Nabago Ba ang Salita ng Diyos?
Iniisip ng ilang tao kung nabago ba ang nasusulat na Salita ng Diyos. Sinabi ni propeta Isaias na ang salita ng Diyos ay “mananatili magpakailanman.” (Isaias 40:8) Paano tayo makakatiyak na naingatan ang Salita ng Diyos at tumpak pa rin ito?
Kayang ingatan ng Diyos ang kaniyang Salita para hindi ito mabago. Noon, kapag gumagawa ng kopya ng salita ng Diyos, maingat na binibilang ng mga tagakopya ang bawat letra nito para matiyak na walang madaragdag, mababago, o mawawala. Pero dahil hindi perpekto ang mga tao, nakakagawa pa rin ng maliliit na pagkakamali ang ilang tagakopya.
PAANO TAYO MAKAKATIYAK NA ANG BANAL NA KASULATAN NGAYON AY ANG ORIHINAL NA MENSAHE NG DIYOS?
May libo-libong kopya ng sinaunang manuskrito ng Banal na Kasulatan. Kapag pinagkumpara ang iba’t ibang kopya, madali na lang makita kung may pagkakamali.—Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Nabago Ba o Sinadyang Baguhin ang Bibliya?” sa jw.org/tl.
Halimbawa, ang mga manuskrito na tinatawag na Dead Sea Scrolls ay natuklasan ng mga bedouin sa mga kuweba malapit sa Dagat na Patay noong 1947. May mga bahagi ng Banal na Kasulatan na makikita sa mga manuskritong ito, na mahigit 2,000 taon na. Ikinumpara ng mga eksperto ang mga sinaunang manuskritong ito sa Banal na Kasulatan na ginagamit natin ngayon. Ano ang napatunayan nila?
Napatunayan ng mga iskolar na ang Salita ng Diyos na ginagamit natin ngayon ay pareho sa orihinal na mga manuskrito. * Ipinapakita ng maingat na pagsusuring ito na ang nababasa nating Banal na Kasulatan ay ang orihinal na mensahe ng Diyos. Kaya makakatiyak tayo na iningatan ng Diyos ang kaniyang Salita para maging tumpak pa rin ito hanggang ngayon.
Talagang makakapagtiwala tayo sa binabasa nating Salita ng Diyos. Ngayon, alamin naman natin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga propeta niya.
^ par. 7 The Complete Dead Sea Scrolls in English, ni Geza Vermes, pahina 16.