Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?

NANANANGHALIAN ka kasama ng iyong dalawang kaeskuwelang babae sa kantin. Pinagmamasdan ng isa sa kanila ang bagong estudyanteng lalaki.

“Alam mo, talagang may gusto siya sa iyo,” ang sabi ng isa mong kaeskuwela. “Halata sa mga tingin niya sa iyo. Napakalagkit!”

“At ito pa,” ang bulong sa iyo ng isa pa. “Wala pa siyang girlfriend!”

“Sayang, may boyfriend na ako,” ang sabi ulit ng isa. “Kung wala, hindi ko siya tatanggihan!”

Saka sinabi niya sa iyo ang ayaw na ayaw mong marinig.

“Bakit ba wala ka pang boyfriend?”

Inaasahan mong itatanong niya iyon. Ang totoo, gusto mong magkaroon ng boyfriend. Pero sinabihan kang mas mabuting maghintay muna hanggang handa ka nang mag-asawa bago ka makipag-date. Kung hindi nga lamang dahil sa . . .

“Dahil sa relihiyon mo, ’di ba?” ang sabi naman ng isa pa.

‘Alam kaya niya ang iniisip ko?’ ang sabi mo sa iyong sarili.

“Kasi naman, puro ka na lang Bibliya, Bibliya, Bibliya,” ang kantiyaw ng isa. “Bakit hindi ka naman magsaya paminsan-minsan?”

Nangyari na ba iyan sa iyo​—tinuya ka dahil sinisikap mong mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? Ano ang ginawa mo?

Matatag mong ipinagtanggol ang iyong moral na paninindigan.

◼ Kahit naaasiwa ka, sinikap mong ipaliwanag ang iyong paniniwala.

◼ Naisip mong tama ang iyong mga kaibigan​—pinalalampas mo nga ang pagkakataong magsaya!

Napag-isip-isip mo na ba, ‘Talaga kayang makabubuting mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya?’ Iyan ang naisip ng kabataang si Deborah. * “Nagagawa ng mga kaibigan ko ang gusto nila,” ang sabi niya. “Parang hindi nila kailangang managot kahit kanino. Mahigpit ang mga pamantayan ng Bibliya. Gusto ko sana ang buhay ng mga kaibigan ko sa iskul​—walang bawal.”

Mali ba ang Mag-isip Nang Ganiyan?

May pagkakataong nag-alinlangan si Asap, isang manunulat ng Bibliya, kung dapat ngang mamuhay ayon sa paraang nakalulugod sa Diyos. “Nainggit ako sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot,” ang isinulat niya. Sinabi pa nga niya: “Tunay na walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala.”​—Awit 73:3, 13.

Maliwanag na nauunawaan ng Diyos na Jehova na maaaring mag-alinlangan kung minsan ang mga tao sa kahalagahan ng pamumuhay ayon sa Kaniyang mga pamantayan. Sa katunayan, ipinasulat niya sa Bibliya ang kaisipan ni Asap. Nang bandang huli, natanto ni Asap na wala nang hihigit pa sa pamumuhay ayon sa mga kautusan ng Diyos. (Awit 73:28) Bakit niya nasabi iyon? Marunong kasi si Asap. Naisip niya iyon, hindi dahil dumanas siya mismo ng kapahamakan, kundi dahil natuto siya mula sa pagkakamali ng iba. (Awit 73:16-19) Magagawa mo rin ba ito?

Malinaw na Katotohanan

Di-gaya ni Asap, natutuhan ni Haring David mula sa kaniyang mapait na karanasan na napapahamak ang sinumang lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos. Nangalunya si David sa asawa ng isa sa kaniyang mga lingkod, at tinangka niyang pagtakpan ang kaniyang ginawa. Dahil doon, nasaktan niya ang iba, pati na ang Diyos, at labis siyang naligalig. (2 Samuel 11:1–12:23) Pagkatapos magsisi si David, inudyukan siya ni Jehova na isulat sa isang awit ang kaniyang damdamin, at tiniyak Niyang mailagay ang mga pananalitang iyon sa Bibliya para makinabang tayo. (Awit 51:1-19; Roma 15:4) Kaya matalino at maka-Kasulatan na matuto mula sa mga pagkakamali ng iba.

