Alam Mo Ba?
Paano nakakasakay ng barko ang mga biyahero noon?
KARANIWAN nang walang mga barkong pampasahero noong panahon ni Pablo. Para makasakay ng barko, kadalasan nang nagtatanong-tanong ang mga biyahero kung may barkong pangkargamento na dadaan sa pupuntahan niya at kung nagsasakay ito ng mga pasahero. (Gawa 21:2, 3) Kahit hindi ito dadaan sa eksaktong lugar na pupuntahan niya, kapag tumigil ito sa isang daungan, puwede siyang lumipat sa barkong dadaong malapit sa destinasyon niya.—Gawa 27:1-6.
Pana-panahon ang paglalayag ng barko noon, at hindi laging nakakasunod sa iskedyul ang mga ito. Ipinagpapaliban muna ng mga mandaragat ang paglalakbay kapag masama ang panahon, o kung minsan, kapag nakakita sila ng masamang senyales, gaya ng nag-iingay na uwak sa barko nila o ng wasak na barko sa dalampasigan. Naglalayag naman sila agad kapag paayon sa destinasyon nila ang direksiyon ng hangin. Kapag nakahanap na ng masasakyang barko ang biyahero, pumupunta siya sa may daungan dala ang bagahe niya at naghihintay ng anunsiyo ng pag-alis ng barko.
“Sa Roma, madaling makahanap ng masasakyang barko,” ang sabi ng istoryador na si Lionel Casson. “Ang daungan nito ay nasa may bukana ng Ilog Tiber. Sa katabi nitong bayan ng Ostia, may malaking liwasan na napapalibutan ng mga opisina. Marami sa mga ito ay pag-aari ng mga marinero ng iba’t ibang daungan: may opisina ang mga marinero ng Narbonne [France ngayon], mayroon din ang mga marinero ng Carthage [Tunisia ngayon], . . . at iba pa. Ang sinumang naghahanap ng barko ay kailangan lang pumunta sa alinman sa mga opisinang iyon depende sa mga lunsod na nasa ruta niya.”
Nakakatipid ng panahon ang mga naglalakbay noon kapag nagbabarko sila, pero may mga panganib din. Ilang beses na nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo noong naglalakbay siya bilang misyonero.—2 Cor. 11:25.