Ayon kay Juan 7:1-52

7  Pagkatapos nito, patuloy na lumibot* si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang gawin ito sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon na patayin siya.+ 2  Gayunman, malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo,+ na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3  Kaya sinabi sa kaniya ng mga kapatid niya:+ “Pumunta ka sa Judea para makita rin ng iyong mga alagad ang mga ginagawa mo. 4  Dahil walang sinumang gumagawa ng anumang bagay sa lihim kung gusto niyang makilala ng mga tao. Kaya ipakita mo sa lahat ng tao* ang mga bagay na ginagawa mo.” 5  Ang totoo, hindi nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya.+ 6  Kaya sinabi ni Jesus: “Hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin,+ pero puwede ninyo itong gawin kahit anong panahon. 7  Walang dahilan ang sanlibutan para mapoot sa inyo, pero napopoot ito sa akin, dahil nagpapatotoo ako na napakasama ng mga gawa nito.+ 8  Pumunta kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito, dahil hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin.”+ 9  Kaya pagkatapos niyang sabihin sa kanila ang mga ito, nanatili siya sa Galilea. 10  Nang makaalis na ang mga kapatid niya papunta sa kapistahan, pumunta rin siya pero palihim. 11  Kaya hinahanap siya ng mga Judio sa kapistahan at sinasabi: “Nasaan ang taong iyon?” 12  At nagbubulong-bulungan ang mga tao tungkol sa kaniya. Sinasabi ng ilan: “Mabuting tao siya.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”+ 13  Pero walang may lakas ng loob na magsalita nang hayagan tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.+ 14  Nang kalagitnaan* na ng kapistahan, pumunta si Jesus sa templo at nagturo. 15  Gulat na gulat ang mga Judio, at sinasabi nila: “Bakit napakaraming alam ng taong ito sa Kasulatan+ gayong hindi naman siya naturuan sa mga paaralan?”+ 16  Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.+ 17  Kung gustong gawin ng isa ang kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos+ o sa sarili ko. 18  Ang sinumang nagtuturo ng sarili niyang ideya ay lumuluwalhati sa sarili niya; pero ang sinumang gustong magbigay ng kaluwalhatian sa nagsugo sa kaniya+ ay tapat at matuwid. 19  Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng Kautusan?+ Pero walang isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Bakit gusto ninyo akong patayin?”+ 20  Sumagot ang mga tao: “Sinasapian ka ng demonyo.+ Sino ang gustong pumatay sa iyo?” 21  Sinabi ni Jesus: “Isang himala lang ang ginawa ko nang Sabbath, at nagulat na kayong lahat. 22  Pag-isipan ninyo ito: Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas sa pagtutuli+—hindi ibig sabihin na nagsimula iyon noong panahon ni Moises, kundi noong panahon pa ng mga ninuno niya+—at tinutuli ninyo ang isang lalaki kapag Sabbath. 23  Kung nagtutuli kayo kahit Sabbath para hindi malabag ang Kautusan ni Moises, bakit kayo galit na galit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa araw ng Sabbath?+ 24  Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.”+ 25  Pagkatapos, sinabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin?+ 26  Pero tingnan ninyo! Nagsasalita siya sa maraming tao, at wala silang sinasabi sa kaniya. Hindi kaya alam na talaga ng mga tagapamahala na siya ang Kristo? 