Ayon kay Juan 2:1-25

2  Pagkaraan ng dalawang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kasal sa Cana+ ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2  Inimbitahan din si Jesus at ang mga alagad niya sa handaan. 3  Nang paubos na ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: “Wala na silang alak.” 4  Pero sinabi ni Jesus: “Ano ang kinalaman natin doon? Hindi pa dumarating ang oras ko.” 5  Sinabi ng kaniyang ina sa mga nagsisilbi: “Gawin ninyo anuman ang sabihin niya sa inyo.” 6  At may anim na batong banga na nakahanda para sa ritwal na paglilinis ng mga Judio.+ Ang bawat banga ay makapaglalaman ng mga 44 hanggang 66 na litro. 7  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nila ang mga iyon. 8  Pagkatapos, sinabi niya: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo sa nangangasiwa* sa handaan.” Kaya dinala nila iyon. 9  Tinikman ng nangangasiwa sa handaan ang tubig na ginawang alak. Hindi niya alam kung saan ito galing (pero alam iyon ng mga nagsisilbi na sumalok ng tubig). Pagkatapos, tinawag niya ang lalaking ikinasal 10  at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang klase naman. Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.” 11  Ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea ang kaniyang unang himala para maipakita ang kaniyang kapangyarihan,+ at nanampalataya sa kaniya ang mga alagad niya. 12  Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum+ kasama ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki,+ at mga alagad, pero ilang araw lang sila roon. 13  Ang Paskuwa+ ng mga Judio ay malapit na, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14  Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng baka, tupa, at kalapati,+ pati na ang nakaupong mga nagpapalit ng pera. 15  Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid at pinalayas sa templo ang lahat ng nagtitinda ng tupa at baka, at ibinuhos niya ang mga barya ng mga nagpapalit ng pera at itinaob ang mga mesa nila.+ 16  Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag na ninyong gawing lugar ng negosyo ang bahay ng aking Ama!”+ 17  Naalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: “Mag-aalab ang sigasig ko para sa iyong bahay.”+ 18  Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya: “Magbigay ka ng tanda+ para patunayang may karapatan kang gawin ang mga ito.” 19  Sinabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw.”+ 20  Sinabi naman ng mga Judio: “Itinayo ang templong ito nang 46 na taon, at maitatayo mo ito sa loob lang ng tatlong araw?” 21  Pero ang tinutukoy niyang templo ay ang kaniyang katawan.+ 22  At nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng mga alagad niya na dati pa niya itong sinasabi,+ kaya pinaniwalaan nila ang kasulatan at ang sinabi ni Jesus. 23  Gayunman, nang nasa Jerusalem siya noong kapistahan ng Paskuwa, marami ang nanampalataya sa kaniyang pangalan nang makita nila ang ginagawa niyang mga tanda.+ 24  Pero si Jesus ay hindi lubos na nagtiwala sa kanila dahil nakikilala niya silang lahat, 25  at hindi niya kailangan ang sinuman para magpaliwanag sa kaniya tungkol sa mga tao dahil alam niya kung ano ang nasa puso nila.+

Talababa

O “direktor.”

Study Notes

Cana: Posibleng mula sa salitang Hebreo na qa·nehʹ, “tambo”; nangangahulugan itong “Lugar ng mga Tambo.” Si Juan lang ang bumanggit sa bayang ito, at lagi niya itong tinatawag na Cana ng Galilea (Ju 2:11; 4:46; 21:2), posibleng para hindi ito maipagkamali sa Kanah (sa Hebreo, Qa·nahʹ) na nasa teritoryo ng tribo ni Aser (Jos 19:24, 28). Maraming iskolar ang naniniwala na ito ang Khirbet Qana ngayon, kung saan makikita ang mga guho ng isang sinaunang nayon na nasa burol sa dulong hilaga ng Lambak ng Bet Netofa (Kapatagan ng el-Battuf), na mga 13 km (8 mi) sa hilaga ng Nazaret. Sa Arabic, ang lugar ay tinatawag pa ring Qana el-Jelil, ang katumbas ng Cana ng Galilea. Maraming tambo sa maputik na kapatagang malapit dito, kaya angkop lang na tawagin itong Cana. Sa lugar na iyon, may mga labí ng mga imbakan ng tubig at mga guho ng isang gusali na ipinapalagay na isang sinagoga (mula noong huling bahagi ng unang siglo o noong ikalawang siglo C.E.). May natagpuan din doon na mga piraso ng banga at mga barya na pinaniniwalaang mula pa noong unang siglo C.E. Sinasabi naman ng Simbahan na ito ang Kafr Kanna ngayon, na 6.5 km (4 mi) sa hilagang-silangan ng Nazaret, posibleng dahil madali itong puntahan ng mga pilgrim mula sa Nazaret. Pero ang pangalan ng lugar na ito ay walang kaugnayan sa pangalang Cana ng Galilea na binabanggit sa Bibliya.

