Mga Awit 104:1-35
104 Pupurihin ko si Jehova.+
O Jehova na aking Diyos, napakadakila mo.+
Nadaramtan ka ng dangal at karilagan.+
2 Nababalot ka ng liwanag+ na gaya ng damit;Inilalatag mo ang langit na gaya ng telang pantolda.+
3 Ang mga biga ng mga silid niya sa itaas ay inilalagay niya sa tubig sa langit,*+Ginagawa niyang karwahe ang mga ulap,+At lumalakad siya sa mga pakpak ng hangin.+
4 Ginagawa niyang mga makapangyarihang puwersa* ang mga anghel niya;Ginagawa niyang lumalamong apoy ang mga lingkod niya.+
5 Itinayo niya ang lupa sa matatag na pundasyon;+Hindi ito magagalaw sa lugar nito* magpakailanman.+
6 Dinamtan mo ito ng malalim na tubig.+
Natakpan ng tubig ang mga bundok.
7 Nang sawayin mo sila, tumakas sila;+Pagkarinig sa tunog ng iyong kulog, nagtakbuhan sila sa takot
8 —Umangat ang mga bundok+ at bumaba ang mga lambak—Sa lugar na inihanda mo para sa kanila.
9 Nagtakda ka ng hangganan na hindi nila puwedeng lampasan,+Para hindi na nila muling takpan ang lupa.
10 Nagpapadaloy siya ng tubig papunta sa mga lambak;*Umaagos ang mga ito sa pagitan ng mga bundok.
11 Naglalaan sila ng tubig para sa lahat ng hayop sa parang;Napapawi ang uhaw ng maiilap na asno.
12 Sa itaas nila, dumadapo ang mga ibon ng langit;Umaawit ang mga ito mula sa mayayabong na puno.
13 Dinidilig niya ang mga bundok mula sa mga silid niya sa itaas.+
Nasisiyahan ang lupa sa bunga ng iyong mga gawa.+
14 Pinatutubo niya ang mga damo para sa mga bakaAt ang mga pananim para sa mga tao,+Para magbigay ang lupa ng pagkain
15 At alak na nagpapasaya sa puso ng tao,+Langis na nagpapaningning ng mukha,At tinapay na nagpapalakas sa puso ng tao.+
16 Ang mga puno ni Jehova ay nadidiligang mabuti,Ang mga itinanim niyang sedro ng Lebanon,
17 Na pinamumugaran ng mga ibon.
Ang bahay ng siguana*+ ay nasa mga puno ng enebro.
18 Ang matataas na bundok ay para sa mga kambing-bundok;+Ang malalaking bato ay kanlungan para sa mga kuneho.*+
19 Ginawa niya ang buwan para maging tanda ng panahon;Alam ng araw kung kailan lulubog.+
20 Pinasasapit mo ang kadiliman, at dumarating ang gabi,+At gumagala ang lahat ng hayop sa kagubatan.
21 Ang mga leon ay umuungal kapag naghahanap ng masisila+At humihingi ng pagkain mula sa Diyos.+
22 Sa pagsikat ng araw,Nag-aalisan sila at humihiga sa mga lungga nila.
23 Ang tao ay pumupunta sa trabaho niyaAt nagpapagal hanggang gabi.
24 Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova!+
Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan.+
Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.
25 Naroon ang dagat, na napakalaki at napakalawak,Punong-puno ng di-mabilang na buháy na nilikha, maliliit at malalaki.+
26 Doon naglalakbay ang mga barko,At ang Leviatan,*+ na ginawa mo para maglaro doon.
27 Lahat sila ay naghihintay sa iyoPara bigyan mo ng pagkain sa tamang panahon.+
28 Ang ibinibigay mo sa kanila ay kinukuha nila.+
Binubuksan mo ang kamay mo, at nabubusog sila ng mabubuting bagay.+
29 Kapag itinatago mo ang iyong mukha, nababahala sila.
Kapag inalis mo ang hininga* nila, namamatay sila at bumabalik sa alabok.+
30 Kapag isinugo mo ang espiritu mo, nalalalang* sila,+At binibigyan mo ng bagong buhay ang lupa.
31 Ang kaluwalhatian ni Jehova ay mananatili magpakailanman.
Si Jehova ay magsasaya sa kaniyang mga gawa.+
32 Tinitingnan niya ang lupa, at nayayanig ito;Hinihipo niya ang mga bundok, at umuusok ang mga ito.+
33 Aawit ako kay Jehova+ sa buong buhay ko;Aawit ako ng papuri* sa aking Diyos hangga’t nabubuhay ako.+
34 Maging kalugod-lugod nawa sa kaniya ang mga iniisip ko.*
Magsasaya ako kay Jehova.
35 Ang mga makasalanan ay maglalaho sa lupa,At ang masasama ay mawawala na.+
Pupurihin ko si Jehova. Purihin ninyo si Jah!*
Talababa
^ Lit., “sa tubig.”
^ Lit., “mga espiritu.”
^ O “Hindi ito mayayanig.”
^ O “wadi.”
^ Sa Ingles, stork.
^ Kuneho sa batuhan.
^ O “nalilikha.”
^ O “Aawit ako at tutugtog para.”
^ O posibleng “Maging kalugod-lugod nawa ang pagbubulay-bulay ko tungkol sa kaniya.”
^ O “Hallelujah!” Ang “Jah” ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.