27  Pero alam natin kung saan nagmula ang taong ito;+ gayunman, kapag dumating ang Kristo, walang sinuman ang makaaalam kung saan siya nagmula.” 28  Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nagmula. At hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa;+ mayroon talagang nagsugo sa akin,* at hindi ninyo siya kilala.+ 29  Kilala ko siya+ dahil ako ang kinatawan niya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30  Kaya nagsimula silang maghanap ng pagkakataong hulihin siya,+ pero hindi nila siya nadakip, dahil hindi pa dumarating ang oras niya.+ 31  Pero marami pa rin ang nanampalataya sa kaniya,+ at sinasabi nila: “Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng mas maraming tanda kaysa sa ginawa ng taong ito.”+ 32  Narinig ng mga Pariseo ang bulong-bulungan ng mga tao tungkol sa kaniya, kaya ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay nagsugo ng mga guwardiya para hulihin siya. 33  Sinabi ni Jesus: “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon bago ako pumunta sa nagsugo sa akin.+ 34  Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.”+ 35  Kaya sinabi ng mga Judio sa isa’t isa: “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi natin siya makikita? Balak ba niyang pumunta sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan din ang mga Griego? 36  Bakit sinabi niya, ‘Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako’?” 37  Sa huling araw ng kapistahan,+ ang pinakaimportanteng araw, tumayo si Jesus at sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumunta siya sa akin para uminom.+ 38  Kung ang sinuman ay nananampalataya sa akin, ‘mula sa kaniyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay,’*+ gaya ng sinasabi sa Kasulatan.” 39  Pero ang sinasabi niya ay may kinalaman sa espiritu, na malapit nang tanggapin ng mga nananampalataya sa kaniya; hindi pa ibinibigay ang espiritu noon+ dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.+ 40  Ang ilan sa mga nakarinig sa mga salitang ito ay nagsabi: “Siya nga talaga ang Propeta.”+ 41  Sinasabi naman ng iba: “Siya ang Kristo.”+ Pero sinasabi ng ilan: “Hindi naman sa Galilea manggagaling ang Kristo, hindi ba?+ 42  Hindi ba sinasabi sa Kasulatan na ang Kristo ay manggagaling sa supling ni David+ at sa Betlehem,+ ang nayon ni David?”+ 43  Kaya nagtalo-talo ang mga tao tungkol sa kaniya. 44  Gusto siyang hulihin ng ilan sa kanila, pero hindi nila siya nadakip. 45  Pagkatapos, nang bumalik ang mga guwardiya, tinanong sila ng mga punong saserdote at mga Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya hinuli?” 46  Sumagot ang mga guwardiya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.”+ 47  Sinabi naman ng mga Pariseo: “Nailigaw na rin ba kayo? 48  Walang isa man sa mga tagapamahala o Pariseo ang nanampalataya sa kaniya.+ 49  Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan at mga isinumpa.” 50  Sinabi sa kanila ni Nicodemo, na pumunta noon kay Jesus+ at isa sa mga Pariseo: 51  “Ayon sa ating Kautusan, hindi ba kailangan muna nating marinig ang panig ng isang tao para malaman kung ano ang ginawa niya bago siya hatulan?”+ 52  Sumagot sila: “Bakit, taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka nang makita mo na walang propetang manggagaling sa Galilea.”+

