Exodo 14:1-31
14 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises:
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na lumiko sila at magkampo sa harap ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zepon.+ Magkampo kayo malapit doon, sa tabi ng dagat.
3 At sasabihin ng Paraon tungkol sa mga Israelita, ‘Nagpapagala-gala sila sa lupain dahil sa kalituhan. Hindi na sila makaaalis sa ilang.’
4 Hahayaan kong magmatigas ang puso ng Paraon,+ at hahabulin niya sila, at luluwalhatiin ko ang sarili ko sa pamamagitan ng Paraon at ng buong hukbo niya;+ at tiyak na malalaman ng mga Ehipsiyo na ako si Jehova.”+ At gayon nga ang ginawa nila.
5 Nang maglaon, iniulat sa hari ng Ehipto na umalis na ang bayan. Agad na nagbago ang isip ng Paraon at ng mga lingkod niya,+ at sinabi nila: “Ano itong ginawa natin? Bakit natin pinalaya sa pagkaalipin ang Israel?”
6 Kaya ipinahanda niya ang kaniyang mga karwaheng* pandigma at isinama ang bayan niya.+
7 Kasama niya ang 600 piling karwahe at ang lahat ng iba pang karwahe ng Ehipto, na may nakasakay na mga mandirigma sa bawat isa.
8 Sa gayon, hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ng Paraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga Israelita, na naglalakbay nang may pagtitiwala.*+
9 Hinabol sila ng mga Ehipsiyo,+ at palapit na nang palapit sa kanila ang mga karwahe ng Paraon at ang mga kabalyero at hukbo nito habang nagkakampo sila sa tabi ng dagat, sa may Pihahirot, sa tapat ng Baal-zepon.
10 Nang malapit na ang Paraon, nakita ng mga Israelita na hinahabol sila ng mga Ehipsiyo. Natakot ang mga Israelita, at tumawag sila kay Jehova.+
11 Sinabi nila kay Moises: “Wala bang libingan sa Ehipto kaya dinala mo kami sa ilang para dito mamatay?+ Bakit mo ito ginawa sa amin? Bakit mo kami inilabas sa Ehipto?
12 Hindi ba iyan mismo ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Pabayaan mo na kami para makapaglingkod kami sa mga Ehipsiyo’? Dahil mas mabuti pang maglingkod kami sa mga Ehipsiyo kaysa mamatay sa ilang.”+
13 Sinabi ni Moises sa bayan: “Huwag kayong matakot.+ Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Jehova.+ Dahil ang mga Ehipsiyo na nakikita ninyo ngayon ay hinding-hindi na ninyo makikitang muli.+
14 Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo;+ tatayo* lang kayo.”
15 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Bakit tumatawag ka pa sa akin? Sabihan mo na ang mga Israelita na magpatuloy sa paglalakbay.
16 At itaas mo ang tungkod mo at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat at hatiin iyon para makalakad ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
17 At hahayaan ko namang magmatigas ang puso ng mga Ehipsiyo para tugisin nila sila; sa gayon ay luluwalhatiin ko ang sarili ko sa pamamagitan ng Paraon at ng kaniyang buong hukbo, mga karwaheng pandigma, at mga kabalyero.+
18 At tiyak na malalaman ng mga Ehipsiyo na ako si Jehova, kapag niluwalhati ko ang sarili ko sa pamamagitan ng Paraon at ng kaniyang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero.”+
19 At ang anghel ng tunay na Diyos+ na nasa unahan ng kampo ng Israel ay pumunta sa likuran nila, at ang haliging ulap na nasa unahan nila ay lumipat sa likuran nila at pumuwesto roon.+
20 Kaya pumagitan ito sa kampo ng mga Ehipsiyo at sa kampo ng Israel.+ Sa isang panig, ito ay madilim na ulap. Pero sa kabilang panig, pinagliliwanag nito ang gabi.+ Kaya ang isang kampo ay hindi nakalapit sa isa pang kampo nang buong magdamag.
21 Iniunat ngayon ni Moises ang kamay niya sa ibabaw ng dagat;+ at magdamag na nagpahihip si Jehova ng malakas na hanging silangan at pinaurong ang dagat, kaya natuyo ang sahig ng dagat+ at nahati ang tubig.+
22 Kaya dumaan ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat,+ habang ang tubig ay naging pader sa kanilang kanan at kaliwa.+
23 Tinugis sila ng mga Ehipsiyo, at hinabol sila ng lahat ng kabayo ng Paraon at ng kaniyang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero sa gitna ng dagat.+
24 Nang oras ng pagbabantay sa umaga,* dinungaw ni Jehova ang kampo ng mga Ehipsiyo mula sa haliging apoy at ulap,+ at nilito niya ang kampo ng mga Ehipsiyo.
25 Tinanggal niya ang mga gulong ng mga karwahe nila, kaya hirap na hirap silang patakbuhin ang mga ito, at sinabi ng mga Ehipsiyo: “Tigilan na natin ang mga Israelita, dahil nakikipaglaban si Jehova sa mga Ehipsiyo para sa kanila.”+
26 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa ibabaw ng dagat para bumalik sa dati ang tubig at malunod ang mga Ehipsiyo, kasama ang kanilang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero.”
27 Agad na iniunat ni Moises ang kamay niya sa ibabaw ng dagat, at pagdating ng umaga, bumalik na sa dati ang dagat. Nang subukang tumakas ng mga Ehipsiyo, ipinalamon sila ni Jehova sa dagat.+
28 Tinabunan ng tubig ang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero at ang buong hukbo ng Paraon na humabol sa kanila sa dagat.+ Walang isa man sa kanila ang nakaligtas.+
29 Pero ang mga Israelita ay lumakad sa tuyong sahig ng dagat,+ at ang tubig ay naging pader sa kanilang kanan at kaliwa.+
30 Gayon iniligtas ni Jehova ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipsiyo,+ at nakita ng Israel ang patay na mga Ehipsiyo sa tabing-dagat.
31 Nakita rin ng Israel ang malakas na kapangyarihang* ginamit ni Jehova laban sa mga Ehipsiyo, at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova at manampalataya kay Jehova at sa lingkod niyang si Moises.+
Talababa
^ O “karong.”
^ Lit., “nang nakataas ang kamay.”
^ Lit., “tatahimik.”
^ Mga 2:00 n.u. hanggang 6:00 n.u.
^ Lit., “kamay na.”