Liham sa mga Taga-Roma 11:1-36

11  Kaya ang tanong ko, itinakwil ba ng Diyos ang bayan niya?+ Siyempre hindi! Dahil ako rin ay isang Israelita, na supling ni Abraham at mula sa tribo ni Benjamin.+ 2  Hindi itinakwil ng Diyos ang bayan niya, na una niyang binigyang-pansin.+* Hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kasulatan tungkol kay Elias, noong dumaing siya sa Diyos laban sa Israel? 3  “Jehova, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar; ako na lang ang natira, at ngayon ay gusto nila akong patayin.”+ 4  Pero ano ang isinagot sa kaniya ng Diyos? “Mayroon pang 7,000 sa bayan ko na hindi lumuhod kay Baal.”+ 5  Kaya gayon din sa ngayon. Mayroon ding maliit na grupo na naiwan,+ ang mga pinili dahil sa walang-kapantay* na kabaitan. 6  At kung iyon ay dahil sa walang-kapantay* na kabaitan,+ hindi na iyon dahil sa mga gawa;+ dahil hindi iyon maituturing na walang-kapantay* na kabaitan kung dahil iyon sa mga gawa. 7  Kaya ano ang masasabi natin? Ang pinagsisikapang makuha ng Israel ay hindi nila nakuha, pero nakuha ito ng mga pinili.+ Naging manhid ang puso ng iba,+ 8  gaya ng nasusulat: “Mahimbing silang pinatulog ng Diyos.+ Binigyan niya sila ng mga matang hindi nakakakita at mga taingang hindi nakaririnig hanggang sa araw na ito.”+ 9  Sinabi rin ni David: “Ang kanilang mesa nawa ay maging isang silo, bitag, katitisuran, at kaparusahan para sa kanila. 10  Magdilim nawa ang mga mata nila para hindi sila makakita, at lagi sana silang magdala ng mabigat na pasan.”*+ 11  Kaya ang tanong ko, Natisod ba sila at tuluyang nabuwal? Siyempre hindi! Pero dahil sa maling hakbang nila, naligtas ang mga tao ng ibang mga bansa, kaya nagselos sila.+ 12  Ngayon kung ang maling hakbang nila ay nagdala ng pagpapala* sa sanlibutan, at ang pagkaunti nila ay nagdala ng pagpapala* sa mga tao ng ibang mga bansa,+ paano pa kaya kapag nakumpleto na sila? 13  Ngayon ay nagsasalita ako sa inyo na mga tao ng ibang mga bansa. Ako ay isang apostol para sa ibang mga bansa,+ kaya niluluwalhati ko ang aking ministeryo+ 14  at umaasang may magagawa ako para magselos ang sarili kong bayan at sa gayon ay mailigtas ang ilan sa kanila. 15  Kung ang pagtatakwil sa kanila+ ay nagbukas ng daan para maipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang pagtanggap sa kanila ay magiging gaya naman ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. 16  Bukod diyan, kung ang isang bahagi ng limpak na kinuha bilang mga unang bunga ay banal, ang buong limpak ay banal; at kung ang ugat ay banal, gayon din ang mga sanga. 17  Pero kung pinutol ang ilan sa mga sanga at ikaw, kahit isang ligáw na olibo, ay inihugpong kasama ng natirang mga sanga at naging kabahagi sa mga pagpapala mula sa* ugat ng olibo, 18  huwag kang magmalaki sa mga sanga. Kung nagmamalaki ka sa kanila,+ alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo. 19  Sasabihin mo ngayon: “Pumutol ng mga sanga para maihugpong ako.”+ 20  Totoo naman! Pinutol sila dahil sa kawalan nila ng pananampalataya,+ pero nakatayo kang matatag dahil sa pananampalataya.+ Huwag kang magyabang, kundi matakot ka. 21  Dahil kung hindi pinaligtas ng Diyos ang likas na mga sanga, hindi ka rin niya paliligtasin. 22  Kaya pag-isipan mo ang kabaitan+ at pagpaparusa ng Diyos. Pinarusahan niya ang mga nabuwal,+ pero mabait sa iyo ang Diyos hangga’t nananatili ka sa kaniyang kabaitan; kung hindi, tatagpasin ka rin. 23  Pero kung mananampalataya sila, ihuhugpong din sila,+ dahil kaya ng Diyos na ihugpong silang muli. 24  Dahil kung ikaw na pinutol mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa, mas maihuhugpong sila, na likas na mga sanga, sa sarili nilang punong olibo! 25  Mga kapatid, para hindi maging marunong ang tingin ninyo sa sarili, gusto kong malaman ninyo ang sagradong lihim na ito:+ Magiging manhid ang puso ng ilan sa Israel+ hanggang sa makumpleto ang bilang ng mga tao ng ibang mga bansa, 26  at sa ganitong paraan maliligtas ang buong Israel.+ Gaya ng nasusulat: “Ang tagapagligtas ay manggagaling sa Sion,+ at ilalayo niya ang Jacob sa kanilang di-makadiyos na mga gawain. 27  At ito ang tipan ko sa kanila+ kapag inalis ko ang mga kasalanan nila.”+ 28  Totoo, may kinalaman sa mabuting balita, naging mga kaaway sila, at nakinabang kayo roon. Pero pagdating sa pagpili ng Diyos, minahal sila alang-alang sa mga ninuno nila.+ 29  Dahil hindi pagsisisihan ng Diyos ang pagbibigay niya ng mga regalo at ang pagtawag niya. 30  Masuwayin kayo noon sa Diyos+ pero kinaawaan niya kayo+ dahil sa pagsuway nila.+ 31  Sa katulad na paraan, naging masuwayin sila kung kaya kinaawaan kayo, kaya kaaawaan din sila. 32  Dahil hinayaan ng Diyos na silang lahat ay maging bilanggo ng pagsuway+ para makapagpakita siya ng awa sa lahat.+ 33  Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala,* karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya!+ 34  Dahil “sino ang nakaaalam ng kaisipan ni Jehova, o sino ang naging tagapayo niya?”+ 35  O “sino ang naunang nagbigay sa kaniya, kaya dapat niya itong bayaran?”+ 36  Dahil mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Talababa