Talababa

O “naglakad.”
O “sa sanlibutan.”
O “mga ikaapat na araw.”
O “ang nagsugo sa akin ay umiiral.”
Lit., “ang mga ilog ng tubig na buháy.”

Study Notes

mga Judio: Gaya ng pagkakagamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan, iba-iba ang ibig sabihin nito depende sa konteksto. Puwede itong tumukoy sa mga Judio o taga-Judea sa pangkalahatan o sa mga nakatira sa Jerusalem o malapit dito. Puwede rin itong tumukoy sa mga panatikong Judio na nanghahawakan sa tradisyon ng tao, na may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko pero kadalasan nang salungat sa diwa ng Kautusan. (Mat 15:3-6) Ang mga ‘Judiong’ ito ay pinapangunahan ng mga Judiong lider ng relihiyon na galít kay Jesus. Sa tekstong ito at sa iba pang paglitaw ng terminong ito sa Juan kabanata 7, makikita sa konteksto na tumutukoy ito sa mga Judiong lider ng relihiyon.​—Ju 7:13, 15, 35a.​—Tingnan sa Glosari, “Judio.”

Kapistahan ng mga Tabernakulo: O “Kapistahan ng mga Kubol.” Dito lang binanggit ang kapistahang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang kapistahang tinutukoy dito ay ipinagdiwang noong taglagas ng 32 C.E.​—Tingnan sa Glosari, “Kapistahan ng mga Kubol,” at Ap. B15.

mga Judio: Dito, ang “mga Judio” ay posibleng tumutukoy sa mga Judio sa pangkalahatan na nagkakatipon para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo sa Jerusalem, pero posible ring tumutukoy ito sa mga Judiong lider ng relihiyon.​—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.​—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy ito sa mga Judiong lider ng relihiyon, gaya ng ipinapahiwatig ng tanong ni Jesus sa kanila sa talata 19: “Bakit gusto ninyo akong patayin?”​—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

Kasulatan: Lit., “mga letra.” Ang ekspresyong “alam ang mga letra” ay isang idyoma na nangangahulugang “may kaalaman sa mga akda (mga aklat, literatura).” Sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa kaalaman sa Kasulatan.

hindi naman siya naturuan sa mga paaralan: O “hindi naman siya tinuruan.” Lit., “hindi naman siya natuto.” Hindi naman ito nangangahulugan na hindi nakapag-aral si Jesus; hindi lang siya nag-aral sa matataas na paaralan ng mga rabbi.

galing . . . sa sarili ko: Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.

nagtutuli . . . kahit Sabbath: Sa Kautusang Mosaiko, obligadong magpatuli ang mga lalaki. (Lev 12:2, 3) Napakahalaga nito, kaya kahit tumapat ang ikawalong araw sa araw ng Sabbath, itutuloy pa rin ang pagtutuli.​—Tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”

mga tagapamahala: Tumutukoy sa mga Judiong tagapamahala. Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, ang Israel ay pinamamahalaan ng Imperyo ng Roma at ng mga Judiong tagapamahala. Ang pinakamataas na lupon ng mga Judiong tagapamahala noon ay ang Sanedrin, na binubuo ng 71 matatandang lalaki, kasama na ang mataas na saserdote, na binigyan ng gobyerno ng Roma ng limitadong awtoridad sa mga Judio.​—Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”

ako ang kinatawan niya: Lit., “katabi niya ako.” Ang paggamit dito ng pang-ukol na pa·raʹ (lit., “katabi”) ay nagpapakitang hindi lang ‘isinugo’ ng Diyos si Jesus, kundi napakalapít din niya kay Jehova. Kaya masasabing si Jesus ay “kinatawan” ng Diyos.

guwardiya: Tumutukoy sa mga bantay ng templo sa Jerusalem. Malamang na nagtatrabaho sila para sa Sanedrin at nasa ilalim ng awtoridad ng mga punong saserdote.

mga Judio: Sa kontekstong ito kung saan binanggit ang mga punong saserdote at mga Pariseo (Ju 7:32, 45), lumilitaw na ang “mga Judio” ay tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.​—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

mga Judio na nakapangalat: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na di·a·spo·raʹ ay tumutukoy sa mga Judiong hindi nakatira sa Israel. Nangalat sila dahil ipinatapon ang mga Judio nang masakop sila ng ibang mga bansa—una, ng mga Asiryano, noong ikawalong siglo B.C.E.; at ng mga Babilonyo, noong ikapitong siglo B.C.E. (2Ha 17:22, 23; 24:12-17; Jer 52:28-30) Maliit na grupo lang ng mga ipinatapon ang bumalik sa Israel, at hindi na umuwi ang marami. (Isa 10:21, 22) Noong ikalimang siglo B.C.E., lumilitaw na may mga Judiong komunidad na sa 127 lalawigan ng Imperyo ng Persia. (Es 1:1; 3:8) Ang ekspresyong ginamit dito sa Ju 7:35 ay espesipikong tumutukoy sa mga Judiong nangalat sa gitna ng mga Griego. Noong unang siglo, marami nang Judio sa labas ng Israel na nakatira sa mga komunidad na nagsasalita ng Griego, gaya ng sa Sirya, Asia Minor, at Ehipto, pati na rin sa teritoryo ng Imperyong Romano na nasa Europa, gaya ng Gresya at Roma. Dahil sa pagsisikap na mapalaganap ang Judaismo, dumami ang nakakilala kay Jehova at nakaalam ng Kautusang ibinigay Niya sa mga Judio. (Mat 23:15) Ang mga Judio at proselita mula sa maraming lupain ay pumunta sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E., at narinig nila ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Kaya nakatulong sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo ang pangangalat ng mga Judio sa buong Imperyo ng Roma.

