Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 6:1-18
Talababa
Study Notes
Bilang mga kamanggagawa niya: Ibig sabihin, mga kamanggagawa ng Diyos, gaya ng makikita sa konteksto, sa 2Co 5:20. Doon, sinabi ni Pablo na sa ministeryo nila, “para bang nakikiusap ang Diyos sa pamamagitan [nila].” Ang pandiwang Griego na isinaling “nakikiusap” (pa·ra·ka·leʹo) sa talatang iyon ay ginamit sa konteksto kung saan ang mga tao ay gumagawang kasama ng Diyos. Iyan din ang pandiwang ginamit dito sa 2Co 6:1, sa pariralang “hinihimok namin kayo [o, “nakikiusap kami sa inyo”].” Ipinapakita nito na ang Diyos ay talagang kamanggagawa ng tunay na mga ministrong Kristiyano, gaya ni Pablo at ng mga kasama niya.—Tingnan ang study note sa 1Co 3:9.
walang-kapantay na kabaitan: Tingnan sa Glosari.
huwag ninyo itong bale-walain: Sa ekspresyong Griego na isinaling “huwag . . . bale-walain,” ginamit ang isang salita na literal na nangangahulugang “walang laman.” Isinasalin din itong “walang kabuluhan; para sa wala.” Ipinapakita sa konteksto na ang pinahirang mga Kristiyano ay tumanggap ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos at ipinagkatiwala sa kanila ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” bilang “mga embahador . . . na humahalili kay Kristo.” (2Co 5:18-20) Kung hindi isasagawa ng mga Kristiyano ang ministeryong iyon at hindi nila pagsisikapang patuloy na makuha ang pabor ng Diyos sa “panahon ng kabutihang-loob” at “araw ng kaligtasan,” para na rin nilang binale-wala ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.—2Co 6:2.
Dahil sinasabi niya: “Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay pinakinggan kita”: Sinisipi dito ni Pablo ang hula sa Isa 49:8. Lumilitaw na ang kinakausap dito ay si Isaias, ang tinutukoy na “lingkod,” na kumakatawan sa buong bansang Israel. (Isa 49:3) Hula ito tungkol sa pagbabalik na unang natupad nang makalaya ang Israel mula sa Babilonya. Pero sinabi ni Isaias na ang “lingkod” na ito ni Jehova ay ‘ibibigay sa bayan bilang isang tipan’ (Isa 49:8) at bilang “liwanag ng mga bansa, para ang pagliligtas [ng Diyos] ay umabot sa mga dulo ng lupa” (Isa 49:6). Ipinapakita nito na isa rin itong hula tungkol sa Mesiyas, na natupad kay Kristo Jesus bilang “lingkod” ng Diyos. (Ihambing ang Isa 42:1-4, 6, 7 sa Mat 12:18-21.) Ang “panahon ng kabutihang-loob” ay ang panahon kung kailan sinagot at tinulungan ni Jehova ang kaniyang lingkod. Ipinapakita ng Kasulatan na noong nasa lupa si Jesus, ‘nagsumamo at nakiusap siya sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan, at pinakinggan siya dahil sa kaniyang makadiyos na takot.’ (Heb 5:7-9; ihambing ang Luc 22:41-44; 23:46; Ju 12:27, 28; 17:1-5.) Kaya matatawag itong “araw ng kaligtasan” at “panahon ng kabutihang-loob” para sa mismong Anak ng Diyos, ang inihulang “lingkod.”—Ihambing ang study note sa Luc 4:19.
