Mga Gawa ng mga Apostol 14:1-28
Study Notes
mga tao: Tingnan ang Ap. A2 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova: Lit., “sa Panginoon.” (Tingnan ang Ap. C.) Makikita sa konteksto ng Gaw 14:3 na ginamit ang pang-ukol na e·piʹ (isinaling “dahil sa”) para ipakita ang dahilan kung bakit nangangaral nang may katapangan ang mga alagad. Makikita sa talata na ang Diyos mismo ang nagpapatotoo na ang ipinapangaral nila ay ang salita niya at na sinusuportahan niya sila. (Ihambing ang Gaw 4:29-31.) Ang ekspresyong Griego para sa “sa Panginoon” ay ginamit din ng Septuagint sa mga parirala kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. (Aw 31:6 [30:7, LXX]; Jer 17:7) Dahil dito, sinasabi ng ilan na ang ekspresyon ay nangangahulugan ding nagsasalita sila “nang may pagtitiwala kay Jehova.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 14:3.
kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.
Zeus: Tingnan sa Glosari.
Hermes: Isang Griegong diyos na sinasabing anak ni Zeus. Itinuturing siyang mensahero ng mga diyos. Siya ang pinaniniwalaang matalinong tagapayo ng mga karakter sa mitolohiya, at itinuturing siyang diyos ng komersiyo, mahusay na pagsasalita, kasanayan sa gymnastics, pagtulog, at panaginip. Dahil si Pablo ang nangunguna sa pagsasalita, inakala ng mga nakatira sa Romanong lunsod ng Listra na siya ang diyos na si Hermes, na itinuturing nilang mensahero ng mga diyos at diyos ng mahusay na pagsasalita. Sa katunayan, iba’t ibang salita na may kaugnayan sa pangalang ito ang ginamit sa Kasulatan para tumukoy sa pagsasalin. (Ang ilang halimbawa ay ang pandiwang Griego na her·me·neuʹo, na tinumbasan ng ‘isinasalin’ sa Ju 1:42 at Heb 7:2, at ang pangngalang her·me·niʹa, na tinumbasan ng “magsalin” at “nagsasalin” sa 1Co 12:10; 14:26; tingnan din ang study note sa Luc 24:27.) Isang estatuwa ng diyos na si Hermes at isang altar para kina Zeus at Hermes ang natagpuan malapit sa sinaunang Listra. Sa mga Romano, ang katumbas ni Hermes ay ang kanilang diyos ng komersiyo na si Mercury.
putong: O “palamuting ipinapatong sa ulo.” Posibleng plano ng saserdote ni Zeus na ilagay ang mga putong na ito sa ulo nina Pablo at Bernabe, gaya ng ginagawa nila noon kung minsan sa mga idolo, sa sarili nila, at sa mga hayop na panghandog. Ang ganitong mga putong ay karaniwan nang gawa sa mga dahon at bulaklak, pero mayroon ding gawa sa lana.
