KABANATA 2
Ang Bibliya—Isang Aklat Mula sa Diyos
-
Sa anu-anong paraan naiiba ang Bibliya sa lahat ng iba pang aklat?
-
Paano ka matutulungan ng Bibliya na harapin ang personal na mga problema?
-
Bakit ka makapagtitiwala sa mga hulang nakaulat sa Bibliya?
1, 2. Sa anu-anong paraan naging isang kapana-panabik na regalo mula sa Diyos ang Bibliya?
NAAALAALA mo ba nang makatanggap ka ng isang espesyal na regalo mula sa isang mahal na kaibigan? Malamang na hindi lamang kapana-panabik na karanasan iyon kundi nakaaantig-puso rin naman. Sa katunayan, may sinasabi ang regalo hinggil sa nagbigay nito—na pinahahalagahan niya ang inyong pagkakaibigan. Walang-alinlangang nagpasalamat ka sa regalo ng iyong maalalahaning kaibigan.
2 Ang Bibliya ay isang regalo mula sa Diyos, isang bagay na talagang maipagpapasalamat natin. Isinisiwalat ng natatanging aklat na ito ang mga bagay na hindi natin kailanman malalaman sa ibang paraan. Halimbawa, sinasabi nito sa atin ang tungkol sa paglalang sa mabituing kalangitan, sa lupa, at sa unang lalaki at babae. Naglalaman ang Bibliya ng maaasahang mga simulain upang tulungan tayong harapin ang mga suliranin at kabalisahan sa buhay. Ipinaliliwanag nito kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin at kung paano niya paiiralin ang mas mabubuting kalagayan sa lupa. Talaga ngang isang kapana-panabik na regalo ang Bibliya!
3. Ano ang sinasabi sa atin tungkol kay Jehova ng bagay na inilaan niya sa atin ang Bibliya, at bakit ito nakaaantig-puso?
3 Ang Bibliya ay isa ring nakaaantig-pusong regalo, sapagkat
may isinisiwalat ito tungkol sa Nagbigay nito, ang Diyos na Jehova. Ang paglalaan niya ng gayong aklat ay katibayan na nais niyang makilala natin siya nang lubusan. Sa katunayan, matutulungan ka ng Bibliya na mápalapít kay Jehova.4. Ano ang hinahangaan mo hinggil sa pamamahagi ng Bibliya?
4 Kung may kopya ka ng Bibliya, tiyak na hindi ka nag-iisa. Ang kabuuan o ang ilang bahagi ng Bibliya ay inilathala na sa mahigit na 2,300 wika at sa gayo’y makukuha ng mahigit sa 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Sa katamtaman, mahigit na isang milyong Bibliya ang ipinamamahagi bawat linggo! Bilyun-bilyong kopya ng kabuuan o bahagi ng Bibliya ang nagawa na. Tiyak na walang ibang aklat na gaya ng Bibliya.
5. Sa anong paraan “kinasihan ng Diyos” ang Bibliya?
5 Karagdagan pa, ang Bibliya ay “kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Sa anong paraan? Ang Bibliya mismo ang sumasagot: “Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Upang ilarawan: Maaaring magpagawa ng sulat ang isang negosyante sa kaniyang sekretarya. Nilalaman ng sulat na iyon ang mga kaisipan at tagubilin ng negosyante. Samakatuwid, sulat niya talaga ito, hindi ng sekretarya. Sa katulad na paraan, nilalaman ng Bibliya ang mensahe ng Diyos at hindi ng mga lalaking sumulat nito. Kaya ang buong Bibliya ay tunay na “salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
MAGKAKATUGMA AT TUMPAK ANG NILALAMAN NITO
6, 7. Bakit lalo nang kapansin-pansin ang pagkakatugma ng mga nilalaman ng Bibliya?
6 Isinulat ang Bibliya sa loob ng 1,600 taon. Nabuhay ang mga manunulat nito sa magkakaibang panahon at iba’t iba ang kanilang katayuan sa buhay. Ang ilan ay mga magsasaka, mangingisda, at mga pastol. Ang iba naman ay mga propeta, hukom, at mga hari. Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay isang doktor. Sa kabila ng iba’t ibang pinagmulan ng mga manunulat nito, magkakatugma ang nilalaman ng Bibliya mula pasimula hanggang wakas. *
7 Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya kung paano nagsimula ang mga problema ng sangkatauhan. Ipinakikita naman ng huling aklat na magiging isang paraiso, o hardin, ang buong lupa. Ang lahat ng nilalaman ng Bibliya ay sumasaklaw sa libu-libong taon ng kasaysayan at may kaugnayan sa paanuman sa pagsisiwalat ng layunin ng Diyos. Kahanga-hanga ang pagkakatugma ng mga nilalaman ng Bibliya, pero iyan naman talaga ang aasahan natin sa isang aklat na mula sa Diyos.
