AGOSTO 25, 2023
MALAWI
Ini-release ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Chichewa
Noong Agosto 18, 2023, ini-release ni Brother Kenneth Cook, Jr., ng Lupong Tagapamahala ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Chichewa. Ini-release ito noong unang araw ng 2023 “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon na ginanap sa Lilongwe Assembly Hall sa Lilongwe, Malawi. Tumanggap ng inimprentang mga kopya ng Bibliya ang mga dumalo at puwede rin nilang i-connect sa JW Box ang mga gadget nila para makapag-download ng electronic copy.
Ang pahayag sa release ay napanood sa pamamagitan ng live streaming ng JW satellite channel sa dalawang istadyum sa gitna at timugang mga rehiyon ng bansa, sa maraming iba pang lugar ng asamblea, at sa karamihan ng Kingdom Hall sa Malawi. May live streaming din sa ilang pilíng Kingdom Hall sa mga lugar sa Mozambique na nagsasalita ng Chichewa. Nasa 77,112 ang nakapakinig sa pahayag sa release ng Bibliya sa dalawang istadyum at sa iba pang lugar ng asamblea, bukod pa sa libo-libong nasa Kingdom Hall na naka-connect sa programa.
Chichewa ang pambansang wika ng Malawi, at sinasalita ito ng mahigit 10 milyong tao sa bansa. Ginagamit din ito sa ilang bahagi ng Mozambique, South Africa, Zambia, at Zimbabwe. Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Chichewa ay ini-release noong 2006, at ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ay ini-release noong 2010. Masaya ang ating mga kapatid nang magkaroon sila ng kumpletong nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Chichewa.
Sinabi ng isang mamamahayag: “Marami sa mga nakakausap naming nagsasalita ng Chichewa ang may salin ng Bibliya na malalalim ang salita. Kapag ipinapabasa namin sa mga tao ang isang teksto sa sarili nilang Bibliya, karaniwan nang hindi nila naiintindihan ang kahulugan nito. Napakadaling maunawaan ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin kumpara sa ibang salin. Gustong-gusto ko na itong gamitin sa ministeryo!”
Nagtitiwala tayo na ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na ito ay tutulong sa ating mga kapatid na nagsasalita ng Chichewa, pati na sa mga interesado, na ‘malugod sa kautusan ni Jehova.’—Awit 1:2.