Kailan Mamamahala sa Lupa ang Kaharian ng Diyos?
Gustong malaman ng tapat na mga tagasunod ni Jesus kung kailan magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus na hindi nila malalaman kung kailan ito eksaktong mamamahala sa lupa. (Gawa 1:6, 7) Pero bago nito, sinabi ni Jesus na kapag nakita nila na nagaganap na nang sabay-sabay ang ilang pangyayari, “makakatiyak [silang] malapit na ang Kaharian ng Diyos” at iyon na ang panahon para mamahala ito sa mundo.—Lucas 21:31.
ANONG MGA PANGYAYARI ANG TINUTUKOY NI JESUS?
Sinabi ni Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, gayundin ng mga epidemya at taggutom sa iba’t ibang lugar.” (Lucas 21:10, 11) Gaya ng mga linya na bumubuo sa isang fingerprint, lahat ng pangyayaring ito ay isang di-maikakailang tanda. At kung paanong ang isang fingerprint ay nagpapatunay ng pagkakakilanlan ng isang tao, ang mga pangyayaring ito na nagaganap nang sabay-sabay ay nagpapatunay rin na “malapit na ang Kaharian ng Diyos.” Talaga bang nakikita na ang mga pangyayaring iyan sa buong mundo? Tingnan ang mga ebidensiya.
1. DIGMAAN
Noong 1914, sumiklab ang isang digmaang hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng tao! Tinukoy ng mga istoryador ang taóng 1914 bilang taon ng malaking pagbabago sa kasaysayan dahil sa taóng ito naganap ang unang digmaang pandaigdig. Sa digmaang ito unang malawakang ginamit ang mga tangke, aerial bomb, machine gun, nakalalasong gas, at iba pang nakamamatay na sandata. Sinundan ito ng ikalawang digmaang pandaigdig, na gumamit naman ng mga atomic weapon. Mula noong 1914, hindi na huminto ang mga digmaan sa iba’t ibang lugar, at ang mga digmaang ito ay pumatay ng milyon-milyong tao.
2. LINDOL
Taon-taon, may mga 100 lindol na nagiging dahilan ng “matinding pinsala,” ang sabi ng Britannica Academic. At sinasabi ng report ng United States Geological Survey na “ayon sa matagal nang mga rekord (mula pa noong mga 1900), inaasahang may mga 16 na sobrang lalakas na lindol sa alinmang taon.” Sinasabi ng ilan na dumami lang ang mga lindol dahil mas nade-detect na ito ngayon. Pero kitang-kita na ang malalakas na lindol sa buong mundo ay nagiging dahilan ng pagdurusa at kamatayan ng maraming tao na hindi nararanasan noon.
3. TAGGUTOM
Ang taggutom ay resulta ng digmaan, korapsiyon, pagbagsak ng ekonomiya, hindi maayos na pangangasiwa sa agrikultura, o kakulangan ng pagpaplano sa lumalala at di-normal na lagay ng panahon. Iniulat ng “2018 Year in Review” ng World Food Programme: “Sa buong mundo, 821 milyong tao ang kulang sa pagkain—124 na milyon sa kanila ang talagang nagugutom.” Malnutrisyon ang dahilan ng pagkamatay ng mga 3.1 milyong bata taon-taon. Noong taóng 2011, mga 45 porsiyento ng namamatay na bata sa buong mundo ay dahil sa malnutrisyon.
4. SAKIT AT EPIDEMYA
Isang publikasyon ng World Health Organization ang nagsabi: “Sa kasaysayan, ang ika-21 siglo ay nakilala sa malulubhang epidemya. Bumalik ang mga dati nang sakit—cholera, Black Death, at yellow fever—at may mga bago pang lumitaw—SARS, pandemic influenza, MERS, Ebola, at Zika.” Ang pinakahuli riyan ay ang COVID-19. Kahit marami nang alam ang mga siyentipiko at doktor tungkol sa mga sakit, hindi pa rin sila makahanap ng lunas para sa lahat ng ito.
5. PANGANGARAL SA BUONG MUNDO
May sinabi pang bahagi ng tanda si Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Habang dumaranas ng maraming problema ang mundo, mahigit walong milyong tao mula sa lahat ng bansa ang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa 240 lupain sa mahigit 1,000 wika. Kahit kailan, hindi pa ito nangyari sa kasaysayan ng tao.
ANO ANG KAHULUGAN NG TANDA PARA SA ATIN?
Ang mga pangyayaring bumubuo sa tanda na sinabi ni Jesus ay nangyayari na ngayon. Bakit dapat tayong maging interesado sa katotohanang ito? Dahil sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na ang Kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:31.
Tutulong sa atin ang tanda na ibinigay ni Jesus at ang kronolohiya ng Bibliya para maunawaang itinatag na ng Diyos ang Kaharian sa langit noong 1914. a Nang panahong iyon, iniluklok niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang Hari. (Awit 2:2, 4, 6-9) Malapit nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa lupa, at aalisin nito ang lahat ng kumakalaban sa kaniyang pamamahala at gagawing paraiso ang buong lupa para maging tirahan ng mga tao magpakailanman.
Malapit nang matupad ang sinabi ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin: “Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mateo 6:10) Ano ang ginagawa ng Kaharian mula nang maitatag ito noong 1914? At ano ang aasahan natin kapag ang Kaharian na ang namahala rito sa lupa?
a Para sa mga detalye tungkol sa taóng 1914, tingnan ang aralin 32 sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.