8. Magbigay ng mga halimbawang nagpapakita na ang Bibliya ay tumpak pagdating sa siyensiya.
8 Ang Bibliya ay tumpak pagdating sa siyensiya. Naglalaman pa nga ito ng impormasyon na maituturing na una sa panahon nito. Halimbawa, ang aklat ng Levitico ay naglalaman ng mga batas para sa sinaunang Israel may kaugnayan sa kuwarentenas at kalinisan samantalang walang kaalam-alam ang mga bansa sa palibot nila tungkol sa mga bagay na ito. Noong panahong mali ang mga pala-palagay tungkol sa hugis ng lupa, binanggit naman ng Bibliya na ito ay bilog, o globo. (Isaias 40:22) Tumpak na sinabi ng Bibliya na ang lupa ay ‘nakabitin sa wala.’ (Job 26:7) Siyempre, hindi naman isang aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya. Ngunit kapag may binabanggit itong mga bagay tungkol sa siyensiya, ito ay tumpak. Hindi ba ito ang aasahan natin sa isang aklat na mula sa Diyos?
9. (a) Sa anu-anong paraan ipinakikita ng Bibliya na ito ay tumpak at maaasahan pagdating sa kasaysayan? (b) Dahil sa katapatan ng mga manunulat nito, ano ang masasabi hinggil sa Bibliya?
9 Tumpak din at maaasahan ang Bibliya pagdating sa kasaysayan. Espesipiko ang mga ulat nito. Inilalakip ng mga ito hindi lamang ang mga pangalan kundi pati na rin ang pinagmulang angkan ng mga indibiduwal. * Kabaligtaran ng mga sekular na istoryador, na kadalasang hindi bumabanggit sa pagkatalo ng kanilang sariling bayan, ang mga manunulat ng Bibliya ay matapat, anupat iniuulat pa nga ang mismong mga pagkakamali nila at ng kanilang bansa. Halimbawa, sa aklat ng Bibliya na Mga Bilang, inamin ng manunulat na si Moises ang kaniya mismong malubhang pagkakamali na naging dahilan ng matinding pagsaway sa kaniya. (Bilang 20:2-12) Bibihira ang gayong katapatan sa iba pang ulat ng kasaysayan, ngunit masusumpungan ito sa Bibliya sapagkat isa itong aklat na mula sa Diyos.
ISANG AKLAT NG PRAKTIKAL NA KARUNUNGAN
10. Bakit hindi kataka-taka na isang praktikal na aklat ang Bibliya?
10 Dahil kinasihan ng Diyos ang Bibliya, ito’y “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Timoteo 3:16) Oo, ang Bibliya ay isang praktikal na aklat. Mababanaag dito ang malalim na kaunawaan hinggil sa kalikasan ng tao. Hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Awtor nito, ang Diyos na Jehova, ang siyang Maylalang! Mas nauunawaan niya ang ating pag-iisip at damdamin kaysa sa atin. Karagdagan pa, alam ni Jehova kung ano ang kailangan natin upang maging maligaya. Alam din niya kung anong mga landasin ang dapat nating iwasan.
11, 12. (a) Anong mga paksa ang tinalakay ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok? (b) Anong iba pang praktikal na mga bagay ang tinatalakay sa Bibliya, at bakit hindi naluluma ang payo nito?
11 Isaalang-alang ang talumpati ni Jesus na tinatawag na Sermon sa Bundok, na nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7. Sa obra maestrang pagtuturo na ito, nagsalita si Jesus tungkol sa ilang paksa, lakip na ang paraan upang masumpungan ang tunay na kaligayahan, kung paano aayusin ang mga di-pagkakasundo, kung paano mananalangin, at kung paano magkakaroon ng wastong pangmalas sa materyal na mga bagay. Mabisa at praktikal pa rin sa ngayon ang mga salita ni Jesus gaya noong bigkasin niya ang mga ito.
12 Ang ilang simulain sa Bibliya ay tumatalakay sa buhay pampamilya, kaugalian sa trabaho, at pakikipag-ugnayan sa iba. Kumakapit sa lahat ng tao ang mga simulain sa Bibliya, at laging kapaki-pakinabang ang mga payo nito. Ang karunungan na masusumpungan sa Bibliya ay binuod sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”—Isaias 48:17.
ISANG AKLAT NG HULA
13. Kinasihan ni Jehova si propeta Isaias na iulat ang anong mga detalye hinggil sa Babilonya?
13 Naglalaman ang Bibliya ng maraming hula, na karamihan ay natupad na. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, na nabuhay noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ni Jehova na mawawasak ang lunsod ng Babilonya. (Isaias 13:19; 14:22, 23) Ibinigay ang mga detalye upang ipakita kung paano makukubkob ang lunsod. Tutuyuin ng sumasalakay na mga hukbo ang ilog ng Babilonya at magmamartsa papasok sa lunsod nang walang labanan. Hindi lamang iyan. Binanggit pa nga sa hula ni Isaias ang pangalan ng hari na lulupig sa Babilonya—si Ciro.—Isaias 44:27–45:2.
14, 15. Paano natupad ang ilang detalye ng hula ni Isaias hinggil sa Babilonya?
14 Pagkalipas ng mga 200 taon—noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E.—isang hukbo ang nagkampo malapit sa Babilonya. Sino ang kumandante nito? Isang hari ng Persia na nagngangalang Ciro. Sa gayo’y handa na ang mga kalagayan para sa katuparan ng isang kamangha-manghang hula. Ngunit malulupig kaya ng hukbo ni Ciro ang Babilonya nang walang labanan, gaya ng inihula?
