Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 26, 2019
ITALY

Mga Saksi ni Jehova na Pinag-usig ng mga Nazi at Pasista—Pinarangalan sa Italy

Mga Saksi ni Jehova na Pinag-usig ng mga Nazi at Pasista—Pinarangalan sa Italy

Ang plake na nasa Risiera di San Sabba ng Trieste. Suót ng mga Saksi ni Jehova sa kampong piitan ang kanilang uniporme na may purple triangle

Noong Mayo 10, 2019, maraming opisyal ng gobyerno, istoryador, mamamahayag, at daan-daang bisita ang dumalo sa seremonya kung saan ipinakita ang plake bilang pag-alaala at parangal sa libo-libong Saksi ni Jehova na pinag-usig ng mga Nazi at Pasista. Ginanap ito sa Risiera di San Sabba sa Trieste, sa hilagang-silangan ng Italy, na dating gilingan ng bigas at naging kaisa-isang kampong piitan sa Italy na may crematorium. Maraming lokal at nasyonal na organisasyon ng media ang pumunta, kasama na ang Canale 5, ang isa sa pinakasikat na TV channel sa bansa.

Pinasimulan ni Christian Di Blasio, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Italy, ang seremonya sa pamamagitan ng isang pahayag tungkol sa katapatan. Sinabi niya: “Ang mga Saksi ni Jehova lang ang pinag-usig ng mga Nazi dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala. Sila lang din ang grupo na may pagkakataon sanang maiwasan ang pagiging martir—kailangan lang nilang itakwil ang kanilang pananampalataya bilang Kristiyano at suportahan ang rehimen. Pero lakas-loob silang nanindigan na manatiling tapat sa Diyos at ipakitang mahal nila ang kanilang kapuwa.” Pagkatapos, ipinapanood ni Brother Di Blasio ang video ng interbyu ni Sister Emma Bauer. Ikinuwento nito ang mga pag-uusig na naranasan niya at ng kaniyang pamilya noong Digmaang Pandaigdig II. Sinabi ni Sister Bauer na hindi tatalikuran ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang pananampalataya kahit patayin pa sila. Sa pagtatapos, nagsalita ang mayor ng Trieste na si Roberto Dipiazza. Sinabi niya: “Masayang-masaya ako dahil sa plakeng ito. Kailangan nating gawin ang lahat para hindi na maulit ang ganitong pag-uusig.” Pagkatapos, inalis na ang tabing para makita ng mga naroroon ang plake.

Maraming iskolar at prominenteng tao ang nagkomento tungkol sa kahalagahan ng ginawang seremonya. Halimbawa, sinabi ni Giorgio Bouchard, ang dating presidente ng Federation of Evangelical Churches sa Italy: “Walang ibang relihiyon maliban sa mga Saksi ni Jehova ang handang mamatay alang-alang sa kanilang paniniwala. . . . Ang mapait na karanasang ito ay lalo lang nagpatibay sa mga Saksi. Pinatunayan nila sa mga tao, at sa tingin namin, sa Diyos mismo, na sila lang ang relihiyong Kristiyano na nanindigan laban sa pilosopiya ng rehimeng Nazi.” (Para sa karagdagang komento, tingnan ang kahon sa ibaba.)

Inaasahan na taon-taon, mga 120,000 katao ang bibisita sa makasaysayang lugar na ito sa Risiera di San Sabba. Makikita ng mga bisita ang plake bilang pag-alaala sa libo-libong Saksi ni Jehova, na nanghawakan sa kanilang pananampalataya at nanatiling neutral sa politika sa kabila ng pag-uusig ng mga Nazi at Pasista.​—Apocalipsis 2:10.