother: “Baka matagalan pa bago makabalik sa normal na buhay ang ilan sa kanila. Pero alam kong patuloy silang dadamayan ng mga kapatid. Sigurado akong inaalagaan sila ng mapagmahal nating Diyos. Talagang nakakapagpatibay isipin iyon!”
Dahil itinuturing nating pamilya ang lahat ng kapatid sa buong mundo, napapanatag tayo sa sinasabi ng Bibliya na ‘pinagagaling ni Jehova ang mga may pusong nasasaktan attinatalian niya ang mga sugat nila,’ at totoo iyan sa mahal nating mga kapatid sa India.—Awit 147:3.