15 May kapistahan ang mga Babilonyo nang gabing iyon at kampante sila sa likod ng naglalakihang mga pader ng kanilang lunsod. Samantala, buong-kahusayang inilihis ni Ciro ang tubig ng ilog na dumadaloy sa lunsod. Di-nagtagal at bumabaw na ang
tubig anupat nakatawid ang kaniyang mga tauhan sa sahig ng ilog at nakalapit sa mga pader ng lunsod. Pero paano makapapasok ang hukbo ni Ciro sa mga pader ng Babilonya? Sa hindi malamang kadahilanan, naiwang bukas ang mga pinto ng lunsod nang gabing iyon!16. (a) Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa huling kahihinatnan ng Babilonya? (b) Paano natupad ang hula ni Isaias na hindi na tatahanan ang Babilonya?
16 Ganito ang inihula may kaugnayan sa Babilonya: “Hindi siya kailanman tatahanan, ni mananahanan man siya sa sali’t salinlahi. At doon ay hindi magtatayo ng kaniyang tolda ang Arabe, at hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang mga kawan.” (Isaias 13:20) Binanggit ng hulang ito hindi lamang ang pagbagsak ng lunsod. Ipinakita nito na hindi na kailanman tatahanan ang Babilonya. Makakakita ka ng katibayan ng katuparan ng mga salitang ito. Ang di-tinatahanang kinaroroonan ng sinaunang Babilonya—mga 80 kilometro sa timog ng Baghdad, Iraq—ay patotoo na natupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Wawalisin ko siya ng walis ng pagkalipol.”—Isaias 14:22, 23. *
17. Paano nakapagpapatibay ng pananampalataya ang katuparan ng hula sa Bibliya?
17 Hindi ba’t nakapagpapatibay ng pananampalataya na isaalang-alang ang Bibliya bilang isang aklat ng maaasahang hula? Tutal, kung tinupad ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga pangako noon, taglay natin ang lahat ng dahilan para magtiwalang tutuparin din niya ang kaniyang pangako na isang paraisong lupa. (Bilang 23:19) Sa katunayan, tayo ay may “pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.”—Tito 1:2. *
“ANG SALITA NG DIYOS AY BUHÁY”
18. Anong mapuwersang pananalita ang binanggit ng Kristiyanong apostol na si Pablo tungkol sa “salita ng Diyos”?
18 Mula sa ating tinalakay sa kabanatang ito, maliwanag na talagang isang natatanging aklat ang Bibliya. Gayunman, ang Hebreo 4:12.
kahalagahan nito ay higit pa kaysa sa pagkakatugma-tugma ng mga nilalaman nito, sa pagiging tumpak pagdating sa siyensiya at sa kasaysayan, sa praktikal na karunungan, at sa maaasahang hula nito. Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.”—19, 20. (a) Paano ka matutulungan ng Bibliya na suriin ang iyong sarili? (b) Paano mo maipakikita ang pasasalamat sa natatanging regalo ng Diyos, ang Bibliya?
19 Ang pagbabasa ng “salita,” o mensahe, ng Diyos sa Bibliya ay maaaring bumago sa ating buhay. Matutulungan tayo nito na lalong suriin ang ating sarili. Maaari nating sabihin na iniibig natin ang Diyos, ngunit ang ating pagtugon sa itinuturo ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, ang siyang magsisiwalat ng ating totoong kaisipan, maging ang mismong intensiyon ng ating puso.
20 Ang Bibliya ay talagang isang aklat mula sa Diyos. Isa itong aklat na dapat basahin, pag-aralan, at pakamahalin. Ipakita ang iyong pasasalamat sa regalong ito ng Diyos sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuri sa mga nilalaman nito. Habang ginagawa mo ito, magkakaroon ka ng malalim na unawa sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Tatalakayin sa susunod na kabanata kung ano ang layuning iyan at kung paano ito matutupad.
^ par. 6 Bagaman sinasabi ng ilang tao na sinasalungat ng ilang bahagi ng Bibliya ang ibang bahagi nito, walang basehan ang gayong pag-aangkin. Tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 9 Halimbawa, pansinin ang detalye ng talaangkanan ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 3:23-38.
^ par. 16 Para sa higit na impormasyon tungkol sa hula sa Bibliya, tingnan ang pahina 27-9 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 17 Ang pagkawasak ng Babilonya ay isa lamang halimbawa ng natupad na hula sa Bibliya. Kabilang sa iba pang halimbawa ang pagkawasak ng Tiro at Nineve. (Ezekiel 26:1-5; Zefanias 2:13-15) Gayundin, binanggit ng hula ni Daniel ang sunud-sunod na pandaigdig na mga imperyo na hahawak ng kapangyarihan pagkatapos ng Babilonya. Kabilang sa mga ito ang Medo-Persia at Gresya. (Daniel 8:5-7, 20-22) Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas,” para sa pagtalakay sa maraming hula hinggil sa Mesiyas na natupad kay Jesu-Kristo.