Pumunta sa nilalaman

HULYO 19, 2019
SPAIN

Isang Makasaysayang Okasyon: Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Spanish

Isang Makasaysayang Okasyon: Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Spanish

Noong Biyernes, Hulyo 19, 2019, sa unang araw ng “Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo”! na Internasyonal na Kombensiyon sa Madrid, Spain, inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Spanish. Ang nirebisang Bibliyang ito ay available na sa jw.org® para mabasa at ma-download ng mahigit 2.5 milyong kapatid na nagsasalita ng Spanish sa buong mundo—ang pinakamalaking language group ng mga Saksi ni Jehova. a

Si Brother Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nag-release ng Bibliya sa pamamagitan ng isang video na ipinalabas sa Wanda Metropolitano Stadium sa Madrid, ang lokasyon ng internasyonal na kombensiyon. Ipinalabas din ang video sa 11 pang lokasyon sa Spain kasabay nito. Pagkatapos ng release, inilabas ang video sa JW Broadcasting®.

Reaksiyon ng mga dumalo nang ilabas ang nirebisang Bibliya sa Spanish

Sa internasyonal na kombensiyon, binigyan ng instruksiyon ang mga dumalo para ma-download nila ang Bibliyang ito mula sa jw.org sa EPUB, JWPUB, o PDF format. Nakapag-download din ng Bibliya ang mga kapatid na nasa 11 lokasyon sa Spain gamit ang JW Box, isang Wi-Fi hot spot na inihanda ng mga Saksi ni Jehova. Mahigit 1,200 boluntaryo ang naroroon sa mga lugar ng kombensiyon para tulungan ang mga dumalo na makapag-download ng nirebisang Bibliya.

Mga kapatid na idina-download ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Spanish sa gadyet nila

Hindi madali ang pagsasalin ng Bibliya sa Spanish, dahil ang mga Saksing nagsasalita nito ay nakatira sa iba’t ibang bansa. Sinabi ni Brother Pedro Gil, miyembro ng Komite ng Sangay sa Spain: “Tinatayang may 577 milyong nagsasalita ng Spanish sa buong mundo, at nag-iiba ang kahulugan ng mga salita at ekspresyon depende sa bansa. Bukod diyan, malaki na rin ang ipinagbago ng wikang Spanish.”

Tinutulungan ng kabataang boluntaryo ang isang sister na ma-download ang nirebisang Bibliya

Para tulungan ang translation team na makagawa ng isang salin na tumpak at madaling basahin, mga 100 kapatid sa iba’t ibang bansa ang kinonsulta. Ang buong proyekto ay umabot nang mga apat at kalahating taon.

Sinabi ni Brother Gil: “Ang modernong mga salita na ginamit sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Spanish ay maiintindihan ng lahat. Kaya mas madali itong magagamit ng mga mamamahayag sa ministeryo at sa pulong. Masayang-masaya kami na ang rebisyong ito ay makakatulong din sa mga kapatid na nagsasalita ng Spanish para mas mapalapít sila kay Jehova.”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa nirebisang salin na ito na nagpaparangal sa pangalan niya. Makatulong sana ito para patuloy na makapangaral ang mga Saksi ni Jehova “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.

a Dahil napakaraming Bibliya ang kailangan para mabigyan ng kopya ang lahat ng dumalo, walang inimprentang kopya na ipinamigay sa mga lokasyon ng kombensiyon. Pero ang mga kongregasyon na nagsasalita ng Spanish sa buong mundo ay makakatanggap ng kopya kapag available na ang mga ito. Magiging available din ang nirebisang Bibliya sa Spanish sa JW Library® pagkatapos ng Lunes, Hulyo 22.