Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 2

Ulat ng Bibliya Tungkol sa Asirya

Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 2

Ito ay ikalawa sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.

MARINIG pa lang ng mga tao noon sa Gitnang Silangan ang salitang Asirya, kinikilabutan na sila. Ayon sa aklat ng Bibliya na Jonas, nang atasan ng Diyos ang propetang ito na ipangaral ang mensahe ng paghatol sa kabisera ng Asirya, ang Nineve, nagpunta siya sa kabilang direksiyon! (Jonas 1:1-3) Marahil ito ay dahil kilala sa pagiging malupit ang mga Asiryano.

Tumpak na Ulat ng Kasaysayan

Tinawag ng propeta sa Bibliya na si Nahum ang Nineve na “tirahan ng mga leon” at “lunsod ng pagbububo ng dugo.” Idinagdag pa niya: “Ang panghuhuli ay hindi tumitigil! Naroon ang haginit ng panghagupit at ang ugong ng pagkalampag ng gulong, at ang kumakaripas na kabayo at ang lumuluksong karo. Ang nakasakay na mangangabayo, at ang liyab ng tabak, at ang kidlat ng sibat, at ang karamihan ng mga napatay, at ang malaking bunton ng mga bangkay; at walang katapusan ang mga bangkay. Palagi silang natitisod sa kanilang mga bangkay.” (Nahum 2:11; 3:1-3) Makikita rin ba sa sekular na ulat ng kasaysayan ang paglalarawan ng Bibliya sa sinaunang Asirya?

Sinabi ng aklat na Light From the Ancient Past na ang Asirya ay “kinatatakutan dahil sa kalupitan at tusong pakikipaglaban sa kaniyang mga kaaway.” Ganito ang pagyayabang ng isang hari ng Asirya na si Ashurnasirpal II tungkol sa pagtrato niya sa mga kumakalaban sa kaniya:

“Nagtayo ako ng isang haligi sa harap ng pintuang-daan ng kaniyang lunsod, at binalatan ko ang lahat ng pinunong lalaki na naghimagsik, at ibinalot ko sa haligi ang kanilang mga balat; ang ilan ay ikinulong ko sa loob ng haligi, ang ilan ay ibinayubay ko sa haligi sa mga tulos, . . . at pinutol ko ang mga biyas ng mga opisyal, ng mga maharlikang opisyal na naghimagsik. . . . Maraming bihag mula sa kanila ang sinunog ko sa apoy, at marami ang kinuha ko bilang mga buhay na bihag.” Nang maghukay ang mga arkeologo sa mga palasyo ng Asirya, nakita nila ang mga pader na may mga larawan ng kakila-kilabot na pagtrato ng Asirya sa mga bihag nito.

Noong 740 B.C.E., sinakop ng Asirya ang Samaria, ang kabisera ng hilagang kaharian ng Israel, at dinalang tapon ang mga mamamayan nito. Pagkalipas ng walong taon, sinalakay naman ng Asirya ang Juda. * (2 Hari 18:13) Hiningan ng hari ng Asirya na si Senakerib ang hari ng Juda na si Hezekias ng tributo na 30 talentong ginto at 300 talentong pilak. Iniulat ng Bibliya na ibinigay ng Juda ang tributong ito. Pero ipinagpilitan pa rin ni Senakerib na sumuko sa kaniya nang walang kondisyon ang kabisera ng Juda, ang Jerusalem.​—2 Hari 18:9-17, 28-31.

Ang mga arkeologo ay nakahukay sa Nineve ng katulad na ulat sa rekord ng kasaysayan ni Senakerib. Nakasulat ito sa isang eksagonal na luwad na prisma at mababasa roon na ipinagmamalaki ng hari ng Asirya: “Tungkol kay Hezekias, ang Judio, hindi siya nagpasakop sa aking pamatok, kinubkob ko ang 46 sa kaniyang matitibay na lunsod, napapaderang mga moog at ang di-mabilang na maliliit na nayon sa paligid ng mga ito, at nilupig (ang mga ito) . . . Siya [si Hezekias] ay ginawa kong isang bilanggo sa Jerusalem, na kaniyang maharlikang tirahan, tulad ng isang ibon sa hawla.” Sinabi ni Senakerib na nagpadala sa kaniya si Hezekias ng “30 talento na ginto, 800 talento na pilak, mahahalagang bato, . . . (at) lahat ng uri ng mahahalagang kayamanan,” anupat pinalabis ang aktuwal na bilang ng talentong pilak na natanggap niya.

Pero pansinin na hindi sinabi ni Senakerib na nasakop niya ang Jerusalem. Sa katunayan, wala siyang sinabi tungkol sa masaklap na pagkatalo ng kaniyang hukbo nang mamagitan ang Diyos. Ayon sa Bibliya, pinatay ng anghel ng Diyos ang 185,000 sundalong Asiryano sa isang gabi lang. (2 Hari 19:35, 36) Sinabi ng iskolar na si Jack Finegan: “Dahil sa karaniwang saloobin ng paghahambog na nangingibabaw sa mga inskripsiyon ng mga Asiryanong hari, . . . halos hindi maaasahan na iuulat ni Senakerib ang gayong pagkatalo.”