Ano: O “Babae, ano.” Ang paggamit ni Jesus ng terminong “babae” sa pakikipag-usap sa kaniyang ina ay katulad ng paraan ng pakikipag-usap niya sa iba pang babae, at lumilitaw na itinuturing itong magalang sa maraming konteksto. Hindi ito nagpapakita ng kabastusan, kagaspangan, o kawalang-galang sa anumang paraan. Ginamit ito ng mga anghel at ng binuhay-muling si Jesus sa pakikipag-usap kay Maria Magdalena noong umiiyak ito sa libingan ni Jesus; siguradong hindi sila magsasalita ng masakit o nang walang respeto sa ganitong sitwasyon. (Ju 20:13, 15) Habang nasa pahirapang tulos si Jesus, ginamit niya ang terminong ito sa pakikipag-usap sa kaniyang ina nang ihabilin niya ito sa minamahal niyang apostol na si Juan dahil nagmamalasakit siya kay Maria. (Ju 19:26, tlb.) Ginawa niya ito dahil sa makakasulatang obligasyon ng anak na parangalan ang kaniyang ama at ina. (Exo 20:12; Deu 5:16; Mat 15:4) May mga reperensiya ring nagsasabi na ang paggamit ng terminong “babae” sa pakikipag-usap ay nagpapakita pa rin ng paggalang at pagmamahal.

Ano ang kinalaman natin doon?: Nang sabihin ni Maria kay Jesus: “Wala na silang alak” (Ju 2:3), maliwanag na gusto niyang may gawin si Jesus tungkol dito. Kapansin-pansin ito dahil wala pa namang nagagawang himala si Jesus. Ang idyomang Semitiko sa sagot ni Jesus, na sa literal ay “ano sa akin at sa iyo?” ay pangunahin nang nagpapakita ng pagtutol at dapat unawain ayon sa konteksto. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito sa pakikipag-away at pagtataboy. (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28) Pero sa pagkakataong ito, hindi naman galít si Jesus. (Para sa iba pang halimbawa ng ganitong paggamit sa idyomang ito sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang 2Sa 16:9, 10 at 1Ha 17:18, tlb.) Makikita sa sumunod na sinabi ni Jesus kung bakit siya nag-aalangan: Hindi pa dumarating ang oras ko. Pero lumilitaw na hindi naman sinasabi ni Jesus na ayaw niyang tumulong, gaya ng makikita sa reaksiyon ni Maria sa talata 5.

mga 44 hanggang 66 na litro: Lit., “dalawa o tatlong sukat ng likido.” Sinasabi ng maraming iskolar na ang sukat na binabanggit dito (sa Griego, me·tre·tesʹ) ay katumbas ng takal na bat ng mga Hebreo. Batay sa mga piraso ng banga na may nakasulat na “bat” sa sinaunang letrang Hebreo, naniniwala ang ilang iskolar na ang isang bat ay mga 22 L (5.81 gal). (1Ha 7:26; Ezr 7:22; Eze 45:14) Kung gayon, ang bawat banga ay makapaglalaman ng mga 44 hanggang 66 L (11.6 hanggang 17.4 gal), at ang anim na banga ay makapaglalaman ng mga 260 hanggang 390 L (68.6 hanggang 103 gal). Pero may mga iskolar na naniniwala na posibleng mas malaking Griegong yunit ng pagsukat (hanggang 40 L [10.5 gal]) ang tinutukoy rito.​—Tingnan ang Ap. B14.

ang kaniyang unang himala: Si Juan lang ang nag-ulat ng unang himala ni Jesus—ginawa niyang mainam na alak ang tubig.

