Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 9

Paano Magiging Masaya ang Inyong Pamilya?

Paano Magiging Masaya ang Inyong Pamilya?

1. Bakit mahalaga ang kasal para maging masaya ang pamilya?

Ang magandang balita ay mula kay Jehova, ang maligayang Diyos, at gusto niyang maging masaya ang mga pamilya. (1 Timoteo 1:11) Sa kaniya galing ang pag-aasawa. Mahalaga ang legal na kasal para maging masaya ang pamilya dahil nagbibigay ito ng kapanatagan sa mag-asawa at sa mga anak nila. Dapat sumunod ang mga Kristiyano sa mga kahilingan ng batas may kaugnayan sa pagpapakasal.​—Basahin ang Lucas 2:1, 4, 5.

Ano ang pananaw ng Diyos sa pag-aasawa? Gusto niya itong maging permanenteng pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Gusto ni Jehova na maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. (Hebreo 13:4) Ayaw niya ang pagdidiborsiyo o paghihiwalay. (Malakias 2:16) Pinapayagan lang niya ang isang Kristiyano na makipagdiborsiyo o makipaghiwalay at mag-asawang muli kung nangalunya ang asawa nito.​—Basahin ang Mateo 19:3-6, 9.

2. Paano dapat tratuhin ng mag-asawa ang isa’t isa?

Nilalang ni Jehova ang lalaki at babae para maging magkatuwang. (Genesis 2:18) Bilang ulo ng pamilya, ang lalaki ang dapat manguna sa paglalaan ng materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya at sa pagtuturo sa kanila tungkol sa Diyos. Dapat siyang maging mapagsakripisyo para sa kaniyang asawa. Dapat mahalin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Dahil pareho silang nagkakamali, napakahalagang maging mapagpatawad para maging masaya ang pagsasama nila.​—Basahin ang Efeso 4:31, 32; 5:22-25, 33; 1 Pedro 3:7.

3. Dapat ka bang makipaghiwalay kung hindi ka na masaya sa iyong asawa?

Kung nagkakaproblema kayo sa pagsasama ninyong mag-asawa, dapat na pareho ninyong sikaping magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. (1 Corinto 13:4, 5) Hindi iminumungkahi ng Salita ng Diyos ang paghihiwalay bilang solusyon sa mga problemang karaniwan sa mga mag-asawa.​—Basahin ang 1 Corinto 7:10-13.

4. Mga anak, ano ang gusto ng Diyos para sa inyo?

Gusto ni Jehova na maging masaya kayo. Nagbibigay siya ng pinakamagandang payo para ma-enjoy ninyo ang inyong kabataan. Gusto niyang matuto kayo mula sa karunungan at karanasan ng inyong mga magulang. (Colosas 3:20) Gusto rin ni Jehova na maranasan ninyo kung gaano kasaya na paglingkuran ang inyong Maylalang at ang kaniyang Anak.​—Basahin ang Eclesiastes 11:9–12:1; Mateo 19:13-15; 21:15, 16.

5. Mga magulang, ano ang dapat ninyong gawin para maging masaya ang inyong mga anak?

Kailangan ninyong magtrabaho para mabigyan ng pagkain, tirahan, at pananamit ang inyong mga anak. (1 Timoteo 5:8) Pero para maging masaya sila, dapat din ninyo silang turuang ibigin ang Diyos at matuto mula sa Bibliya. (Efeso 6:4) Malaki ang magagawa ng halimbawa ninyo; dapat na makita ng inyong mga anak na mahal ninyo ang Diyos. Kapag mula sa Bibliya ang itinuturo ninyo, mahuhubog nang tama ang kaisipan ng inyong anak.​—Basahin ang Deuteronomio 6:4-7; Kawikaan 22:6.

Maganda ang epekto sa mga bata kapag pinalalakas ninyo ang loob nila at pinupuri sila. Pero kailangan din nila ng pagtutuwid at disiplina. Mailalayo sila nito sa mga paggawing puwedeng magpahamak sa kanila. (Kawikaan 22:15) Pero hindi naman dapat na maging malupit o sobrang higpit ang pagdidisiplina.​—Basahin ang Colosas 3:21.

Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng mga publikasyong dinisenyo para tulungan ang mga magulang at mga anak. Ang mga ito ay batay sa Bibliya.​—Basahin ang Awit 19:7, 11.