Ano Na ang Nagawa ng Diyos?
Mas makikilala mo ang isang tao kung malalaman mo ang mga nagawa na niya at ang mga hamong napagtagumpayan niya. Mas makikilala mo rin ang Diyos kung malalaman mo ang mga nagawa na niya. Baka magulat ka kapag nalaman mo na ang mga ginawa niya noon ay makakabuti sa iyo ngayon at sa hinaharap.
NILIKHA NG DIYOS ANG LAHAT NG BAGAY ALANG-ALANG SA ATIN
Ang Diyos na Jehova ang Dakilang Maylikha, at “ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, dahil ang mga ito . . . ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.” (Roma 1:20) “Siya ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan niya; ginawa niyang matatag ang mabungang lupa gamit ang karunungan niya, at inilatag niya ang langit gamit ang kaunawaan niya.” (Jeremias 10:12) Makikita rin sa kamangha-manghang paglalang ng Diyos na interesado siya sa atin.
Pag-isipan ito: Espesyal tayo dahil nilalang ni Jehova ang mga tao “ayon sa kaniyang larawan.” (Genesis 1:27) Ibig sabihin, nilikha niya tayo na may kakayahang magpakita ng mga katangian niya. Pinagkalooban niya tayo ng espirituwalidad, o kakayahang maunawaan ang kaniyang mga pananaw at pamantayan. Kapag namumuhay tayo ayon sa mga ito, mas nagiging maligaya at makabuluhan ang buhay natin. Binigyan din niya tayo ng potensiyal na maging kaibigan niya.
Kapag pinagmamasdan natin ang lupa, makikita natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: ‘Nagbigay siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya—gumawa siya ng mabuti at binigyan tayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso natin.’ (Gawa 14:17) Hindi lang inilaan ng Diyos ang mga kailangan natin para mabuhay. Sagana rin niyang inilaan ang mga ito para masiyahan tayo. Pero higit pa riyan ang gusto niya para sa atin.
Nilalang ni Jehova ang lupa para tirhan ng mga tao magpakailanman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng tao,” at ‘hindi niya ito nilalang nang walang dahilan, kundi nilikha Awit 115:16; Isaias 45:18) Sino ang titira dito at hanggang kailan? “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
niya ito para tirhan.’ (Kaya naman, nilalang ni Jehova ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva. Inilagay niya sila sa isang paraisong lupa para “sakahin iyon at alagaan.” (Genesis 2:8, 15) Binigyan sila ng Diyos ng dalawang kapana-panabik na atas: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.” (Genesis 1:28) Kaya may pag-asa sana sina Adan at Eva na mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Pero nakakalungkot, pinili nilang sumuway sa Diyos kaya naiwala nila ang pag-asang makasama sa “mga matuwid” na “magmamay-ari ng lupa.” Pero gaya ng makikita natin, hindi nabago ng pagsuway nila ang layunin ni Jehova para sa atin at sa lupa. Samantala, talakayin muna natin ang isa pang ginawa ng Diyos.
INILAAN NG DIYOS ANG KANIYANG NASUSULAT NA SALITA
Ang Bibliya ay tinatawag ding Salita ng Diyos. Bakit inilaan sa atin ni Jehova ang Bibliya? Unang-una, para matuto tayo tungkol sa kaniya. (Kawikaan 2:1-5) Totoo, hindi sinasagot ng Bibliya ang lahat ng tanong natin tungkol sa Diyos—walang aklat ang makakagawa niyan. (Eclesiastes 3:11) Pero ang lahat ng nilalaman ng Bibliya ay makakatulong sa atin para makilala ang Diyos. Nalalaman natin kung sino siya dahil sa pakikitungo niya sa mga tao. Nakikita natin kung anong uri ng mga tao ang gusto at ayaw niya. (Awit 15:1-5) Nalalaman natin ang pananaw niya sa pagsamba, moralidad, at materyal na mga bagay. Ipinakikita rin sa atin ng Bibliya ang pinakamalinaw na larawan ng personalidad ni Jehova na masasalamin sa salita at gawa ng Anak niyang si Jesu-Kristo.—Juan 14:9.
Inilaan din ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para magkaroon tayo ng maligaya at makabuluhang buhay. Sa Bibliya, sinasabi ni Jehova kung paano magiging maligaya ang ating pamilya, kung paano magiging kontento, at kung paano maiiwasan ang sobrang pag-aalala. At katulad ng ipapaliwanag sa magasing ito, sinasagot ng Bibliya ang mahahalagang tanong sa buhay, gaya ng: Bakit labis-labis ang pagdurusa? Ano ang mangyayari sa hinaharap? Ipinapaliwanag din nito kung ano na ang nagawa ng Diyos para matupad ang kaniyang orihinal na layunin.