Ang Paskuwa: Nagsimulang mangaral si Jesus pagkatapos ng bautismo niya noong taglagas ng 29 C.E., kaya ang Paskuwang ito sa pasimula ng ministeryo niya ay malamang na ang Paskuwang ipinagdiwang noong tagsibol ng 30 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:1 at Ap. A7.) Kapag pinagkumpara ang mga ulat ng apat na Ebanghelyo, makikita na may apat na Paskuwang ipinagdiwang noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, na nagpapakitang tumagal nang tatlo at kalahating taon ang ministeryo niya. Sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas (madalas tawaging mga sinoptikong Ebanghelyo), isang Paskuwa lang ang binanggit, ang huling Paskuwa kung kailan namatay si Jesus. Sa ulat ni Juan, tatlong Paskuwa ang espesipiko niyang binanggit (Ju 2:13; 6:4; 11:55), at malamang na ang tinawag niya na “kapistahan ng mga Judio” sa Ju 5:1 ang ikaapat na Paskuwa. Ipinapakita lang ng halimbawang ito kung gaano kahalaga na pagkumparahin ang mga Ebanghelyo para magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa buhay ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Ju 5:1; 6:4; 11:55.

templo: Posibleng tumutukoy sa bahagi ng templo na tinatawag na Looban ng mga Gentil.​—Tingnan ang Ap. B11.

mga nagtitinda ng baka, tupa, at kalapati: Kahilingan sa Kautusan ng Diyos na maghandog sa templo ang mga Israelita, at kailangan din nila ng pagkain habang nasa Jerusalem sila. May mga Israelita na kailangang maglakbay nang malayo para makarating doon, kaya pinapayagan sila ng Kautusan na ibenta ang kanilang mga ani at alagang hayop, magdala ng pera sa Jerusalem, at bumili doon ng mga panghandog gaya ng baka, tupa, kambing, at kalapati, pati na rin ng mga kakailanganin nila habang nasa lunsod. (Deu 14:23-26) Pero sa paglipas ng panahon, ginawa nang negosyo sa loob mismo ng bakuran ng templo ang pagbebenta ng mga hayop at ibon na panghandog. (Tingnan ang study note sa templo sa talatang ito.) Lumilitaw na dinaraya ng ilang negosyante ang mga tao dahil masyadong mataas ang sinisingil nila.

panghagupit na lubid: Ang salitang Griego para sa “lubid” (skhoi·niʹon) ay puwedeng tumukoy sa tali na gawa sa tambo, hungko, o iba pang materyales. Nang gumamit si Jesus ng panghagupit na lubid para ‘palayasin sa templo ang mga tupa at baka,’ siguradong sinundan ng mga negosyante ang mga ito. Sa sumunod na talata, nang sabihin ni Jesus sa mga nagtitinda ng kalapati na lumayas, hindi nabanggit ang panghagupit, na nagpapakitang hindi niya ito ginamit sa mga nagtitinda. Pero dahil sa ginawa ni Jesus, napilitang umalis sa templo ang mga taong iyon na pinagkakakitaan ang tunay na pagsamba.

pinalayas sa templo ang lahat ng nagtitinda ng tupa at baka: Noong nasa lupa si Jesus, dalawang beses siyang nagpalayas ng mga nagnenegosyo sa templo sa Jerusalem para luminis ito. Nangyari ang unang paglilinis, na nakaulat dito, noong Paskuwa ng 30 C.E., sa unang pagpunta ni Jesus sa Jerusalem bilang ang pinahirang Anak ng Diyos. (Tingnan ang Ap. A7.) Noong Nisan 10, 33 C.E., nilinis ni Jesus ang templo sa ikalawang pagkakataon. Ang pangyayaring ito ay iniulat sa Ebanghelyo nina Mateo (21:12, 13), Marcos (11:15-18), at Lucas (19:45, 46).​—Tingnan ang Ap. A7.

nagpapalit ng pera: Tingnan ang study note sa Mat 21:12.

