Genesis 50:1-26

50  At sumubsob si Jose sa kaniyang ama,+ umiyak, at hinalikan ito. 2  Pagkatapos, inutusan ni Jose ang mga lingkod niya, ang mga manggagamot, na embalsamuhin+ ang ama niya. Kaya inembalsamo ng mga manggagamot si Israel, 3  at gumugol sila ng 40 araw para sa kaniya, dahil ganito karaming araw ang kailangan sa pag-eembalsamo, at patuloy siyang iniyakan ng mga Ehipsiyo sa loob ng 70 araw. 4  Nang matapos ang mga araw ng pagdadalamhati para sa kaniya, sinabi ni Jose sa mga opisyal* ng Paraon: “Kung kalugod-lugod ako sa inyong paningin, sabihin ninyo ito sa Paraon: 5  ‘Pinasumpa ako ng aking ama,+ na sinasabi: “Malapit na akong mamatay.+ Ilibing mo ako sa aking libingan,+ na hinukay ko sa lupain ng Canaan.”+ Pakisuyo, hayaan mo akong umalis para ilibing ang ama ko, at babalik din ako pagkatapos.’” 6  Sumagot ang Paraon: “Sige, ilibing mo ang iyong ama gaya ng ipinasumpa niya sa iyo.”+ 7  Kaya umalis si Jose para ilibing ang ama niya, at sumama sa kaniya ang lahat ng lingkod ng Paraon, ang matataas na opisyal+ sa palasyo* at lahat ng matataas na opisyal sa lupain ng Ehipto, 8  at ang buong sambahayan ni Jose at ang mga kapatid niya at ang sambahayan ng ama niya.+ Ang iniwan lang nila sa lupain ng Gosen ay ang maliliit nilang anak, mga kawan, at mga bakahan. 9  May kasama rin siyang mga karwahe+ at mangangabayo, kaya napakalaki ng kanilang grupo. 10  At nakarating sila sa giikan ng Atad, na nasa rehiyon ng Jordan, at doon nila ipinagpatuloy ang kanilang pag-iyak at napakatinding pagdadalamhati, at pitong araw siyang nagdalamhati para sa kaniyang ama. 11  Habang nagdadalamhati sila sa giikan ng Atad, nakita sila ng mga naninirahan sa lupain, ang mga Canaanita, at sinabi ng mga ito: “Matindi ang pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo!” Iyan ang dahilan kung bakit tinawag itong Abel-mizraim,* na nasa rehiyon ng Jordan. 12  Kaya ginawa ng mga anak niya para sa kaniya kung ano mismo ang inihabilin niya.+ 13  Dinala siya ng mga anak niya sa lupain ng Canaan at inilibing sa kuweba sa lupain ng Macpela, ang lupain sa tapat ng Mamre na binili ni Abraham mula kay Epron na Hiteo para maging libingan.+ 14  Pagkatapos ilibing ang kaniyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto kasama ang mga kapatid niya at ang lahat ng sumama sa kaniya sa paglilibing ng ama niya. 15  Ngayong patay na ang ama nila, sinabi ng mga kapatid ni Jose sa isa’t isa: “Baka may galit pa rin sa atin si Jose at baka gantihan niya tayo dahil sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kaniya.”+ 16  Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose: “Iniutos ng iyong ama bago siya mamatay: 17  ‘Ito ang sasabihin ninyo kay Jose: “Nakikiusap ako sa iyo, patawarin mo ang pagkakamali ng mga kapatid mo at ang kasalanan nila dahil ginawan ka nila ng masama.”’ Ngayon, pakisuyo, patawarin mo ang pagkakamali ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” At umiyak si Jose nang kausapin nila siya. 18  Pagkatapos, dumating din ang mga kapatid niya at yumukod, at sinabi nila: “Kami ay para mo na ring mga alipin!”+ 19  Sinabi ni Jose: “Huwag kayong matakot. Diyos ba ako? 20  Kahit gusto ninyo akong ipahamak noon,+ hinayaan ito ng Diyos para sa ikabubuti, nang sa gayon ay mailigtas ang maraming tao, gaya ng ginagawa niya ngayon.+ 21  Kaya huwag na kayong matakot. Patuloy akong maglalaan ng pagkain sa inyo at sa inyong maliliit na anak.”+ Sa gayon, pinatibay niya sila at kinausap para mapanatag ang loob nila. 22  At si Jose ay patuloy na nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng ama niya, at nabuhay si Jose nang 110 taon. 23  Nakita ni Jose ang ikatlong henerasyon ng mga anak ni Efraim,+ pati na ang mga anak ni Makir,+ na anak ni Manases. Ipinanganak sila sa mga tuhod* ni Jose. 24  Nang maglaon, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Mamamatay na ako, pero tiyak na tutulungan kayo ng Diyos+ at ilalabas kayo mula sa lupaing ito para dalhin sa lupaing ipinangako* niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.”+ 25  Kaya pinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel at sinabi: “Tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Ilabas ninyo rito ang mga buto ko.”+ 26  At namatay si Jose sa edad na 110, at ipinaembalsamo nila siya,+ at inilagay siya sa isang kabaong sa Ehipto.

Talababa

O “sa sambahayan.”
O “ang matatandang lalaki sa sambahayan niya.”
Ibig sabihin, “Pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo.”
Ibig sabihin, itinuring silang mga anak at pinagpakitaan ng espesyal na pabor.
O “isinumpa.”

Study Notes

Media