Sa huling araw: Ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, o Kubol, Tisri 21. Tinawag itong “pinakaimportanteng araw” ng kapistahan.​—Deu 16:13; tingnan ang study note sa Ju 7:2 at Glosari, “Kapistahan ng mga Kubol,” at Ap. B15.

dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay: Posibleng naalala dito ni Jesus ang kaugaliang sinusunod kapag Kapistahan ng mga Tabernakulo, o Kubol. Sa kaugaliang ito, may kukuha ng tubig mula sa imbakan ng tubig ng Siloam, at gamit ang isang gintong lalagyan, ibubuhos ito sa altar kasabay ng alak sa paghahandog sa umaga. (Tingnan ang study note sa Ju 7:2; Glosari, “Kapistahan ng mga Kubol,” at Ap. B15.) Hindi nabanggit ang kaugaliang ito sa Hebreong Kasulatan. Idinagdag lang ito nang maglaon sa pagdiriwang ng kapistahan, at sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na ginagawa ito sa unang pitong araw pero hindi sa ikawalo. Isang araw bago ang simula ng kapistahan, may kukuha ng tubig mula sa Siloam at magdadala nito sa templo. At ito ang tubig na ibubuhos ng saserdote sa unang araw ng kapistahan, na isang Sabbath. Sa sumunod na mga araw, pupunta ang saserdote sa Siloam para kumuha ng tubig gamit ang gintong pitsel. Itataon niya ang pagdating niya sa templo kapag handa na ang mga saserdote na ilagay ang mga hain sa altar. Habang papasók siya sa Pintuang-Daan ng Tubig papunta sa Looban ng mga Saserdote, tatlong beses na hihipan ng mga saserdote ang trumpeta para ianunsiyo ang pagdating niya. Pagkatapos, ibubuhos ang tubig sa isang lalagyan para umagos ito sa paanan ng altar kasabay ng pagbubuhos ng alak sa ibang lalagyan. At may mga tutugtog sa templo kasabay ang pag-awit ng Hallel (Aw 113-118) habang iwinawagayway ng mga mananamba ang mga sanga ng palma nang nakaharap sa altar. Posibleng ipinapaalala ng seremonyang ito sa masasayang mananamba ang hula ni Isaias: “Masaya kayong sasalok ng tubig sa mga bukal ng kaligtasan.”​—Isa 12:3.

gaya ng sinasabi sa Kasulatan: Lumilitaw na wala namang sinisiping teksto si Jesus dito, pero malamang na nasa isip niya ang Isa 44:3; 58:11; at Zac 14:8. Nang kausapin ni Jesus ang Samaritana tungkol sa tubig na nagbibigay-buhay mahigit dalawang taon na ang nakakalipas, nagpokus si Jesus sa pakinabang na makukuha sa tubig na ito. (Ju 4:10, 14) Pero sa tekstong ito, ipinakita ni Jesus na dadaloy ang “tubig na nagbibigay-buhay” mula sa mga tagasunod niya na nananampalataya sa kaniya habang ibinabahagi nila ito sa iba. (Ju 7:37-39) Marami tayong mababasa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na matapos tumanggap ang mga tagasunod ni Jesus ng banal na espiritu pasimula noong Pentecostes 33 C.E., napakilos silang ibahagi ang tubig na nagbibigay-buhay sa lahat ng makikinig.​—Gaw 5:28; Col 1:23.

hindi pa ibinibigay ang espiritu noon: Ang salitang Griego para sa “espiritu,” pneuʹma, ay dalawang beses lumitaw sa talatang ito at tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Alam ni Jesus at ng mga nakikinig sa kaniya na matagal nang ginagamit ng Diyos ang Kaniyang banal na espiritu (Gen 1:2, tlb.; 2Sa 23:2; Gaw 28:25) at na ibinigay Niya ito noon sa tapat na mga lingkod Niya, gaya nina Otniel, Jepte, at Samson (Huk 3:9, 10; 11:29; 15:14). Kaya maliwanag na ang tinutukoy ni Juan ay isang bagong paraan ng pagkilos ng espiritu sa di-perpektong mga tao. Wala pang mga lingkod noon ng Diyos na nagkaroon ng makalangit na pag-asa sa pamamagitan ng espiritu. Noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ni Jesus sa mga tagasunod niya ang banal na espiritu na ibinigay ni Jehova sa kaniya bilang niluwalhating espiritu. (Gaw 2:4, 33) Ito ang unang pagkakataon na binigyan ang di-perpektong mga tao ng pag-asang mabuhay sa langit bilang espiritu. Dahil pinahiran ng banal na espiritu ang mga Kristiyano, naintindihan nila ang ibig sabihin ng maraming bagay na hindi nila naiintindihan noon.

mga isinumpa: Mababa ang tingin ng mayayabang at mapagmatuwid na mga Pariseo at Judiong lider sa karaniwang mga tao na nakikinig kay Jesus, at tinatawag nila ang mga ito na “isinumpa.” Mapanghamak ang salitang Griego na ginamit dito, e·paʹra·tos, na nagpapahiwatig ng pagiging isinumpa ng Diyos. Ginagamit din ng mga Judiong lider ng relihiyon ang terminong Hebreo na ʽam ha·ʼaʹrets, o “mga tao ng lupain,” para hamakin ang karaniwang mga tao. Noong una, magalang na termino ito para sa lahat ng taong nakatira sa isang espesipikong lugar, mahirap man sila o prominente. (Gen 23:7; 2Ha 23:35; Eze 22:29) Pero noong panahon ni Jesus, ginagamit na ang terminong ito para sa mga taong itinuturing na walang alam sa Kautusang Mosaiko o hindi sumusunod sa pinakamaliliit na detalye ng tradisyon ng mga rabbi. Makikita ang ganiyang saloobin sa mga akda ng mga rabbi. Mababa ang tingin ng mga lider ng relihiyon sa karaniwang mga tao, kaya ayaw nilang kumaing kasama nila, bumili sa kanila, o makisalamuha sa kanila.

Bakit, taga-Galilea ka rin ba?: Makikita sa tanong na ito ang mababang tingin ng mga taga-Judea sa mga taga-Galilea. Nang ipagtanggol ni Nicodemo si Jesus (Ju 7:51), para bang sinasabi ng mga Pariseo: “Bakit mo siya ipinagtatanggol? Ibinababa mo ba ang sarili mo sa lebel ng isang hamak na taga-Galilea?” Dahil ang Sanedrin at ang templo ay nasa Jerusalem, siguradong maraming guro ng Kautusan doon, at ito malamang ang dahilan kaya may kasabihan ang mga Judio: “Kung gusto mo ng kayamanan, pumunta ka sa hilaga [sa Galilea]; kung gusto mo ng karunungan, pumunta ka sa timog [sa Judea].” Pero may mga ebidensiya na hindi naman ignorante sa Kautusan ng Diyos ang mga taga-Galilea. Sa mga lunsod at nayon ng Galilea, may mga guro ng Kautusan at mga sinagoga, kung saan nagtitipon ang mga tao para matuto. (Luc 5:17) Makikita sa sinabi ng mayayabang na Pariseo kay Nicodemo na hindi man lang nila alam na sa Betlehem talaga ipinanganak si Jesus. (Mik 5:2; Ju 7:42) Hindi rin nila naintindihan ang hula ni Isaias na nagsasabing ang pangangaral ng Mesiyas ay magiging gaya ng “matinding liwanag” na sisikat sa Galilea.​—Isa 9:1, 2; Mat 4:13-17.

