Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 30

Itinago ni Rahab ang mga Espiya

Itinago ni Rahab ang mga Espiya

Nang pumunta ang mga espiyang Israelita sa lunsod ng Jerico, tumuloy sila sa bahay ng isang babae na ang pangalan ay Rahab. Nalaman ito ng hari ng Jerico kaya nagpadala siya ng mga sundalo sa bahay ni Rahab. Itinago ni Rahab sa bubong ang dalawang espiya at itinuro sa ibang direksiyon ang mga sundalo. Sinabi niya sa mga espiya: ‘Tutulungan ko kayo kasi alam kong kakampi n’yo si Jehova at matatalo n’yo ang Jerico. Pero ipangako n’yong ililigtas n’yo ang aming pamilya.’

Sinabi ng mga espiya kay Rahab: ‘Pangako, walang masasaktan sa mga nasa loob ng bahay mo.’ Sinabi din nila: ‘Magtali ka ng pulang lubid sa iyong bintana, at makakaligtas ang pamilya n’yo.’

Tinulungan ni Rahab ang mga espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. Umakyat sila sa bundok at tatlong araw na nagtago doon bago bumalik kay Josue. ’Tapos, tumawid na ang mga Israelita sa Ilog Jordan para sakupin ang lupain. Jerico ang unang lunsod na sinakop nila. Inutusan sila ni Jehova na magmartsa sa palibot ng lunsod, isang beses bawat araw sa loob ng anim na araw. Noong ikapitong araw, nagmartsa sila sa palibot ng lunsod nang pitong beses. Pagkatapos, hinipan ng mga saserdote ang mga trumpeta nila, at ang mga sundalo naman ay sumigaw nang sobrang lakas. Nagiba ang mga pader ng lunsod! Pero ang bahay ni Rahab, na nasa pader mismo, ay nakatayo pa rin. Nakaligtas si Rahab at ang pamilya nila kasi nagtiwala sila kay Jehova.

“Sa gayon ding paraan, hindi ba . . . si Rahab ay ipinahayag ding matuwid dahil sa mga gawa niya pagkatapos niyang patuluyin nang may kabaitan ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?”—Santiago 2:25