ABRIL 12, 2021
ZAMBIA
Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Inilabas sa Wikang Mambwe-Lungu
Noong Abril 3, 2021, inilabas sa electronic format ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Mambwe-Lungu. Si Brother Albert Musonda, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Zambia, ang naglabas ng Bibliya sa isang nakarekord na programa na napanood ng mga kapatid sa Zambia at Tanzania gamit ang streaming. Ang wikang Mambwe-Lungu ay ginagamit ng 2,531 kapatid sa Zambia at 325 kapatid sa Tanzania, kung saan kilalá ito bilang Fipa.
Nagtrabaho ang isang team ng tatlong tagapagsalin sa proyektong ito sa loob ng 21 buwan. Ipinaliwanag ng isang tagapagsalin na nahihirapan ang ilan na gamitin ang dating salin ng Bibliya sa Mambwe-Lungu dahil gumagamit ito ng mga salitang hindi na naiintindihan. May kinalaman sa bagong-labas na Bagong Sanlibutang Salin, sinabi ng isa pang tagapagsalin: “Ginagamit sa Bibliyang ito ang wikang sinasalita ng mga tao araw-araw.”
Sigurado kaming makakatulong ang magandang regalong ito mula kay Jehova para masiyahan ang mga nagbabasa ng Salita ng Diyos sa wikang Mambwe-Lungu.—Awit 1:2.