O posibleng “na nakilala na niya noon.”
O “di-sana-nararapat.”
O “di-sana-nararapat.”
O “di-sana-nararapat.”
O “lagi sanang makuba ang kanilang likod.”
Lit., “kayamanan.”
Lit., “kayamanan.”
O “naging kabahagi sa katabaan ng.”
Lit., “O ang lalim ng kayamanan.”

Study Notes

supling: O “inapo.” Lit., “binhi.”​—Tingnan ang Ap. A2.

Jehova: Sumipi dito si Pablo mula sa 1Ha 19:10, 14, kung saan nakikipag-usap si propeta Elias sa Diyos na Jehova. Sa orihinal na tekstong Hebreo, ang pangalan ng Diyos ay kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH). Pero sa pagsipi ni Pablo, pinaikli niya ito at iniba ang pagkakasunod-sunod ng ilang pangungusap. Idinagdag din niya ang pangalan ng Diyos sa simula ng pagsipi para ipakitang ang Diyos ang kausap dito ng propeta. Sa natitirang mga manuskritong Griego sa ngayon, ang mababasa ay isang anyo ng salitang Kyʹri·os (Panginoon), pero “Jehova” ang ginamit ng saling ito dahil makikita sa konteksto ng sinipi ni Pablo at sa iba pang konteksto na laging ginagamit ni Elias ang personal na pangalan ng Diyos na Jehova sa pakikipag-usap sa kaniya. (1Ha 17:20, 21; 18:36, 37; 19:4) Dahil diyan, makatuwirang isipin na ang Kyʹri·os ay ipinampalit lang sa pangalan ng Diyos. Gayundin, maraming Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos.

gusto nila akong patayin: O “gusto nilang kunin ang buhay ko.” Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa buhay ng isang tao. Ang ekspresyong ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan, gaya sa 1Ha 19:10, 14, na sinipi ni Pablo.​—Exo 4:19; 1Sa 20:1; tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

isinagot . . . ng Diyos: Ang pangngalang Griego na khre·ma·ti·smosʹ ay tumutukoy sa isang kapahayagan mula sa Diyos. Dito, ginamit ang terminong ito para sa sinabi ng Diyos kay propeta Elias sa 1Ha 19:18. Sa karamihan ng mga diksyunaryo at salin ng Bibliya, tinumbasan ito ng “kapahayagan mula sa Diyos; sagot ng Diyos.” Ang terminong ito ay kaugnay ng pandiwang khre·ma·tiʹzo, na ilang beses ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, sinasabi sa Gaw 11:26 na “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad [ni Jesus] sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.”​—Tingnan ang study note sa Gaw 10:22; 11:26.