Talagang ngayon ang panahon ng kabutihang-loob! Ngayon ang araw ng kaligtasan!: Ang hula sa Isa 49:8 na sinipi ni Pablo ay hula tungkol sa pagbabalik at tungkol sa Mesiyas. Kahit kay Jesu-Kristo natupad ang hulang ito, sinipi ito ni Pablo para ipakitang para din ito sa mga Kristiyano. Hinimok sila ni Pablo na ‘huwag bale-walain ang tinanggap nilang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.’ (2Co 6:1) Ang mga Kristiyanong iyon ay naging espirituwal na ”Israel ng Diyos” mula noong Pentecostes 33 C.E. (Gal 6:16) Pero kailangan nilang patunayan na karapat-dapat sila sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos para ang “panahon ng kabutihang-loob” ay maging “araw ng kaligtasan” din para sa kanila.
inirerekomenda namin ang sarili namin bilang mga lingkod ng Diyos: Sa mga liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto, tinawag na niya ang sarili niya at ang mga kamanggagawa niya na “mga lingkod.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:5; 2Co 3:6.) Sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego na isinaling “inirerekomenda namin ang sarili namin bilang” ay nangangahulugan ding “pinatutunayan (ipinapakita) naming kami ay.” Hindi napatunayan ng ilan sa kongregasyon sa Corinto na karapat-dapat sila sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (2Co 6:1, 3) Kaya “sa bawat paraan” ay inirerekomenda ni Pablo at ng mga kasamahan niya ang sarili nila bilang mga lingkod ng Diyos.
sa kanan at kaliwang kamay: Lumilitaw na ginamit ditong ilustrasyon ni Pablo ang paghawak ng isang sundalo sa mga sandata nito. Kadalasan na, hawak ng sundalo sa kanang kamay niya ang kaniyang espada bilang pang-atake at nasa kaliwa naman niya ang kaniyang pananggalang. Ginamit ni Pablo ang mga sandatang ito ng katuwiran, kasama na ang salita ng Diyos, para ipalaganap ang katotohanan at ipagtanggol ang dalisay na pagsamba mula sa mga pagsalakay. (2Co 10:4, 5; Efe 6:16, 17; Heb 4:12) Di-gaya ng mga kaaway ni Pablo, hindi siya umabuso sa awtoridad, nandaya, o nanira para lang magawa ang atas niya. (2Co 1:24; 10:9; 11:3, 13-15; 12:16, 17) Ang mga paraang ginamit niya ay ang mga matuwid lang sa harap ng Diyos. (Tingnan sa Glosari, “Katuwiran.”) Gusto ni Pablo na ang lahat ng ministrong Kristiyano ay maging handa at bihasa sa atas nila.
malapit nang mamatay: O “itinuturing na karapat-dapat sa kamatayan.” Sa ministeryo ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya, maraming beses na nanganib ang buhay nila. (Gaw 14:19; 1Co 15:30, 31; 2Co 1:8; 4:11; 11:23-27) Pero buháy pa rin sila! Naingatan silang buháy sa kabila ng lahat ng pagsubok at pag-uusig.
Binuksan namin ang aming bibig para sa inyo: Ang idyomang Griego na “binuksan namin ang aming bibig para sa inyo” ay nangangahulugang “tapatan kaming nakipag-usap sa inyo.”
Hindi namin nililimitahan ang pagmamahal namin sa inyo: Ang salitang Griego na ste·no·kho·reʹo·mai, na dalawang beses ginamit sa talatang ito, ay literal na nangangahulugang “ilagay sa isang masikip na lugar.” Ipinaliwanag ng isang diksyunaryo ang kahulugan ng pariralang ito may kaugnayan sa mga Kristiyano sa Corinto: “Hindi sila binigyan ni Pablo ng napakaliit na lugar sa puso niya.” Kaya ang sinasabi talaga ni Pablo ay walang limitasyon ang pagmamahal niya para sa mga Kristiyano sa Corinto.
pagmamahal: O “magiliw na pagmamahal.” Ang salitang Griego na ginamit dito, splagkhʹnon, ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Kaya sa Gaw 1:18, isinalin itong “laman-loob [bituka].” Sa konteksto (2Co 6:12), ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.
buksan din ninyong mabuti ang inyong puso: O “magpalawak din kayo.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “palawakin; palakihin.” (Mat 23:5) Ginamit ito ni Pablo para tumukoy sa pagpapakita ng magiliw na pagmamahal. Sinabi ng isang reperensiya na tumutukoy ito sa pagpapakita ng “malaki at walang-limitasyong pag-ibig.”
