KABANATA 56
Ano ang Talagang Nagpaparumi sa Tao?
MATEO 15:1-20 MARCOS 7:1-23 JUAN 7:1
-
INILANTAD NI JESUS ANG KAMALIAN NG MGA TRADISYON NG TAO
Habang papalapít ang Paskuwa ng 32 C.E., abala si Jesus sa pagtuturo sa Galilea. Pagkatapos, malamang na pumunta siya sa Jerusalem para sa Paskuwa, gaya ng kahilingan sa Kautusan. Pero maingat siyang pumasok sa lunsod dahil may mga Judiong gustong pumatay sa kaniya. (Juan 7:1) Pagkatapos, bumalik siya sa Galilea.
Malamang na nasa Capernaum si Jesus nang puntahan siya ng mga Pariseo at eskribang mula sa Jerusalem. Bakit sila nagpunta roon? Para maghanap ng maiaakusa kay Jesus. Nagtanong sila: “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang tradisyon ng mga ninuno natin? Halimbawa, hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” (Mateo 15:2) Hindi iniutos ng Diyos ang ritwal na ‘paghuhugas ng mga kamay hanggang sa siko.’ (Marcos 7:3) Pero para sa mga Pariseo, malaking kasalanan ang hindi paghuhugas nang hanggang siko.
Imbes na direktang sagutin ang akusasyon, binanggit ni Jesus ang tahasan nilang paglabag sa Kautusan ng Diyos. “Bakit ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa tradisyon ninyo?” ang tanong niya. “Halimbawa, sinabi ng Diyos, ‘Parangalan mo ang iyong ama at ina,’ at, ‘Ang nagsasalita ng masama sa kaniyang ama o ina ay papatayin.’ Pero sinasabi ninyo, ‘Sinumang nagsasabi sa kaniyang ama o ina: “Anumang mayroon ako na makatutulong sa inyo ay naialay ko na sa Diyos,” hindi na niya kailangang parangalan pa ang kaniyang ama.’”—Mateo 15:3-6; Exodo 20:12; 21:17.
Inaangkin ng mga Pariseo na ang pera, ari-arian, o anumang bagay na inialay sa Diyos bilang regalo ay pag-aari na ng templo, kaya hindi na ito puwedeng gamitin sa iba. Pero sa katunayan, nasa nagbigay pa rin ang nakaalay na regalo. Halimbawa, maaaring sabihin ng isang anak na ang kaniyang pera o ari-arian ay isa nang “korban,” isang regalong nakaalay sa Diyos o sa templo, na para bang ang templo na ang nagmamay-ari ng mga ito. Ang pera o ari-arian ay magagamit pa rin ng anak, pero inaangkin nito na hindi na iyon puwedeng gamitin para tulungan ang may-edad at nangangailangang mga magulang. Sa gayon ay iniiwasan niya ang responsibilidad niya sa kanila.—Marcos 7:11.
Tama lang na magalit si Jesus sa pagpilipit nila sa Kautusan ng Diyos at sabihin: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagkunwari, tama ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo: ‘Pinararangalan ako ng bayang ito sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin. Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.’” Hindi nakakibo ang mga Pariseo. Pagkatapos, pinalapit ni Jesus ang mga tao. “Makinig kayo at unawain ninyo ito,” ang sabi niya. “Hindi ang pumapasok sa bibig ng isang tao ang nagpaparumi sa kaniya, kundi ang lumalabas sa bibig niya ang nagpaparumi sa kaniya.”—Mateo 15:6-11; Isaias 29:13.
Nang maglaon sa isang bahay, tinanong ng mga alagad si Jesus: “Alam mo bang hindi nagustuhan ng mga Pariseo ang sinabi mo?” Sumagot siya: “Bawat pananim na hindi itinanim ng Ama kong nasa langit ay bubunutin. Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:12-14.
Tila nagtaka si Jesus nang hilingin pa ni Pedro na ipaliwanag sa kaniya at sa iba pang alagad kung ano ang nagpaparumi sa isang tao. Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay dumaraan sa tiyan at inilalabas ng katawan? Pero anumang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso, at iyon ang nagpaparumi sa isang tao. Halimbawa, nanggagaling sa puso ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, di-totoong testimonya, pamumusong. Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao; pero Mateo 15:17-20.
ang kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ay hindi nagpaparumi sa isang tao.”—Hindi naman kontra si Jesus sa kalinisan sa katawan, at hindi rin niya sinasabing huwag nang maghugas ng kamay bago kumain o maghanda ng pagkain. Sa halip, kinokondena niya ang mapagkunwaring mga lider ng relihiyon na pumipilipit sa matuwid na utos ng Diyos sa pamamagitan ng mga tradisyon ng tao. Ang totoo, ang masasamang gawain na udyok ng puso ang nagpaparumi sa isang tao.