Baal: Diyos ng mga Canaanita na itinuturing ng ilan sa mga mananamba nito na may-ari ng kalangitan at nagbibigay ng ulan at ng kakayahang mag-anák. Dito lang binanggit si Baal sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sumipi dito si Pablo mula sa 1Ha 19:18. Sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang terminong Hebreo na hab·Baʹʽal, na literal na nangangahulugang “ang Baal,” para tumukoy sa diyos na ito. (Huk 2:13; 1Ha 16:31; 18:25) Ginamit din ang anyong pangmaramihan (mga Baal) ng terminong Hebreo na ito, posibleng para tumukoy sa iba’t ibang diyos-diyusan na sinasabing may-ari o may kontrol sa isang partikular na lugar. (Huk 2:11; 8:33; 10:6) Ang salitang Hebreo na baʹʽal (na walang tiyak na pantukoy) ay nangangahulugang “may-ari; panginoon.”​—Exo 21:28; 22:8.

Diyos: Sa talatang ito, sumipi si Pablo mula sa Deu 29:4 at Isa 29:10. Hindi “Diyos” ang ginamit sa tekstong Hebreo ng mga talatang ito, pero posibleng sumipi si Pablo mula sa Septuagint, kung saan ang mababasa sa Deu 29:4 (29:3, LXX) ayon sa karamihan ng mga manuskrito ay “Hindi kayo binigyan ng Panginoong Diyos . . . ” Ayon sa mga dahilan na nasa Ap. C1, malamang na ganito ang mababasa sa mga kopya ng Septuagint noong panahon ni Pablo: “Hindi kayo binigyan ng Diyos na Jehova . . . ” Sa katunayan, may patunay na sa isang piraso ng koleksiyon ng papiro na tinatawag na Fouad Inv. 266, ginamit sa Deu 29:4 ang Tetragrammaton sa tekstong Griego, na sinusundan ng terminong Griego para sa “Diyos.” Kaya posibleng pinaikli ni Pablo ang pagsipi niya mula sa Septuagint at “Diyos” lang ang ginamit niya. Iyan ang mababasa sa Ro 11:8 sa mga natitirang manuskritong Griego. (Ihambing ang pinaikli ring pagsipi sa Gaw 7:37; tingnan ang study note.) Sa tekstong Hebreo ng Deu 29:4 at Isa 29:10, mababasa ang pangalan ng Diyos, kaya ginamit ang Tetragrammaton sa ilang Hebreong salin ng Ro 11:8 (may code na J7, 8, 10, 14, 15, 20 sa Ap. C4).

mesa: Posibleng tumutukoy sa isang handaan o sa isang mesa para sa mga hain. Sumipi dito si Pablo mula sa Aw 69:22, kung saan ang “mesa” ay iniuugnay sa “kasaganaan” at lumilitaw na tumutukoy sa pagpapala. Ipinatungkol ni Pablo ang awit na ito sa mga Judio, na karamihan ay nagtakwil kay Jesus at nawalan ng pananampalataya. Ang isang dahilan kung bakit nangyari ito ay ipinipilit nilang sapat na ang pagiging inapo nila ni Abraham para patuloy silang tumanggap ng pagpapala mula sa Diyos. (Mat 3:9; Ju 8:39) Dahil sa maling kaisipang iyan, tatanggap sila ng “kaparusahan.”

sanlibutan: Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo ang salitang Griego na koʹsmos para sa mga tao ng ibang mga bansa, ang mga di-Judio, o Gentil. Dito, ginamit ang “sanlibutan” para tumukoy sa mga taong hindi miyembro ng bayang Israel, na may pakikipagtipan sa Diyos. Madalas ding gamitin ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya ang salitang koʹsmos para tumukoy sa lahat ng tao na hindi tunay na tagasunod ni Kristo. Sa Kasulatan lang ginagamit sa ganitong paraan ang terminong Griego para sa “sanlibutan.”​—Tingnan ang study note sa Ju 15:19.

isang apostol para sa ibang mga bansa: Ibig sabihin, para sa mga di-Judio, o Gentil. Nang maging Kristiyano si Pablo, posibleng noong mga 34 C.E., sinabi ng binuhay-muling si Jesus: “Ang taong ito ay pinili ko para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa, gayundin sa mga hari at sa mga Israelita.” (Gaw 9:15) Kaya si Pablo ay pinili ng Panginoong Jesu-Kristo para maging “isang apostol [ibig sabihin, “isinugo”] para sa ibang mga bansa.” (Gaw 26:14-18; Ro 1:5; Gal 1:15, 16; 1Ti 2:7) Kahit matibay ang mga patunay ng pagkaapostol ni Pablo at malinaw ito sa kaniya, walang mababasa sa Bibliya na pumalit siya sa isa sa “12 apostol,” at hindi niya kailanman tinukoy ang sarili niya na isa sa kanila.​—1Co 15:5-8; ihambing ang study note sa Gaw 1:23.