Huwag kayong makipagtuwang: Lit., “Huwag kayong magpasailalim sa pamatok na hindi pantay.” Ang ilustrasyong ito ay batay sa pagsasaka. Hindi pinagtatrabahong magkasama ng isang magsasaka ang dalawang hayop na magkaibang-magkaiba ang laki at lakas. Kung gagawin niya ito, mahihirapang makasabay ang mas mahinang hayop, at mas mabigat naman ang trabahong mapupunta sa mas malakas na hayop. Malamang na nasa isip dito ni Pablo ang Deu 22:10, kung saan pinagbawalan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita na pagsamahin ang toro at asno sa pag-aararo. Ginamit niya ito para ipakita kung gaano kapanganib sa espirituwal para sa isang Kristiyano na makipagtuwang sa mga hindi bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Ang isang halimbawa nito ay kapag nag-asawa ng di-kapananampalataya ang isang Kristiyano. Hindi magkakatugma ang kanilang kaisipan at gawain pagdating sa espirituwal.
makipagtuwang: Ang salitang Griego na ginamit dito, he·te·ro·zy·geʹo, ay isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at literal na nangangahulugang “pagtuwangin (pagsamahin) ang magkaiba ng uri.” Ang kaugnay nitong pandiwa na syn·zeuʹgny·mi ay ginamit sa Mat 19:6 at Mar 10:9 sa pariralang “ang pinagsama [o, “pinagtuwang”] ng Diyos.” Ang dalawang pandiwang ito ay parehong kaugnay ng salitang Griego para sa “pamatok,” zy·gosʹ.
magkaisa: O “magkasundo.” Ang salitang Griego na ginamit dito, sym·phoʹne·sis, ay literal na nangangahulugang “tumunog nang magkasama.” Puwede itong tumukoy sa magandang musikang nalilikha ng pinagsama-samang instrumento. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay nangangahulugang “pagkakaroon ng parehong interes.” Kaya ang sagot sa unang retorikal na tanong sa talatang ito ay “Siyempre, hindi puwedeng magkaisa, o magkasundo, si Kristo at si Satanas.”
Belial: Ang terminong ito, na dito lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay isang tawag kay Satanas. Sa mga Griegong manuskrito, ginamit ang ispeling na Be·liʹar, at ganito ang makikita sa ilang salin. Pero ang terminong Griego na ito ay katumbas ng beli·yaʹʽal, isang terminong Hebreo na nangangahulugang “walang kuwenta; walang silbi.” Puwede itong tumukoy sa mga ideya, salita, at payo (Deu 15:9; Aw 101:3; Na 1:11, kung saan isinalin itong “masama”), pati na sa isang “masamang” pangyayari. (Aw 41:8). Pinakamadalas itong tumukoy sa walang kuwenta at pinakamababang uri ng mga tao, gaya ng mga nanghihikayat sa bayan ni Jehova na sumamba sa ibang mga diyos. (Deu 13:13) Ginamit din ang ekspresyong ito sa ibang mga talata para tumukoy sa masasamang tao. (Huk 19:22-27; 20:13; 1Sa 25:17, 25; 2Sa 20:1; 22:5; 1Ha 21:10, 13) Noong unang siglo C.E., ginamit ang Belial para tumukoy kay Satanas. Sa Syriac na Peshitta, “Satanas” ang ginamit dito sa 2Co 6:15. Kadalasan nang Satanas ang tawag ni Pablo sa kaaway ng Diyos (Ro 16:20; 2Co 2:11), pero tinatawag niya rin itong “Diyablo” (Efe 6:11; 1Ti 3:6), “isa na masama” (2Te 3:3), at “diyos ng sistemang ito” (2Co 4:4).
may pagkakapareho ba ang isang mananampalataya at isang di-sumasampalataya?: O “anong bahagi mayroon ang isang mananampalataya sa isang di-sumasampalataya?” Ang salitang Griego dito na me·risʹ, na nangangahulugang “bahagi,” ay ginamit sa Gaw 8:21 sa katulad na diwa, kung saan isinalin din itong “bahagi.”
