Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BAHAGI 1

“Hahanapin Ko ang Nawala”

“Hahanapin Ko ang Nawala”

Hindi malaman ng tupa ang gagawin. Habang nanginginain sa pastulan, napahiwalay ito sa ibang mga tupa. Hindi na nito makita ang kawan at ang pastol. Dumidilim na. Walang kalaban-laban ang nawawalang tupa sa isang libis na may mga gumagala-galang maninila. Walang ano-ano, nakarinig ito ng isang pamilyar na boses—ang boses ng pastol, na patakbong lumapit sa tupa, binuhat ito, ibinalot sa tupi ng kasuotan niya, at saka iniuwi.

PAULIT-ULIT na itinutulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa gayong pastol. Tinitiyak niya sa atin: “Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aalagaan ko sila.”​—Ezekiel 34:11, 12.

“Ang mga Tupa na Inaalagaan Ko”

Sino ang mga tupa ni Jehova? Sa simpleng salita, ang mga tupa ni Jehova ay ang mga taong umiibig at sumasamba sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Sumamba tayo at yumukod; lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha. Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan na pinapastulan niya, ang mga tupang inaalagaan niya.” (Awit 95:6, 7) Gaya ng literal na tupa na sumusunod sa pastol, ang mga mananamba ni Jehova ay gustong-gustong sumunod sa kanilang Pastol. Perpekto ba sila? Hindi. Kung minsan, ang mga lingkod ng Diyos ay nagiging gaya ng “nangalat niyang mga tupa,” “nawawalang mga tupa,” at “mga tupang naliligaw.” (Ezekiel 34:12; Mateo 15:24; 1 Pedro 2:25) Pero mapalayo man ang isa, umaasa pa rin si Jehova na makakabalik ito.

Nadarama mo bang Pastol mo pa rin si Jehova? Paano pinatutunayan ni Jehova na Pastol pa rin siya sa ngayon? Tingnan ang tatlong paraan:

Pinakakain niya tayo sa espirituwal. “Pakakainin ko sila sa magandang pastulan,” ang sabi ni Jehova. “Hihiga sila doon sa madamong lupain at manginginain sa magagandang pastulan.” (Ezekiel 34:14) Si Jehova ay patuloy na naglalaan ng sari-sari at napapanahong espirituwal na pagkaing nakakarepresko. May naiisip ka bang artikulo, pahayag, o video na naging sagot sa panalangin mo? Hindi ba’t patunay ito na nagmamalasakit sa iyo si Jehova?

Pinoprotektahan niya tayo at inaalalayan. Nangako si Jehova: “Ibabalik ko ang napalayo, bebendahan ko ang may bali, at palalakasin ko ang mahina.” (Ezekiel 34:16) Pinapalakas ni Jehova ang mga maysakit o ang mga nadaraig ng kabalisahan. Binebendahan niya ang kaniyang mga tupa at tinutulungan silang gumaling kapag nasaktan sila—marahil kahit ng mga kapananampalataya nila. At ibinabalik niya ang mga napalayo at ang mga pinapahirapan ng negatibong damdamin.

Alam niyang responsibilidad niya tayo. “Ililigtas ko ang mga tupa saanman nangalat ang mga ito,” ang sabi ni Jehova. “Hahanapin ko ang nawala.” (Ezekiel 34:12, 16) Para kay Jehova, ang isang nawawalang tupa ay may pag-asa pang magbago. Alam niya kapag may nawawalang tupa, hinahanap niya ito, at masayang-masaya siya kapag natagpuan ito. (Mateo 18:12-14) Hindi nga ba’t tinatawag niya ang kaniyang mga tunay na mananamba na “aking mga tupa, ang mga tupa na inaalagaan ko”? (Ezekiel 34:31) Isa ka sa mga tupang iyon.

Para kay Jehova, ang isang nawawalang tupa ay may pag-asa pang magbago. Masayang-masaya siya kapag natagpuan ito

“Ibalik Mo ang Masasayang Araw Namin”

Bakit ka hinahanap ni Jehova at hinihimok na manumbalik sa kaniya? Dahil gusto ka niyang maging masaya. Nangangako siya na “bubuhos ang pagpapala gaya ng ulan” sa kaniyang mga tupa. (Ezekiel 34:26) Hindi iyan pangakong napapako. Napatunayan mo na iyan mismo.

Alalahanin ang mga karanasan mo noon nang makilala mo si Jehova. Halimbawa, ano’ng nadama mo nang malaman mo ang mga katotohanan tungkol sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang layunin para sa mga tao? Naaalaala mo ba kung gaano kasayang makipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano sa panahon ng asamblea at kombensiyon? Nang ibahagi mo ang mabuting balita sa isa na nagpakita ng tunay na interes, hindi ba’t umuwi kang masayang-masaya?

Puwede mong madama ulit ang kagalakang iyon. “Panumbalikin mo kami sa iyo, O Jehova,” ang dalangin ng sinaunang mga lingkod ng Diyos, “at manunumbalik kami agad sa iyo. Ibalik mo ang masasayang araw namin.” (Panaghoy 5:21) Sinagot ni Jehova ang panalanging iyan, at ang kaniyang bayan ay nanumbalik para paglingkuran siya nang may panibagong kagalakan. (Nehemias 8:17) Ganiyan din ang gagawin ni Jehova para sa iyo.

Kaya lang, ang panunumbalik kay Jehova ay madaling sabihin pero mahirap gawin. Tingnan ang ilang hamon ng panunumbalik at kung paano mo ito mapagtatagumpayan.