mga alagad: Tingnan ang Ap. A2 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Nag-atas: Ipinapakita dito ng Kasulatan na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, na sina Pablo at Bernabe, ay nag-atas ng matatandang lalaki. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno, na nagpapakitang itinuturing nila ang ganitong pag-aatas na isang seryosong bagay. Si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “nag-atas,” khei·ro·to·neʹo, ay literal na nangangahulugang “iunat o itaas ang kamay.” Dahil dito, iniisip ng ilan na pinagbobotohan ang mga gagawing matatandang lalaki sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Pero ang salitang Griego na ito ay mayroon ding mas malawak na kahulugan, na hindi tumutukoy sa paraan ng pag-aatas. Ganiyan ang pagkakagamit ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus sa terminong iyan sa kaniyang aklat na Antiquities of the Jews, Aklat 6, kab. 4 at 13 (Loeb 6:54 at 6:312), kung saan ginamit niya ang kaparehong pandiwang Griego para ilarawan ang pag-aatas ng Diyos kay Saul bilang hari. Hindi pinagbotohan ng kongregasyon ng Israel ang pagiging hari ni Saul. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan na nagbuhos ng langis si propeta Samuel sa ulo ni Saul at sinabi niya: “Pinili ka ni Jehova bilang pinuno.” Ipinapakita nito na ang Diyos na Jehova ang nag-atas kay Saul. (1Sa 10:1) Gayundin, kung pagbabatayan ang Griegong gramatika na ginamit sa Gaw 14:23, makikita na ang mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hindi ang kongregasyon, ang gumawa ng pag-aatas (Lit., “pag-uunat ng kamay”). Sa ilang sitwasyon, nang bigyan ng pananagutan sa kongregasyon noong unang siglo ang ilang kuwalipikadong mga lalaki, literal na ipinatong ng mga apostol at iba pang awtorisadong mga lalaki ang mga kamay nila sa mga ito bilang tanda ng kumpirmasyon, pagsang-ayon, at pag-aatas.—Ihambing ang study note sa Gaw 6:6.
matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 16:21.) Kung paanong ang matatandang lalaki ay nangunguna at nangangasiwa sa mga komunidad sa sinaunang bansang Israel, ang mga lalaking may-gulang sa espirituwal naman ang nanguna sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-9) Kahit na sina Pablo at Bernabe ay “isinugo ng banal na espiritu” sa paglalakbay na ito bilang misyonero, nanalangin pa rin sila at nag-ayuno bago mag-atas. Pagkatapos, ‘ipinagkatiwala nila ang matatandang lalaki kay Jehova.’ (Gaw 13:1-4; 14:23) Bukod kina Pablo at Bernabe, si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Walang ulat na ang mga kongregasyon lang ang gumawa ng pag-aatas. Lumilitaw na higit sa isa ang matatandang lalaki sa mga kongregasyon noong unang siglo, at naglilingkod sila bilang isang “lupon.”—1Ti 4:14; Fil 1:1.
ipinagkatiwala ang mga ito kay Jehova: Ang pandiwang Griego na isinaling “ipinagkatiwala” ay ginamit din sa Gaw 20:32, kung saan sinabi ni Pablo sa matatandang lalaki mula sa Efeso: “Ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos,” at sa Luc 23:46, kung saan sinabi ni Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.” Sinipi ito mula sa Aw 31:5, kung saan ginamit ng Septuagint (30:6, LXX) ang kaparehong salitang Griego para sa “ipinagkakatiwala” at kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo. Maraming beses na mababasa sa Hebreong Kasulatan na ipinagkakatiwala ng isa ang sarili niya kay Jehova.—Aw 22:8; 37:5; Kaw 16:3; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 14:23.
ang salita: “Ang salita” (ton loʹgon) ang mababasa sa mga maaasahang manuskrito, at ganiyan ang salin ng karamihan ng Bibliya sa ngayon. Pero sa ibang manuskritong Griego, ang mababasa ay “ang salita ng Panginoon,” (ton loʹgon tou Ky·riʹou; tingnan ang Ap. C at study note sa Gaw 8:25) at sa ilang sinaunang manuskrito naman ay “ang salita ng Diyos.” Gayundin, di-bababa sa dalawang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17, 28 sa Ap. C4) ang gumamit ng pangalan ng Diyos dito at puwedeng isaling “ang salita ni Jehova.”
binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya: Lit., “binuksan niya [ni Jehova] sa mga bansa [di-Judio] ang pinto ng pananampalataya.” Sa Kasulatan, para magkaroon ng pananampalataya, kailangan ng isa na matutong magtiwala, na magpapakilos naman sa kaniya na sumunod. (San 2:17; tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sa orihinal na wika, tatlong beses na ginamit ni Pablo sa mga liham niya ang terminong “pinto” sa makasagisag na diwa.—1Co 16:9; 2Co 2:12; Col 4:3.