Pumunta sa nilalaman

Anim na pool ang ginamit para mabautismuhan ang 7,402 katao sa “Divine Teaching” na Internasyonal na Kombensiyon sa Kyiv, Ukraine, noong 1993

OKTUBRE 25, 2023
UKRAINE

Masayang Alaala ng mga Nabautismuhan sa Ukraine 30 Taon Na ang Nakakaraan

Masayang Alaala ng mga Nabautismuhan sa Ukraine 30 Taon Na ang Nakakaraan

Noong Agosto 7, 1993, nabautismuhan sa “Divine Teaching” na Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ang 7,402 kapatid sa Kyiv, Ukraine. Ito pa rin ang may pinakamaraming nabautismuhan sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Naaalala pa rin ng mga nabautismuhan ang espesyal na araw na iyon.

Kasama sa mga nabautismuhan si Volodymyr at ang asawa niyang si Alla. Ito ang unang kombensiyon na nadaluhan nila. Naaalala nila ang halos 65,000 dumalo mula sa 16 na bansa. Sinabi nila: “Nababasa lang namin noon sa mga publikasyon ang tungkol sa pambuong-daigdig na kapatiran natin. Pero napatunayan namin ’yon sa kombensiyon sa Kyiv. Ngayon, pagkatapos daluhan ang mga kombensiyon sa nakalipas na mga taón, mas marami pa kaming nakilalang kapatid, at natutuhan namin mula sa kanila na kung uunahin namin si Jehova, talagang magiging masaya ang buhay namin.”

Kaliwa: Dinaluhan ni Volodymyr at ng asawa niyang si Alla ang internasyonal na kombensiyon noong 1993. Kanan: Sina Volodymyr at Alla ngayon

Si Oleksandr, isang brother sa Kyiv, ay isa sa mahigit 50 kapatid mula sa kongregasyon nila na nabautismuhan sa kombensiyon. Naalala pa niya: “Napaiyak ako sa pag-ibig at pagkakaisang nakita ko sa mga kapatid. Talagang isa tayong malaking pamilya na nagmamahalan. Ganiyan pa rin ang nararamdaman ko ngayon kapag dumadalo sa mga kombensiyon.”

Kaliwa: Nagpapakuha ng larawan si Oleksandr sa internasyonal na kombensiyon sa Kyiv, Ukraine, noong 1993. Kanan: Si Oleksandr at ang asawa niyang si Larysa ngayon

Ganito naman ang sinabi ng isang sister na si Liudmyla tungkol sa araw ng bautismo niya at sa buong programa ng kombensiyon: “Nakatulong sa akin ang programa ng ‘Divine Teaching’ na magpokus sa espirituwal na mga tunguhin ko. Goal ko na maglingkod kay Jehova nang buong panahon. Naabot ko ang goal na iyon, at mga 28 taon na akong nasa buong panahong ministeryo. Sa nakalipas na mga taóng iyon, lagi akong tinutulungan ni Jehova.”

Kaliwa: Si Liudmyla sa “Divine Teaching” na Internasyonal na Kombensiyon noong 1993. Kanan: Si Liudmyla ngayon

Talagang makasaysayan ang “Divine Teaching” na Internasyonal na Kombensiyon sa Kyiv noong 1993. Mula noon, halos triple ang idinami ng mamamahayag sa Kyiv. Ngayon, patuloy na pinagpapala ni Jehova ang mga taga-Ukraine na lakas-loob na pumipiling paglingkuran siya, nag-aalay ng kanilang sarili, at nagpapabautismo.​—Exodo 32:26.