lugar ng negosyo: O “pamilihan.” Mula ito sa pariralang Griego na oiʹkon em·po·riʹou. Dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang pagbebenta ng mga handog sa loob ng bakuran ng templo ay isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng mayaman at makapangyarihang pamilya ng punong saserdote na si Anas.

ang sigasig ko para sa iyong bahay: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego (zeʹlos) na isinaling “sigasig” ay nagpapakita ng matindi, positibo, at nag-aalab na debosyon. Ang tekstong naalala ng mga alagad ay ang Aw 69:9. Sa tekstong iyon, ang katumbas na pangngalang Hebreo (qin·ʼahʹ) na isinasaling “sigasig” ay puwedeng mangahulugang “paghingi ng bukod-tanging debosyon; hindi pagpayag na magkaroon ng kaagaw.” Tama lang na magalit si Jesus nang makita niyang ginagawang lugar ng negosyo ang templo, at pinakilos siya ng kaniyang sigasig na linisin ito.

Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw: Si Juan lang ang nag-ulat ng sinabing ito ni Jesus. Akala ng mga Judio, ang tinutukoy niya ay ang templo ni Herodes. Noong paglilitis kay Jesus, pinilipit ng mga kaaway niya ang sinabi niyang ito at ginamit laban sa kaniya. (Mat 26:61; 27:40; Mar 14:58) Gaya ng makikita sa Ju 2:21, makasagisag ang sinabi ni Jesus; ikinumpara niya ang nalalapit niyang kamatayan at pagkabuhay-muli sa pagkawasak at pagtatayong muli ng templo. Kahit sinabi ni Jesus: “Itatayo ko ito,” malinaw na sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ang bumuhay sa kaniyang muli. (Gaw 10:40; Ro 8:11; Heb 13:20) Pagkatapos patayin si Jesus at sa ikatlong araw ay buhaying muli (Mat 16:21; Luc 24:7, 21, 46), binigyan siya ng bagong katawan na hindi ginawa ng kamay gaya ng templo sa Jerusalem, kundi ng espiritung katawan na ginawa ng kaniyang Ama (Gaw 2:24; 1Pe 3:18). Sa Kasulatan, ginagamit ang templo para tumukoy sa mga tao. Ang Mesiyas ay inihula na magiging “pangunahing batong-panulok” (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11), at gumamit din sina Pablo at Pedro ng katulad na mga paglalarawan para kay Jesus at sa mga tagasunod niya sa 1Co 3:16, 17; 6:19; Efe 2:20; at 1Pe 2:6, 7.

Itinayo ang templong ito nang 46 na taon: Ang tinutukoy ng mga Judio ay ang pagtatayong muli ng templo noong panahon ni Haring Herodes. Ang unang templo sa Jerusalem, na itinayo ni Solomon, ay winasak ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E. Itinayo itong muli sa pangunguna ni Zerubabel pagkalaya ng mga Judio sa Babilonya. (Ezr 6:13-15; Hag 2:2-4) Ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, XV, 380 [xi, 1]), sinimulan ni Herodes na itayo itong muli noong ika-18 taon ng pamamahala niya. Kung bibilangin ito mula sa kinikilala ng mga Judio na opisyal na taon ng pamamahala ng isang hari, papatak ito ng 18/17 B.C.E. Ang totoo, nagpatuloy ang konstruksiyon sa templo hanggang noong anim na taon bago ito wasakin noong 70 C.E.

templo . . . ang kaniyang katawan: Gaya ng ipinaliwanag ni apostol Juan, makasagisag ang sinabi ni Jesus. Ikinukumpara ni Jesus ang nalalapit niyang kamatayan at pagkabuhay-muli sa pagkawasak at pagtatayong muli ng isang gusali.

alam niya kung ano ang nasa puso nila: Kayang makita ni Jesus ang kaisipan, pangangatuwiran, at motibo ng mga tao. Inihula ito ni propeta Isaias, na nagsabi tungkol sa Mesiyas: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova,” kaya “hindi siya hahatol ayon sa nakita ng mga mata niya.”​—Isa 11:2, 3; Mat 9:4; tingnan ang study note sa Mar 2:8.

Media