walang propetang manggagaling sa Galilea: Binabale-wala ng nagsabi nito ang hula sa Isa 9:1, 2 na isang matinding liwanag ang manggagaling sa Galilea. Ayon sa ilang iskolar, para bang sinasabi ng mga Pariseo na kahit kailan, walang nanggaling o manggagaling na propeta sa hamak na distrito ng Galilea. Pero ang totoo, si propeta Jonas ay galing sa isang bayan sa Galilea na Gat-heper, na 4 km (2.5 mi) lang sa hilagang-silangan ng Nazaret, kung saan lumaki si Jesus.​—2Ha 14:25.

7:53

Hindi mababasa ang Ju 7:53 hanggang 8:11 sa pinakaluma at maaasahang mga manuskrito. Maliwanag na idinagdag lang ang 12 talatang ito sa orihinal na teksto ng Ebanghelyo ni Juan. (Tingnan ang Ap. A3.) Hindi makikita ang mga ito sa dalawang pinakalumang papiro na naglalaman ng Ebanghelyo ni Juan na makukuha sa ngayon, ang Papyrus Bodmer 2 (P66) at Papyrus Bodmer 14, 15 (P75), na parehong mula noong ikalawang siglo C.E., at hindi rin makikita ang mga ito sa Codex Sinaiticus o Codex Vaticanus, na parehong mula noong ikaapat na siglo C.E. Unang lumitaw ang mga ito sa isang manuskritong Griego na mula noong ikalimang siglo (Codex Bezae), pero hindi na lumitaw ang mga ito sa kahit anong manuskritong Griego hanggang noong ikasiyam na siglo C.E. Hindi makikita ang mga ito sa karamihan ng mga sinaunang salin ng Bibliya. Sa ilang manuskritong Griego, idinagdag ang mga salitang ito sa dulo ng Ebanghelyo ni Juan; sa iba naman, idinagdag ang mga ito pagkatapos ng Luc 21:38. Ang pagkakaiba-iba ng puwesto nito sa iba’t ibang manuskrito ay isa pang patunay na hindi talaga ito bahagi ng orihinal na teksto ng Juan, gaya ng pinaniniwalaan ng napakaraming iskolar.

Ito ang karagdagang pananalita na mababasa sa ilang manuskritong Griego at mga salin ng Bibliya:

53 Kaya umuwi sila bawat isa sa kaniyang tahanan.

8 Ngunit pumaroon si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. 2 Gayunman, nang magbukang-liwayway, nagpakita siyang muli sa templo, at ang lahat ng mga tao ay nagsimulang pumaroon sa kaniya, at umupo siya at nagsimulang magturo sa kanila. 3 At ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagdala ng isang babaeng nahuli sa pangangalunya, at, pagkatapos na patayuin siya sa gitna nila, 4 sinabi nila sa kaniya: “Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa akto ng pangangalunya. 5 Sa Kautusan ay iniutos ni Moises na batuhin namin ang gayong uri ng mga babae. Ano nga ang masasabi mo?” 6 Sabihin pa, sinasabi nila ito para ilagay siya sa pagsubok, upang mayroon silang maiakusa sa kaniya. Ngunit si Jesus ay yumuko at nagsimulang sumulat sa lupa na ginagamit ang kaniyang daliri. 7 Nang magpatuloy pa rin sila sa pagtatanong sa kaniya, umunat siya at nagsabi sa kanila: “Hayaang ang isa sa inyo na walang kasalanan ang unang maghagis ng bato sa kaniya.” 8 At pagyukong muli ay nagpatuloy siyang sumulat sa lupa. 9 Ngunit yaong mga nakarinig nito ay nagsimulang umalis, nang isa-isa, pasimula sa matatandang lalaki, at naiwan siyang mag-isa, at ang babaeng nasa gitna nila. 10 Habang umuunat, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” 11 Sinabi niya: “Walang sinuman, ginoo.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin naman kita hahatulan. Humayo ka; mula ngayon ay huwag ka nang mamihasa sa kasalanan.”

Media