Upang matulungan kang tularan ang halimbawa ni Asap at maiwasan ang mga pagkakamali ni David, pansinin ang sinabi ng ilang kabataan mula sa iba’t ibang bansa na minsa’y lumabag sa mga pamantayan ng Bibliya. Nakipagtalik sila bago ikasal. Gaya ni David, pinagsisihan na nila ang kanilang mga pagkakamali, at muli silang nagkaroon ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos. (Isaias 1:18; 55:7) Pansinin ang sinabi nila.

Gumising!: Ano ang nakaimpluwensiya sa iyong pag-iisip at pagkilos?

Deborah: “Nakikita ko sa paaralan na may boyfriend at girlfriend ang lahat, at mukha naman silang masasaya. Kapag kasama ko sila, nakikita ko silang naghahalikan at nagyayakapan, naiinggit ako at nalulungkot. Madalas akong nangangarap tungkol sa isang lalaking gusto ko. Lalong tumindi ang pagnanais kong makasama siya at gawin ang lahat para makapiling siya.”

Mike: “Nagbabasa ako ng mga magasin at nanonood ng mga programang nagtatampok sa sekso. Dahil pinag-uusapan namin ng mga kaibigan ko ang tungkol sa sekso, lalo akong naging mausisa. At kapag kasama ko ang isang babae, iniisip ko na maaari kaming maghalikan at magyakapan nang hindi nagtatalik, at kaya kong huminto anumang oras.”

Andrew: “Nakahiligan kong manood ng pornograpiya sa Internet. Naglalasing din ako. At pumupunta ako sa mga parti kasama ng mga kabataang walang paggalang sa moral na mga pamantayan ng Bibliya.”

Tracy: “Nang ako ay 16, wala nang mahalaga sa akin kundi ang makasama ang boyfriend ko. Alam kong masama ang pagtatalik nang hindi pa kasal, pero hindi ko iyon kinapootan. Wala naman akong balak na makipagtalik bago magpakasal pero nadaig ng damdamin ko ang aking pag-iisip. May panahong naging manhid ako at hindi na nakokonsiyensiya.”

Gumising!: Naging masaya ka ba sa gayong buhay?

Deborah: “Noong una, para akong nakawala sa hawla at masaya ako dahil, sa wakas, hindi na ako naiiba sa aking mga kaibigan. Pero hindi iyon nagtagal. Pakiramdam ko, marumi ako, pinagsamantalahan, at walang halaga. Sising-sisi ako dahil naiwala ko ang aking pagkadalaga, isang bagay na hinding-hindi ko na maibabalik pa. Mula noon, lagi kong itinatanong sa aking sarili, ‘Bakit ba inisip kong hindi ito mangyayari sa akin?’ At ‘Bakit​bakit ko ba nagawang labagin ang maibiging mga pamantayan ni Jehova?’”

Mike: “Unti-unti akong nakadama ng panlulumo. Sinikap kong bale-walain ang epekto sa iba ng mga ginawa ko, pero hindi ko kaya. Napakasakit isipin na sa pagpapalugod ko sa sarili, nasaktan ko ang iba. Di ako makatulog. Nang bandang huli, di na ako nasisiyahan sa pakikipagtalik, at puro kirot at kahihiyan ang nadama ko.”

Andrew: “Naging napakadali nang magpadala sa maling pagnanasa. Pero kasabay nito, nakokonsiyensiya ako at inis na inis sa aking sarili.”