niluluwalhati: O “dinadakila.” Ang pandiwang Griego na do·xaʹzo (luwalhatiin; dakilain), na kaugnay ng salitang doʹxa (kaluwalhatian; karangalan), ay madalas na iniuugnay sa pagluwalhati sa Diyos. (Mat 5:16; 9:8; Mar 2:12; Luc 2:20; 5:25, 26; Gaw 4:21; 11:18; Ro 15:6, 9) Sa kontekstong ito, ang pandiwa ay puwede ring mangahulugang “ipagmalaki; seryosohin; sulitin.” Napakahalaga kay Pablo ng “ministeryo” niya; itinuturing niya itong napakalaking karangalan.

aking ministeryo: Noong nasa lupa si Jesus, inatasan niya ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mat 28:19, 20) Tinawag ni Pablo ang gawaing ito na “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Sinasabi ni Pablo sa mga taong malayo sa Diyos: “Nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2Co 5:18-20) Ginawa ni Pablo ang lahat para makapangaral sa mga tao ng ibang mga bansa, pero gustong-gusto niya ring mapakilos ang ilang Judio para maligtas din sila. (Ro 11:14) Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay “paglilingkod,” at ang kaugnay na pandiwa nito ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagsisilbi sa iba, gaya ng paghahain ng pagkain. (Luc 4:39; 17:8; Ju 2:5) Dito, tumutukoy ito sa ministeryong Kristiyano. Mas mataas na anyo ito ng paglilingkod dahil sinasapatan nito ang espirituwal na pangangailangan ng iba.

sarili kong bayan: Lit., “laman ko.” Tinutukoy dito ni Pablo ang mga kababayan niya, ang mga Israelita.​—Ihambing ang Gen 37:27.

ugat . . . mga sanga: Dito, ikinumpara ni Pablo sa punong olibo ang katuparan ng layunin ng Diyos may kaugnayan sa Abrahamikong tipan. Si Jehova, ang ugat ng punong iyon, ang nagbibigay-buhay sa espirituwal na Israel. (Isa 10:20) Si Jesus, ang katawan ng puno, ang pangunahing bahagi ng supling ni Abraham. (Gal 3:16) Ayon kay Pablo, ang lahat ng sanga ang ‘kumpletong bilang’ ng bubuo sa pangalawahing bahagi ng supling ni Abraham.​—Ro 11:25; Gal 3:29.

pinutol ang ilan sa mga sanga: Ibig sabihin, ang likas na mga Judio na nagtakwil kay Jesus ay itinakwil din.

ikaw, kahit isang ligáw na olibo, ay inihugpong: Ang kinakausap pa rin dito ni Pablo ay ang mga di-Judiong Kristiyano. (Ro 11:13) Ipinagpatuloy niya ang ilustrasyon tungkol sa inaalagaang punong olibo para ipakita kung paano natupad ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa Abrahamikong tipan. (Tingnan ang study note sa Ro 11:16.) Noong una, mga Judio lang ang puwedeng maging bahagi ng tipang iyon. Ang mga di-Judio, o Gentil, ay inihalintulad sa mga sanga ng ibang puno, isang ligáw na punong olibo. Binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga Gentil na maging bahagi ng supling ni Abraham bilang espirituwal na mga Judio; makasagisag niya silang inihugpong sa inaalagaang punong olibo. Ang kongregasyon sa Roma ay binubuo ng tapat na mga Judio at Gentil na Kristiyano, at lahat ay inaasahang magpakita ng bunga ng espiritu.​—Ro 2:28, 29.

inihugpong: Sa proseso ng paghuhugpong, ang isang sanga ng puno na may magandang bunga ay idinurugtong sa isang puno na di-gaanong maganda ang bunga. Kapag lubusan nang dumugtong ang inihugpong na sanga, magkakaroon ito ng magandang bunga, gaya ng sa puno na pinagkunan nito. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang paghuhugpong na “hindi . . . karaniwang ginagawa” dahil mga sanga mula sa puno na di-gaanong maganda ang inihugpong sa inaalagaang puno. Lumilitaw na may ilang nagtatanim noong unang siglo na gumagawa nito. (Tingnan ang study note sa Ro 11:24.) Dito lang ginamit sa Roma kabanata 11 ang salitang Griego para sa “ihugpong.”

inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa: Karaniwan na, mga sanga ng inaalagaang punong olibo ang inihuhugpong ng mga magsasaka sa ligáw na punong olibo. Kaya ang ligáw na punong olibo ay mamumunga ng mas maganda, na halos katulad ng bunga ng punong pinanggalingan ng inihugpong na sanga. Ang paghuhugpong ng mga sanga ng ligáw na puno sa inaalagaang puno ay kabaligtaran ng karaniwang ginagawa, at kadalasan nang hindi maganda ang nagiging bunga ng punong iyon. Pero minsan, ginagawa rin ito ng ilang magsasaka noong unang siglo. (Tingnan sa Media Gallery, “Paghuhugpong ng Sanga ng Olibo.”) Dahil ang ginamit na ilustrasyon ni Pablo ay tungkol sa isang proseso na hindi karaniwang ginagawa noon, lalo niyang naidiin ang punto niya. Ginamit ni Pablo ang inaalagaang punong olibo para ilarawan kung paano natupad ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa Abrahamikong tipan. Sa ilustrasyon niya, ang mga supling ni Abraham ay ang mga sanga ng inaalagaang punong olibo. (Ro 11:21) Ang mga Kristiyanong Gentil ay ang mga sanga ng ligáw na punong olibo dahil hindi sila bahagi ng orihinal na bayan ng Diyos, ang Israel, na likas na mga supling ni Abraham at tagapagmana ng Abrahamikong tipan. (Efe 2:12) Pero dahil sa kawalan ng pananampalataya ng ilang Judio—ang likas na mga sanga ng punong olibo—itinakwil sila ng Diyos at “pinutol.” (Ro 11:20) Inihugpong ni Jehova ang mga Gentil para palitan ang di-mabungang mga sanga. (Gal 3:28, 29) Kung paanong namumunga ng maganda ang mga sanga ng ligáw na punong olibo kapag inihugpong ito sa inaalagaang punong olibo, nakikinabang din nang husto ang mga Kristiyanong Gentil sa “mga pagpapala mula sa ugat [lit., “katabaan ng ugat”]” ng inaalagaang punong olibo. Idiniin ng kaayusang ito ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa mga Kristiyanong Gentil, kaya wala silang dahilan para magmalaki.​—Ro 11:17; ihambing ang Mat 3:10; Ju 15:1-10.

inaalagaang punong olibo: Sa terminong Griego na ginamit dito, kal·li·eʹlai·os, ang salita para sa “punong olibo” ay may unlapi na galing sa salitang ka·losʹ. Nangangahulugan itong “mabuti; magandang klase; napakahusay,” na nagpapakitang nagagampanan nito ang inaasahan dito—gaya ng isang punong olibo na inaalagaan para maging mabunga. Sa ilustrasyong ito, ginamit ang dalawang magkaibang puno, ang inaalagaang punong olibo at ang ligáw na punong olibo (a·gri·eʹlai·os; lit., “punong olibo sa parang”) na hindi inaalagaan.

at sa ganitong paraan maliligtas ang buong Israel: Tumutukoy sa buong espirituwal na Israel, ang “Israel ng Diyos.” (Gal 6:16; Ro 2:29) Layunin ng Diyos na maligtas ang 144,000 espirituwal na Israelita at mamahalang kasama ng kaniyang Anak sa langit. At sa “ganitong paraan” matutupad ang layuning iyan: Makasagisag na ihuhugpong ang mga sanga ng “ligáw na olibo” para matupad ang layunin ng Diyos na mapunô ng mabubungang sanga ang kaniyang “inaalagaang punong olibo.” (Ro 11:17-25; Apo 7:4; 14:1, 3) Tumutukoy ito sa pagpapahintulot sa mga Kristiyanong Gentil na maging bahagi ng espirituwal na Israel. Sinasabi ng ilan na ang ekspresyong Griego sa simula ng talatang ito ay dapat isaling “at pagkatapos” o “at sa katapusan,” pero ang saling “at sa ganitong paraan” ay sinusuportahan ng maraming diksyunaryo at iba pang salin ng Bibliya.

tagapagligtas: Sumipi dito si Pablo sa salin ng Septuagint sa Isa 59:20, at ipinatungkol niya ang hula sa mga Kristiyanong miyembro ng “Israel ng Diyos.” (Gal 6:16) Ipinahiwatig niya na magkakaroon ng lubusang katuparan ang hula kapag nakumpleto na ang bilang ng bubuo sa espirituwal na Israel.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Ang mga ekspresyong Griego na isinaling “nakaaalam ng kaisipan” at “naging tagapayo niya” ay galing sa salin ng Septuagint sa Isa 40:13.

Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.

Media