KABANATA 78
Tapat na Katiwala, Manatiling Handa!
-
DAPAT MANATILING HANDA ANG TAPAT NA KATIWALA
-
DUMATING SI JESUS PARA MAGDALA NG PAGKAKABAHA-BAHAGI
Ipinaliwanag ni Jesus na isang “munting kawan” lang ang magmamana ng Kaharian sa langit. (Lucas 12:32) Pero hindi ganoon kadaling makuha ang napakagandang pag-asang iyon. Sa katunayan, idiniin niya kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng tamang saloobin para maging bahagi ng Kahariang iyon.
Kaya pinayuhan ni Jesus ang mga alagad na manatiling handa sa kaniyang pagbalik. Sinabi niya: “Magbihis kayo at maging handa, at sindihan ninyo ang inyong mga lampara, at dapat kayong maging tulad ng mga taong naghihintay sa pagbalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para kapag dumating siya at kumatok, mapagbubuksan nila siya agad. Maligaya ang mga aliping iyon na inabutan ng panginoon na nagbabantay!”—Lucas 12:35-37.
Madaling naintindihan ng mga alagad ang saloobing inilalarawan ni Jesus. Handa ang mga alipin, naghihintay sa pagbalik ng kanilang panginoon. Ipinaliwanag ni Jesus: “Kung dumating [ang panginoon] sa ikalawang pagbabantay [mga alas nuwebe ng gabi hanggang hatinggabi], kahit pa sa ikatlo [mula hatinggabi hanggang mga alas tres ng umaga], at maabutan niya silang handa, maligaya sila!”—Lucas 12:38.
Hindi lang ito isang payo tungkol sa pagiging masisipag na tagapaglingkod sa bahay, o manggagawa. Naging malinaw iyan nang tukuyin ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Anak ng tao sa ilustrasyon. Sinabi niya sa mga alagad: “Manatili rin kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.” (Lucas 12:40) Kaya darating si Jesus sa hinaharap. Gusto niyang maging handa ang kaniyang mga tagasunod—lalo na ang mga kabilang sa “munting kawan.”
Para mas maintindihan ang ibig sabihin ni Jesus, nagtanong si Pedro: “Panginoon, para sa amin lang ba ang ilustrasyong ito o para sa lahat?” Imbes na sagutin nang deretso si Pedro, nagbigay si Jesus ng isa pang ilustrasyon: “Sino talaga ang tapat na katiwala, ang matalino, na aatasan ng kaniyang panginoon sa grupo ng mga tagapaglingkod nito para patuloy na magbigay sa kanila ng kinakailangang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon, kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa! Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito.”—Lucas 12:41-44.
Sa naunang ilustrasyon, “ang panginoon” ay walang iba kundi si Jesus, ang Anak ng tao. Kaya “ang tapat na katiwala” ay mga taong kabilang sa “munting kawan” at pagbibigyan ng Kaharian. (Lucas 12:32) Dito sinasabi ni Jesus na may ilang miyembro ng grupong ito na magbibigay sa “grupo ng mga tagapaglingkod” ng “kinakailangang pagkain sa tamang panahon.” Kaya mauunawaan ni Pedro at ng iba pang alagad, na noon ay tinuturuan at pinakakain ni Jesus sa espirituwal, na may panahon sa hinaharap na ang Anak ng tao ay darating. At sa panahong iyon, may kaayusan para sa espirituwal na pagpapakain sa mga tagasunod ni Jesus, ang “grupo ng mga tagapaglingkod” ng Panginoon.
Gumamit si Jesus ng isa pang ilustrasyon para ipakita kung bakit kailangan ng mga alagad na maging alerto at bantayan ang kanilang saloobin. Iyan ay dahil posibleng maging pabaya sila at salansangin pa nga ang kanilang mga kapatid: “Pero kung sabihin ng aliping iyon sa sarili niya, ‘Hindi pa darating ang panginoon ko,’ at binugbog niya ang mga lingkod na lalaki at babae, kumain, uminom, at nagpakalasing, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam, at parurusahan siya nang napakatindi at itatapon siya kasama ng mga di-tapat.”—Lucas 12:45, 46.
Sinabi ni Jesus na dumating siya “para magpasimula ng apoy sa lupa.” At iyon mismo ang Lucas 12:49, 53.
ginawa niya nang magbangon siya ng maiinit at kontrobersiyal na isyu na tumupok sa maling mga turo at tradisyon. Mapaghihiwalay maging ang mga indibiduwal na inaasahang nagkakaisa; mababahagi ang “ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”—Patungkol lalo na sa mga alagad ang pananalitang ito. Bumaling ngayon si Jesus sa mga tao. Talagang ayaw tanggapin ng karamihan ang mga ebidensiyang si Jesus ang Mesiyas, kaya sinabi niya sa kanila: “Kapag nakakita kayo ng namumuong ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘May darating na bagyo,’ at nangyayari iyon. At kapag nakita ninyo na humihihip ang hangin mula sa timog, sinasabi ninyo, ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari iyon. Mga mapagpaimbabaw, nabibigyang-kahulugan ninyo ang mga palatandaan sa lupa at langit, pero bakit hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang nangyayari sa panahong ito?” (Lucas 12:54-56) Kitang-kita na hindi sila handa.