Tracy: “Hindi nagtagal, tumambad sa akin ang masaklap na katotohanan. Sinira ng imoralidad ang aking kabataan. Akala ko, magiging masaya kami ng boyfriend ko. Hindi pala. Sinaktan lang namin ang isa’t isa, at nagkasamaan lang kami ng loob. Gabi-gabi akong umiiyak sa aking higaan, nag-iisip na sana’y sinunod ko si Jehova.”

Gumising!: Ano ang maipapayo mo sa mga kabataang nag-iisip na mahigpit ang moral na mga pamantayan ng Bibliya?

Deborah: “Hindi magiging maligaya ang iyong buhay kung lalabagin mo ang mga pamantayan ng Bibliya. Isipin mo kung ano ang madarama ni Jehova kapag sinunod mo ang kaniyang payo. Pag-isipang mabuti ang ibubunga ng pagsuway sa kaniyang payo. Tandaan, hindi lamang sarili mo at ang iyong gusto ang nasasangkot. Makaaapekto sa iba ang iyong ginagawa. At kung susuwayin mo ang payo ng Diyos, sisirain mo ang iyong buhay.”

Mike: “Totoo, parang ang saya-saya ng buhay ng iyong mga kaibigan. Pero bago ka mainggit, alamin mo muna kung talaga nga bang masaya sila. Kasama sa pinakamahalagang pag-aari na ibinigay sa iyo ni Jehova ang iyong dangal at moral na kalinisan. Kung sasayangin mo ang mga regalong iyan dahil hindi ka makapagpigil, pinabababa mo lang ang iyong sarili. Ipakipag-usap mo ang iyong mga problema sa mga magulang mo at sa ibang taong may-gulang. Kung magkamali ka, ipagtapat ito kaagad at ituwid ang situwasyon. Magkakaroon ka ng tunay na kapayapaan kung susundin mo si Jehova.”

Andrew: “Kung wala ka pang karanasan, akala mo masaya ang buhay ng iyong mga kaibigan. Maiimpluwensiyahan ka ng ugali nila. Kaya maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan. Magtiwala kay Jehova, at hinding-hindi ka magsisisi.”

Tracy: Huwag mong isiping, ‘Hindi ito mangyayari sa akin.’ Masinsinan akong kinausap ni Inay at prangkahan niyang sinabi sa akin na masasaktan lamang ako sa ginagawa ko. Ang samâ-samâ ng loob ko! Akala ko, alam ko ang ginagawa ko. Hindi pala. Mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova at makisama sa mga taong gayundin ang ginagawa. Doon ka magiging mas maligaya.”

Pamantayan ng Bibliya​—Mahigpit o Maibigin?

Kung tinutuya ka ng iyong mga kaibigan dahil namumuhay ka ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit ayaw nilang mamuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya? Nabasa na ba nila mismo ang Bibliya at nasuri ang pakinabang ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Napag-isipan na ba nilang mabuti ang kahihinatnan ng kanilang paglabag sa mga pamantayang iyon? O, sa halip, ginagaya ba lamang nila ang ginagawa ng lahat?’

Malamang na may kilala kang basta na lamang ‘sumusunod sa karamihan.’ (Exodo 23:2) Hindi mo ba gugustuhing magpasiya para sa iyong sarili? Paano mo iyon magagawa? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya na ‘patunayan mo sa iyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at gusto niyang maging maligaya ka rin. (1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 11:9) Para sa iyong kabutihan ang mga pamantayang nakasulat sa Bibliya. Totoo, maaari mong isiping mahigpit iyon anupat nalilimitahan ang iyong kalayaan. Pero sa katunayan, ang mga pamantayan ng Bibliya ay isang maibiging paglalaan para maingatan ka mula sa kapahamakan.

Talagang mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya. Kung pipiliin mong mamuhay ayon sa mga pamantayan nito, mapasasaya mo si Jehova at makikinabang ka rin.​—Isaias 48:17.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 17 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

PAG-ISIPAN

◼ Bakit maaaring maging mahirap para sa iyo na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya?

◼ Bakit dapat mong patunayan sa iyong sarili na wala nang hihigit pa sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos?