Liham sa mga Taga-Efeso 6:1-24
Talababa
Study Notes
ayon sa kalooban ng Panginoon: Inalis sa ilang manuskrito ang pariralang “ayon sa kalooban ng Panginoon,” pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, mas matibay ang basehan ng saling ito.
Parangalan mo ang iyong ama at ina: Nang sipiin ni Pablo ang ikalima sa Sampung Utos, ipinakita niya na ang pagpaparangal, o paggalang, sa mga magulang ay hindi lang obligasyon ng mga nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kundi pati ng mga Kristiyano. (Exo 20:12; Deu 5:16) Ito ang unang utos na may kasamang pangako dahil espesipikong binanggit na mapapabuti at hahaba ang buhay ng mga susunod dito.—Efe 6:3.
huwag ninyong inisin: Ang pandiwang Griego para sa “inisin” ay puwedeng literal na isaling “galitin.” Hindi ito tumutukoy sa pagkainis ng mga anak sa maliliit na bagay na di-sinasadyang nagagawa ng mga magulang dahil sa pagiging di-perpekto. Ayon sa isang reperensiya, ang pagkainis na ito ay dahil sa “pagiging padalos-dalos [ng mga magulang] at malupit at pabago-bagong pakikitungo [nila] sa mga anak kaya . . . napapalayo ang mga ito, naghihinanakit, at nagrerebelde.”—Ihambing ang Col 3:21.
disiplina: Ang salitang Griego para sa “disiplina” (pai·deiʹa) ay kaugnay ng isang salita para sa “anak” (pais). Kaya ang isang aspekto ng “disiplina” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya ay tumutukoy sa mga kailangan sa pagpapalaki ng mga anak—pagbibigay ng tagubilin, pagtuturo, pagtutuwid, at kung minsan, pagpaparusa sa maibiging paraan. Ayon sa isang diksyunaryo, ang terminong ito ay nangangahulugang “pagpatnubay sa isa para lumaki siyang responsable, pagsubaybay sa kaniyang paglaki, pagsasanay, at pagtuturo.”
disiplina at patnubay ni Jehova: Ang Diyos na Jehova ang nakakaalam ng pinakamahusay na paraan ng pagpapalaki sa mga anak. Nang sabihin ni Moises sa mga Israelita na ‘dapat nilang ibigin si Jehova’ nang kanilang buong puso, kaluluwa, at lakas, tinagubilinan din niya sila na itanim sa puso ng mga anak nila ang salita ni Jehova. (Deu 6:5-8) Sinasabi sa Bibliya na si Jehova mismo ang nagdidisiplina sa mga lingkod niya.—Deu 11:2; Kaw 3:11, 12; Heb 12:6; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 6:4.
patnubay: O “tagubilin; payo; pagsasanay.” Lit., “ilagay sa kanila ang kaisipan.” Ang salitang Griego na ginamit dito (nou·the·siʹa) ay kombinasyon ng mga salita para sa “isip” (nous) at “ilagay” (tiʹthe·mi). Sa kontekstong ito, ipinapakita ng paggamit ng salitang ito na kailangang tulungan ng mga Kristiyanong ama ang anak nila na maintindihan ang kaisipan ng Diyos. Para bang inilalagay nila ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa isip ng mga anak nila.
mga panginoon ninyo: O “mga taong panginoon ninyo.” Dito, pinapayuhan ni Pablo ang mga aliping Kristiyano na maging masunurin sa mga panginoon nila sa lupa. Pero kailangang tandaan ng mga aliping Kristiyano, pati na ng mga panginoon nila, na may mas mataas silang Panginoon na nasa langit.—Efe 6:9.
hindi lang kapag may nakatingin sa inyo, para matuwa sa inyo ang mga tao: Ang isang aliping Kristiyano ay dapat na maging masunurin at masipag, hindi lang kapag nakatingin ang panginoon niya. Sa halip, dapat siyang maglingkod nang ‘buong kaluluwa’ at may takot kay Jehova.—Efe 6:5-8; Col 3:22-25.
buong kaluluwang: Ang ekspresyong Griego dito na isinaling ‘buong kaluluwa’ ay lumitaw nang dalawang beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Col 3:23. Sa ekspresyong ito, ang ‘kaluluwa’ ay tumutukoy sa buong pagkatao, kasama na ang pisikal at mental na kakayahan; kaya sa ilang Bibliya, isinalin itong “buong puso.” Kaya ang paglilingkod nang buong kaluluwa ay nangangahulugan na ang isang tao ay maglilingkod nang buong buhay niya at lubusan niyang gagamitin ang lahat ng kakayahan at lakas niya.—Deu 6:5; Mat 22:37; Mar 12:29, 30; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
na parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao: Sa kontekstong ito, pinapasigla ni Pablo ang mga aliping naging Kristiyano na maging masunurin sa mga taong “panginoon” nila. (Efe 6:5) Dapat silang maglingkod sa mga ito na “gaya ng alipin ni Kristo, na buong kaluluwang ginagawa ang kalooban ng Diyos.” (Efe 6:6) Idiniin ni Pablo na anuman ang ginagawa nila, dapat nilang isaisip ang kaugnayan nila sa Diyos na Jehova. Kapag sinusunod at iginagalang nila ang mga taong panginoon nila, o mga nagmamay-ari sa kanila, hindi nila nadurungisan ang “pangalan ng Diyos.” (1Ti 6:1) Ganito rin ang payo ni Pablo sa mga alipin sa liham niya sa mga taga-Colosas, na isinulat niya nang mga panahon ding isinulat niya ang liham niya sa mga taga-Efeso.—Col 3:22-24; tingnan ang “Introduksiyon sa Efeso”; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 6:7.
gagantimpalaan siya ni Jehova dahil doon: Sa buong Bibliya, inilalarawan ang Diyos na Jehova na nagbibigay ng gantimpala sa mga tapat na lingkod niya na gumagawa ng mabuti. Ang ilang halimbawa ay makikita sa Ru 2:12; Aw 24:1-5; Jer 31:16. Ganito rin ang pagkakalarawan ni Jesus sa Ama niya.—Mat 6:4; Luc 6:35; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 6:8.
malaya: Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”
kumpletong kasuotang pandigma: Ang pariralang ito ay salin ng salitang Griego na pa·no·pliʹa na tumutukoy sa kasuotan at kagamitan ng isang sundalo na pang-opensa at pandepensa niya. Malamang na ibinatay ni Pablo ang detalyadong ilustrasyon niya sa isang sundalong Romano. (Efe 6:13-17) Posibleng nakikita ni Pablo na nakasuot ng ganito ang mga sundalong Romano sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo, pero siguradong nakita niya ito sa kampo ng Pretorio, kung saan siya malamang na dinala pagkarating niya sa Roma. (Gaw 27:1; 28:16) Kailangan ng mga Kristiyano ng espirituwal na kasuotang pandigma na mula sa Diyos, dahil espirituwal ang pakikipagdigma nila, hindi pisikal.—Efe 6:12; Tingnan sa Media Gallery, “Kasuotang Pandigma ng mga Sundalong Romano.”
tusong mga pakana: O “tusong mga pagkilos.” Ang salitang Griego dito na isinaling “tusong mga pakana” ay dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at parehong negatibo ang kahulugan nito. Dito, tumutukoy ito sa mapandayang mga pakana at taktika na ginagamit ni Satanas na Diyablo para bitagin ang mga lingkod ni Jehova. Ang terminong ito ay isinalin ding “pakana” sa Efe 4:14.
nakikipaglaban: Ang salitang Griego na isinalin ditong “nakikipaglaban” ay isang beses lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ito dati sa “pakikipagbuno,” na isang laro ng mga atleta. Ipinapahiwatig ng terminong ito na may pakikipaglaban sa masasamang espiritu ang bawat isa. Dahil tinalakay sa konteksto ang espirituwal na pakikipagdigma ng mga Kristiyano at ang makasagisag na kasuotang pandigma, may mga nagsasabi na posibleng dalawang uri ng pakikipaglaban ang nasa isip dito ni Pablo, ang pakikipagbuno at pakikipagdigma. (Efe 6:11-18) Hindi iyon kakaiba sa mga tao noon, dahil kapag nasa digmaan, ang mga sundalong kumpleto sa kasuotang pandigma ay puwede ring makipagbuno at kadalasan nang bihasa sila dito. At sa ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo, pareho niyang ginamit sa ilustrasyon niya ang sundalo at atleta.—2Ti 2:3-5.
mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito: Tinawag ni Pablo ang ‘mga tagapamahalang ito ng sanlibutan’ na hukbo ng napakasasamang espiritu, na tumutukoy kay Satanas at sa mga demonyo. (Tingnan ang study note sa Ju 12:31.) Gusto nilang ikulong ang mga tao sa madilim na sanlibutang ito, malayo sa liwanag na nagmumula sa Diyos na Jehova. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na ko·smo·kraʹtor, na isinaling ‘mga tagapamahala ng sanlibutan,’ pero ginagamit din ito sa mga akdang Griego noon para tumukoy sa mga diyos ng mitolohiya gaya ni Hermes.
sa makalangit na dako: Dito, ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa di-nakikitang mundo ng mga espiritu. Mula roon, iniimpluwensiyahan ni Satanas, ‘ang tagapamahala na may awtoridad sa hangin,’ ang mga tao.—Efe 2:2.
sinturon ng katotohanan: Kapag naghahanda para sa pakikipagdigma ang mga sundalo noon, nagsusuot sila ng sinturon. (Isa 8:9, tlb.) Kaya ang ekspresyong “magsinturon” o “magbigkis ng sarili” ay naging idyoma na nangangahulugang “maghanda para sa isang gawain.” (Tingnan ang study note sa Luc 12:35; 17:8.) Tama lang na ito ang unang bahagi ng kasuotang pandigma na binanggit ni Pablo. Ang sinturon ng sundalong Romano ay malapad at gawa sa katad. Napapalamutian ito ng maliliit na piraso ng metal na nagpapatibay din dito. Kapag mahigpit ang sinturon ng isang sundalo, hindi siya madaling mabuwal sa labanan. May ikinakabit siya sa sinturon niya na parang apron na punô ng mga piraso ng bakal para maprotektahan ang gitnang bahagi ng katawan niya. Kung paanong nakakapagbigay ng proteksiyon ang sinturon at nakakatulong para hindi agad mabuwal ang isang sundalo, ang mahigpit na panghahawakan ng isang Kristiyano sa mga katotohanang mula sa Salita ng Diyos ay nagpapatibay sa kaniya sa harap ng pagsubok. Kadalasan nang isinusuksok ng sundalong Romano ang espada niya sa lalagyan nito, na nakakabit sa mga pabilog na metal sa sinturon niya. (Tingnan ang study note sa Efe 6:17.) Itinuturo ng ilustrasyon ni Pablo na dapat na laging gamitin ng mga Kristiyano ang mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos para maprotektahan sila sa espirituwal na panganib. Kapag malinaw na naiintindihan ng mga Kristiyano ang mga katotohanang iyon, naipagsasanggalang sila mula sa maling mga turo.—Efe 4:13, 14; 1Ti 2:3-7.
baluti ng katuwiran: Iba’t ibang klase ng baluti ang isinusuot ng mga sundalong Romano noong unang siglo C.E. Ang isang klase ng baluti ay gawa sa patong-patong na pahabang piraso ng bakal na ikinakabit sa katad sa pamamagitan ng mga pangawit, panali, at pang-ipit na metal. Napoprotektahan ng ganitong baluti ang mahahalagang bahagi ng katawan, partikular na ang puso. Sa katunayan, ang baluting ito ay tinawag na “pananggalang ng puso” ni Polybius, isang Griegong istoryador noong ikalawang siglo B.C.E. Nakita ni Pablo na kailangan ng mga Kristiyano na protektahan ang puso nila. (Ihambing ang 1Te 5:8.) Kung paanong ang baluti ng isang sundalo ay pumoprotekta sa puso niya mula sa mga palaso at espada, ang pag-ibig ng isang Kristiyano sa matuwid na mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos ay pumoprotekta rin sa kaniyang makasagisag na puso. (Aw 119:97, 105; Kaw 4:23) Dahil makasalanan at di-perpekto ang mga tao, lagi nilang kailangan ng ganiyang proteksiyon. (Jer 17:9) Sinasabi sa Hebreong Kasulatan na isinusuot ni Jehova ang katuwiran na gaya ng baluti.—Isa 59:15, 17.
suot sa inyong mga paa ang sandalyas . . . handa ninyong ihayag: Ang ekspresyong ginamit dito para sa “handa” ay puwede ring isaling “nasasandatahan.” Nagsusuot ng proteksiyon sa paa ang isang sundalo para maging handa siya sa labanan. Ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito para ipakitang dapat na laging handa ang isang Kristiyano na ihayag ang “mabuting balita ng kapayapaan.” (Isa 52:7; Ro 10:14, 15; 1Pe 3:15) Karaniwan nang ang sandalyas na suot ng mga sundalong Romano noong unang siglo ay gawa sa tatlong magkakapatong na katad na pinagdikit-dikit. May maliliit na piraso ng metal sa suwelas nito. Nakakatulong ang matibay na sandalyas nila para hindi sila madulas kahit sa mga lugar na mahirap daanan.
malaking kalasag ng pananampalataya: Ang salitang Griego para sa “malaking kalasag” na ginamit dito ni Pablo ay galing sa salita para sa “pinto.” Ang kalasag ng isang sundalong Romano ay pakurba at parihaba, at kaya nitong takpan ang katawan niya mula balikat hanggang tuhod. Karaniwan nang gawa ito sa kahoy na nababalutan ng katad. Napapalibutan ng metal ang gilid nito, at may malaking metal din ito sa gitna. Ginagamit ng sundalo ang kalasag niya para salagin ang mga palaso o iba pang pag-atake sa kaniya. Ipinapakita ng ilustrasyon ni Pablo na kayang harapin ng isang Kristiyano ang iba’t ibang pagsubok dahil sa matibay na pananampalataya niya, o pananalig at pagtitiwala kay Jehova at sa mga pangako ng Diyos.—Heb 11:1.
nagliliyab na palaso: Ang salitang Griego para sa “palaso” ay puwede ring isaling “sibat.” Karaniwan sa mga digmaan noon ang pagpapahilagpos ng maaapoy na palaso o iba pang bagay, at kung minsan ay gumagamit pa sila ng petrolyo para dito. Posibleng nasasalag iyan ng mga sundalong Romano gamit ang kalasag nila. Ipinapakita ng ilustrasyon ni Pablo na dahil sa pananampalataya, masasalag ng isang Kristiyano ang lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama, o mga pag-atake ni Satanas. May mga kilala si Pablo na mga Kristiyanong ‘nalamangan ni Satanas,’ at alam niyang napakaraming pakana ng Diyablo. (2Co 2:11) Ang ilan sa mga makasagisag na palaso na ginagamit ni Satanas ay imoralidad, materyalismo, takot, at pagdududa. (Ro 8:15; Col 3:5, 6) Pero malalabanan ng isa ang anumang maapoy na pagsalakay sa kaniya kung matibay ang pananampalataya niya kay Jehova.—1Pe 5:8, 9.
helmet ng kaligtasan: Napoprotektahan ng helmet ng sundalong Romano ang kaniyang ulo, mukha, at leeg. Ginamit ni Pablo ang helmet para sumagisag sa pag-asa ng isang Kristiyano na ililigtas siya ng Diyos. (1Te 5:8) Kung paanong napoprotektahan ng helmet ang ulo, ang pag-asang ito ng isang Kristiyano ay nakakaprotekta rin sa pag-iisip niya. Sa tusong paraan, naiimpluwensiyahan ni Satanas ang mga tao na mapoot at maging makasarili at di-tapat. Kapag nagpopokus ang isang Kristiyano sa pag-asa niya, na para bang isinusuot ito gaya ng helmet, nalalabanan niya ang anumang negatibong kaisipan. (Mar 7:20-22; 2Co 4:4; Apo 12:9) Gumagamit din si Satanas ng lantarang pagsalakay, gaya ng pag-uusig, pero makakatulong sa isang Kristiyano ang pag-asa niya para makapanatili siyang masaya kahit mahirap ang kalagayan. (Isa 12:2; Mat 5:11, 12) Sa Hebreong Kasulatan, inilalarawan si Jehova na nakasuot ng helmet ng kaligtasan, o tagumpay. (Isa 59:17; tlb.) Laging nasa isip ng Diyos na mailigtas ang bayan niya at magtagumpay.—Jer 29:11.
espada ng espiritu: Ang espada, na isa sa pinakamahahalagang sandata ng mga sundalong Romano, ang nag-iisang sandatang pang-opensa na binanggit ni Pablo sa ilustrasyon niya. (Efe 6:14-17) Ang salitang Griego na isinaling “espada” sa talatang ito ay puwedeng tumukoy sa isang maiksing sandata na may talim sa isang bahagi o sa magkabilang panig nito. Magkabila ang talim ng espada ng mga sundalong Romano, at dinisenyo ito para sa málapitáng labanan. Iba-iba ang haba nito, pero pinakakaraniwan nang mga 60 cm (24 in) ito, at kadalasan nang may paumbok na bahagi ito sa dulo ng hawakan para hindi ito madaling mabitawan ng sundalo. (Tingnan sa Media Gallery, “Espada ng mga Romano.”) Maraming sundalo ang araw-araw na nagsasanay para maging bihasa sila sa paggamit ng espada. Parang ganiyan din ang ginagawa ng mga Kristiyano sa “salita ng Diyos,” ang pangunahing sandata nila sa espirituwal na pakikipagdigma. (2Ti 2:15) Hindi sinasabi ni Pablo na ginagamit ng mga Kristiyano ang salita ng Diyos para saktan ang iba. (Ihambing ang 1Pe 3:15.) Sa halip, mataktika nilang ginagamit ang mga katotohanan sa Bibliya para ilantad ang maling mga turo na nagliligaw at umaalipin sa mga tao. (Ju 8:32; 17:17; 2Co 10:4, 5) Kung paanong ginagamit ng sundalo ang espada niya para salagin ang pag-atake ng kaaway, ginagamit ng mga Kristiyano ang salita ng Diyos para protektahan ang isip at puso nila mula sa panlilinlang ng huwad na mga guro at sa tukso na gumawa ng mali.—Mat 4:1-11; 2Ti 3:16.
iba’t ibang uri ng panalangin: Bukod sa “kumpletong kasuotang pandigma” na tinalakay ni Pablo, may binanggit siyang isa pang mahalagang bagay. (Efe 6:11, 14-17) Ang salitang Griego para sa “panalangin” ay isang malawak na termino na tumutukoy sa pakikipag-usap sa Diyos nang may matinding paggalang, at may “iba’t ibang uri” ito, gaya ng panalangin ng pasasalamat, papuri, at paghingi ng tawad. Ang pagsusumamo ay marubdob na pakiusap sa Diyos. (Tingnan ang study note sa Gaw 4:31.) Puwedeng iba-iba ang uri ng panalangin at pagsusumamo ng isang tao depende sa pangangailangan at kalagayan niya.
sa bawat pagkakataon: Kung minsan, nananalangin ang mga tao sa harap ng publiko; may mga pagkakataon naman na pribado ito at personal. Regular na nananalangin ang mga lingkod ng Diyos, halimbawa, tuwing kumakain. At nananalangin din sila kapag biglang hiniling ng pagkakataon. Kapag regular na nananalangin ang isang mananamba ni Jehova, tumitibay ang kaugnayan niya sa Diyos.
ako ay nakatanikalang embahador: Isinulat ni Pablo ang liham niyang ito sa mga taga-Efeso noong nakabilanggo siya sa Roma, kaya tinawag niya ang sarili niya na “nakatanikalang embahador.” (Efe 3:1; 4:1) Sa Bibliya, ang isang embahador ay kinatawan ng isang tagapamahala na isinugo niya sa isang espesyal na okasyon para sa isang espesipikong layunin. Bilang isa sa mga embahador ng Diyos na pinahiran ng espiritu, naghatid si Pablo sa mga tao noon ng mensahe ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Tingnan ang mga study note sa 2Co 5:20.
makapagsalita ako tungkol dito nang may tapang: O “magkaroon ako ng kalayaan sa pagsasalita tungkol dito.” Nakabilanggo noon si Pablo sa Roma, kaya dito, hinihiling niya sa mga kapananampalataya niya na ipanalangin siya para ‘makapagsalita siya nang may tapang [isang anyo ng pandiwang Griego na par·re·si·aʹzo·mai].’ (Efe 6:19) Mababasa sa Gawa na kahit nakabilanggo si Pablo, patuloy niyang ipinangaral ang Kaharian ng Diyos “nang may buong kalayaan sa pagsasalita [isang anyo ng kaugnay na pangngalang Griego na par·re·siʹa], nang walang hadlang.” Ipinapakita nito na dininig ng Diyos ang mga panalangin para sa kaniya. (Gaw 28:30, 31) Malinaw na ipinakita ng mga Kristiyano noon ang katapangan sa pangangaral nila.—Gaw 4:13, 29; tingnan ang study note sa Gaw 28:31.