Maaasahang mga Hula

Mga isang daang taon bago bumagsak ang Imperyo ng Asirya, inihula ni Isaias na pagbabayarin ng Diyos na Jehova ang palalong mga manlulupig na iyon dahil sa kanilang kalupitan sa kaniyang bayan. “Ako ay makikipagsulit dahil sa bunga ng kawalang-pakundangan ng puso ng hari ng Asirya at dahil sa kapalaluan ng pagmamataas ng kaniyang mga mata,” ang sinabi ni Jehova. (Isaias 10:12) Gayundin, inihula ng propeta ng Diyos na si Nahum na ang Nineve ay darambungin, mabubuksan ang pintuang-daan nito sa mga kaaway, at ang mga bantay nito ay tatakas. (Nahum 2:8, 9; 3:7, 13, 17, 19) Isinulat ng propeta ng Bibliya na si Zefanias na ang lunsod ay magiging “tiwangwang na kaguhuan.”​—Zefanias 2:13-15.

Natupad ang mga hulang iyon ng pagkawasak noong 632 B.C.E. Bumagsak noon ang Nineve sa kamay ng pinagsanib na puwersa ng Babilonya at Medo, anupat humantong ang Imperyo ng Asirya sa kahiya-hiyang wakas. Ayon sa ulat ng Babilonya tungkol sa pangyayaring ito, “tinangay [ng mga manlulupig] ang napakaraming samsam ng lunsod at ng templo” at ang Nineve ay ginawang “isang bunton ng kaguhuan.” Sa ngayon, ang dating Nineve ay isa na lang bunton ng mga guho sa silangang pampang ng Ilog Tigris sa tapat ng lunsod ng Mosul sa Iraq.

Ang pagkawasak ng Asirya ay katuparan din ng isa pang hula sa Bibliya. Bago nito, noong 740 B.C.E. ang sampung-tribong kaharian ay dinalang tapon ng Asirya. Nang mga panahong ito, inihula ng propeta ng Diyos na si Isaias na ‘lalansagin ni Jehova ang Asiryano,’ ‘yuyurakan ito,’ at ibabalik ang Israel sa kanilang lupain. Isinulat ni Isaias: “Ang nalabi ng kaniyang bayan na malalabi mula sa Asirya . . . , ay pipisanin [ng Diyos].” At iyon mismo ang nangyari​—pagkalipas ng mga dalawang daang taon!​—Isaias 11:11, 12; 14:25.

Pangakong Tiyak na Matutupad

Matagal pa bago ang pagbagsak ng Nineve, habang ang kaniyang mga hari ay naninindak pa ng kaniyang mga kaaway, inihula ni Isaias ang pagdating ng isang naiibang tagapamahala. Isinulat niya: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”​—Isaias 9:6, 7.

Mamamahala sa buong lupa ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo. Sinasabi sa Awit 72:7, 8: “Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan. At magkakaroon siya ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog [Eufrates] hanggang sa mga dulo ng lupa.”

Sa pamamagitan ng makapangyarihang “Prinsipe ng Kapayapaan,” tutuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako sa Awit 46:8, 9: “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”

At bilang patiunang katuparan ng hulang ito ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya na nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang mapayapa, gaya ng ginawa ni Jesus. Oo, hindi tao, kundi ang Diyos ang tutupad sa hula ng Bibliya na nakaulat sa Isaias 2:4: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Sa kabaligtaran, ang mga bansa sa ngayon at ang mga tagapamahala nito ay gumagastos ng trilyong dolyar sa isang taon para sa militar!

Pagdating sa ulat ng kasaysayan at hula, tumpak ang sinasabi ng Bibliya. Dahil dito, walang katulad ang Bibliya. Ipinakikita nito sa mga taimtim na naghahanap ng katotohanan na isa nga itong aklat na karapat-dapat nating pagtiwalaan. Sa susunod na artikulo ng seryeng ito, tatalakayin natin ang tungkol sa sinaunang Babilonya, ang kabisera ng ikatlong dakilang imperyo sa ulat ng Bibliya.

[Talababa]

^ par. 9 Pagkatapos ng pamamahala ni Haring Solomon, nahati ang 12 tribo ng bansang Israel. Ang Juda at Benjamin ang bumubuo sa kaharian sa timog; ang sampung tribo naman, sa hilagang kaharian. Ang Jerusalem ang kabisera ng kaharian sa timog, at ang Samaria naman ang kabisera sa hilaga.

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

IMPERYO NG ASIRYA

MEDO

ASIRYA

Khorsabad

Nineve

Cala

Asur

Babilonya

Tigris

Eufrates

Dagat Mediteraneo (Malaking Dagat)

Samaria

Jerusalem

EHIPTO

[Larawan sa pahina 26]

Isang malaking toro na may ulo ng tao at mga pakpak ang nagbabantay sa mga palasyo ng mga haring Asiryano

[Larawan sa pahina 27]

Mababasa sa prismang ito ang pagyayabang ni Senakerib tungkol sa pagsalakay niya sa Juda

[Larawan sa pahina 26, 27]

Makikita sa batong relyebe na ito ang mga bihag na binabalatan nang buhay

[Picture Credit Lines sa pahina 27]

Page 26, top, time line: Egyptian wall relief and bust of Nero: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Persian wall relief: Musée du Louvre, Paris; bottom, winged bull and page 27, both images: Photograph taken by courtesy of the British Museum