ARALIN 2
Bakit Kami Tinatawag na mga Saksi ni Jehova?
Iniisip ng marami na ang mga Saksi ni Jehova ay pangalan ng isang bagong relihiyon. Pero mahigit 2,700 taon na ang nakalilipas, ang mga lingkod ng tanging tunay na Diyos ay inilarawan bilang kaniyang “mga saksi.” (Isaias 43:10-12) Bago 1931, kilalá kami bilang mga Estudyante ng Bibliya. Pero bakit namin pinili ang pangalang mga Saksi ni Jehova?
Ipinapakilala nito ang aming Diyos. Ayon sa sinaunang mga manuskrito, ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay lumilitaw nang libo-libong ulit sa Bibliya. Pinalitan ito ng mga titulong Panginoon o Diyos sa maraming salin. Pero nagpakilala kay Moises ang tunay na Diyos gamit ang kaniyang pangalang Jehova, na sinasabi: “Ito ang pangalan ko magpakailanman.” (Exodo 3:15) Dahil dito, naipakita ni Jehova na iba siya sa huwad na mga diyos. Ipinagmamalaki naming taglayin ang banal na pangalan ng Diyos.
Inilalarawan nito ang aming atas. Sa loob ng maraming siglo, mula pa noong panahon ng matuwid na si Abel, marami na ang nagpatotoo tungkol sa kanilang pananampalataya kay Jehova. Nariyan sina Noe, Abraham, Sara, Moises, David, at iba pa na kabilang sa ‘malaking ulap ng mga saksi.’ (Hebreo 11:4–12:1) Gaya ng isa na handang tumayong saksi sa korte para sa isang taong inosente, determinado kaming ipaalám sa iba ang katotohanan tungkol sa aming Diyos.
Tinutularan namin si Jesus. Tinatawag siya ng Bibliya na “ang saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Si Jesus mismo ang nagsabi na ‘ipinakilala niya ang pangalan ng Diyos’ at ‘nagpatotoo siya sa katotohanan’ tungkol sa Diyos. (Juan 17:26; 18:37) Kaya dapat taglayin at ihayag ng mga tunay na tagasunod ni Kristo ang pangalan ni Jehova. Iyan ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova.
-
Bakit pinili ng mga Estudyante ng Bibliya na gamitin ang pangalang mga Saksi ni Jehova?
-
Kailan pa nagkaroon si Jehova ng mga saksi sa lupa?
-
Sino ang pinakadakilang Saksi ni Jehova?