mananampalataya: O “tapat na tao.” Ang salitang Griego na pi·stosʹ ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagtitiwala, o nananampalataya, sa isang indibidwal o isang bagay. Pero puwede rin itong tumukoy sa isang taong pinagkakatiwalaan, tapat, at maaasahan. Sa ilang kaso, gaya sa talatang ito, parehong posible ang dalawang kahulugang ito.
gaya ng sinabi ng Diyos: Sumisipi si Pablo sa Hebreong Kasulatan o ginagawa niya itong reperensiya para ipakita na hindi nagbabago ang pananaw ng Diyos sa espirituwal na kalinisan. Ang sinabi ni Pablo sa talata 16 ay kinuha niya sa Lev 26:11, 12 at Eze 37:27.
Kaya umalis kayo sa gitna ng mga ito: Sa kontekstong ito (2Co 6:14–7:1), pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na manatiling malinis at huwag makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya. Dito sa talata 17, sinipi niya ang Isa 52:11, na isang hula at utos para sa mga Judiong bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. Dala ng mga Judiong iyon ang mga sagradong kagamitan na kinuha noon ni Haring Nabucodonosor mula sa templo sa Jerusalem. Hindi lang nila kailangang manatiling malinis sa seremonyal na paraan. Kailangan din nilang magkaroon ng malinis na puso at linisin ang sarili nila sa lahat ng bahid ng huwad na pagsamba. Sa katulad na paraan, kailangang umiwas ng mga Kristiyano sa Corinto sa maruruming templo ng huwad na relihiyon at sa lahat ng maruruming gawain na may kaugnayan sa idolatriya. Kailangan nilang “linisin [ang kanilang] sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.”—2Co 7:1.
ang sabi ni Jehova: Sa talatang ito, maraming pariralang kinuha si Pablo sa Isa 52:11, kung saan malinaw sa konteksto na ang Diyos na Jehova ang nagsasalita. (Isa 52:4, 5) Pinagdugtong ni Pablo ang mga siniping bahagi gamit ang ekspresyong lumitaw nang daan-daang beses sa Septuagint na katumbas ng mga pariralang Hebreo na “sabi ni Jehova“ at “ito ang sinabi ni Jehova.” Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isa 1:11; 48:17; 49:18 (sinipi sa Ro 14:11); 52:4, 5.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 6:17.
at tatanggapin ko kayo: Lumilitaw na sinipi ito mula sa salin ng Septuagint sa Eze 20:41.
ang sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat: Lumilitaw na ang mga sinabi ni Pablo sa talatang ito ay sinipi niya mula sa 2Sa 7:14 at Isa 43:6. Ang pariralang “ang sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat” ay malamang na galing sa salin ng Septuagint sa 2Sa 7:8, kung saan ang mababasa sa orihinal na tekstong Hebreo ay “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo.” Sumipi si Pablo sa Hebreong Kasulatan para himukin ang mga Kristiyano na umiwas sa huwad na pagsamba at sa paggamit ng walang-buhay at walang-kapangyarihang mga idolo. Kung gagawin nila ito, ituturing silang “mga anak” ni “Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat.”—Tingnan ang Ap. C1 at C2.
Makapangyarihan-sa-Lahat: Ang salitang Griego na Pan·to·kraʹtor, na isinalin ditong “Makapangyarihan-sa-Lahat,” ay puwede ring isaling “Tagapamahala ng Lahat; ang Isa na Nagtataglay ng Lahat ng Kapangyarihan.” Sa kontekstong ito, hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na umiwas sa huwad na pagsamba at sa paggamit ng walang-buhay at walang-kapangyarihang mga idolo (2Co 6:16) para maging anak sila ng “Makapangyarihan-sa-Lahat.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ito ang una sa 10 paglitaw ng terminong isinaling “Makapangyarihan-sa-Lahat.” Ang siyam na iba pa ay makikita sa aklat ng Apocalipsis.—Apo 1:8; 4:8; 11:17; 15:3; 16:7, 14; 19:6, 15; 21:22.