Anghel
Mula sa salitang Hebreo na mal·ʼakhʹ at salitang Griego na agʹge·los. Ang mga salitang ito ay literal na nangangahulugang “mensahero,” pero isinasalin itong “anghel” kapag tumutukoy sa mga espiritung mensahero. (Gen 16:7; 32:3; San 2:25; Apo 22:8) Ang mga anghel ay makapangyarihang mga espiritu na nilalang ng Diyos bago pa ang mga tao. Sila ang “napakaraming banal” na binabanggit sa Bibliya, at tinatawag din silang mga “anak ng Diyos” at “mga bituing pang-umaga.” (Deu 33:2; Job 1:6; 38:7) Hindi sila binigyan ng kakayahang magparami, kundi nilalang ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Mahigit isang daang milyon sila. (Dan 7:10) Ipinapakita ng Bibliya na mayroon silang personal na pangalan at may sarili silang personalidad, pero mapagpakumbaba sila at ayaw nilang sambahin sila. Iniiwasan pa nga ng karamihan sa kanila na sabihin ang pangalan nila. (Gen 32:29; Luc 1:26; Apo 22:8, 9) May mga ranggo sila at binibigyan ng iba’t ibang atas, gaya ng paglilingkod sa harap ng trono ni Jehova, paghahatid ng mensahe niya, pagtulong sa mga lingkod ni Jehova sa lupa, paglalapat ng hatol ng Diyos, at pagsuporta sa pangangaral ng mabuting balita. (2Ha 19:35; Aw 34:7; Luc 1:30, 31; Apo 5:11; 14:6) Sa hinaharap, tutulungan nila si Jesus sa pakikipaglaban sa digmaan ng Armagedon.—Apo 19:14, 15.