May iba pang dahilan kung bakit ang Bibliya ay isang kamangha-manghang aklat. Isinulat ito ng mga 40 lalaki sa loob ng 1,600 taon, pero iisa lang ang tema nito dahil ang Diyos ang talagang Awtor nito. (2 Timoteo 3:16) Di-tulad ng sinaunang mga aklat, may katumpakan itong naingatan sa paglipas ng panahon, gaya ng pinatutunayan ng libo-libong sinaunang manuskrito ng Bibliya. Nakaligtas din ang Bibliya sa mga pagsisikap na pigilan ang pagsasalin, pamamahagi, at pagbabasa nito. Ang Bibliya rin ang pinakamalawak na naipamahaging aklat at naisalin ito sa pinakamaraming wika. Pinatutunayan ng lahat ng ito na ang “salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”—Isaias 40:8.
TINIYAK NG DIYOS NA MATUTUPAD ANG KANIYANG LAYUNIN
Naglaan din ang Diyos ng espesyal na probisyon para tiyaking matutupad ang layunin niya para sa atin. Gaya ng nabanggit na, layunin ng Diyos na mabuhay ang mga tao sa lupa magpakailanman. Pero nang sumuway si Adan at magkasala sa Diyos, naiwala niya ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan hindi lang para sa kaniyang sarili kundi para din sa magiging mga anak niya. “Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Dahil sa pagsuway ng tao, parang hindi na matutupad ang layunin ng Diyos. Ano ang ginawa ni Jehova?
Kumilos si Jehova ayon sa mga katangian niya. Makatarungan niyang pinanagot sina Adan at Eva sa ginawa nila, pero maibigin siyang naglaan para sa mga supling nila sa hinaharap. Dahil sa Genesis 3:15) Ang solusyon sa kasalanan at kamatayan ay ilalaan sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ano ang ibig sabihin nito?
karunungan niya, agad na gumawa si Jehova ng solusyon para harapin ang sitwasyon. (Para matubos ang mga tao mula sa epekto ng rebelyon ni Adan, isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa para ituro sa mga tao ang daan tungo sa buhay at para “ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” a (Mateo 20:28; Juan 14:6) Mailalaan ni Jesus ang pantubos dahil perpekto siya gaya ni Adan. Pero di-tulad ni Adan, nakapanatiling tapat si Jesus hanggang kamatayan. Dahil hindi naman nararapat mamatay si Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova sa langit. Magagawa na ngayon ni Jesus ang hindi nagawa ni Adan—bigyan ang mga masunurin ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. “Dahil lang sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan, pero dahil sa pagkamasunurin ng isang tao, marami ang magiging matuwid.” (Roma 5:19) Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako na mabubuhay magpakailanman ang mga tao sa lupa.
Matututo pa tayo nang higit tungkol kay Jehova sa pagharap niya sa mga hamong dulot ng pagsuway ni Adan. Walang makakapigil kay Jehova na tapusin ang sinimulan niya; ang salita niya ay “siguradong magtatagumpay.” (Isaias 55:11) Makikita rin natin kung gaano kalalim ang pag-ibig ni Jehova para sa atin. “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin: Isinugo ng Diyos sa sangkatauhan ang kaniyang kaisa-isang Anak para magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig na ito ay ganito: Isinugo ng Diyos ang Anak niya bilang pampalubag-loob na handog para sa mga kasalanan natin, at ginawa niya ito hindi dahil sa mahal natin siya, kundi dahil mahal niya tayo.”—1 Juan 4:9, 10.
“Hindi niya ipinagkait sa atin kahit ang sarili niyang Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, kaya tiyak na masaya ring ibibigay sa atin ng Diyos . . . ang lahat ng iba pang bagay” na ipinangako niya. (Roma 8:32) Ano ang mga ito? Mababasa iyan sa susunod na artikulo.
ANO NA ANG NAGAWA NG DIYOS? Nilikha ni Jehova ang mga tao para mabuhay magpakailanman sa lupa. Inilaan niya ang Bibliya para matuto tayo tungkol sa kaniya. Inilaan ni Jehova ang pantubos, si Jesu-Kristo, para tiyaking matutupad ang kaniyang layunin
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pantubos, tingnan ang aralin 27 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available online sa www.pr2711.com/tl.