Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Kalusugan

Kalusugan

Mahalaga ba sa Diyos kung paano natin pinangangalagaan ang ating katawan?

“Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne.”Kawikaan 23:20.

BAKIT DAPAT ITONG ISAALANG-ALANG?

Ang Bibliya ay hindi aklat tungkol sa medisina ni nagbibigay man ito ng tuntunin para sa bawat pagkilos ng tao. Pero puwede kang makinabang kung mauunawaan mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangmalas ng Diyos sa kalusugan.

ANG SABI NG BIBLIYA

Makikita sa maraming talata sa Bibliya ang nadarama ng Diyos sa paraan ng pangangalaga natin sa ating katawan. Halimbawa, hinahatulan ng Bibliya ang mga pagpapakalabis na nakasásamâ sa kalusugan, kasali na ang paglalasing at katakawan. (Kawikaan 23:20) Kasama sa Kautusan ng Diyos na ibinigay sa sinaunang Israel ang mga hakbang para makontrol o maiwasan pa nga ang mga sakit. May mga espesipikong utos din ito kung paano mag-iingat ang isa para hindi siya madisgrasya. (Deuteronomio 22:8) Maliwanag, hinihimok tayo ng Bibliya na alagaan ang ating katawan at gumawa ng makatuwirang mga hakbang para ingatan ang ating kalusugan.

 Ayon sa Bibliya, bakit tayo nagkakasakit?

“Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.”Roma 5:12.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang naniniwala na ang pagkakasakit ay resulta lang ng ebolusyon ng tao. Para naman sa ilan, nagkakasakit tayo dahil sa mahiwagang mga puwersa, gaya ng masasamang espiritu.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ayon sa Bibliya, nagkakasakit tayo dahil sa paghihimagsik ng unang tao sa Diyos. (Roma 5:12) Bago maghimagsik ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, taglay nila ang sakdal na kalusugan. Alam nila na mamamatay sila kung tatalikuran nila ang maibiging pangangalaga ng Diyos. (Genesis 2:16, 17) Pero pinili pa rin nilang humiwalay sa Diyos kaya naiwala nila ang kasakdalan. *

Ang di-kasakdalan ng mapaghimagsik nating mga magulang ay ipinamana nila sa atin. Kaya sa kabila ng pagsisikap ng tao na pawiin ang sakit, nagkakasakit pa rin tayo.

ANO ANG PUWEDE MONG GAWIN?

Itinuturo ng Bibliya na kung susundin mo ang mahuhusay na pamantayan ng Diyos, magkakaroon ka ng mabuting kaugnayan sa kaniya. Dahil diyan, matatamasa mo ang sakdal na kalusugan sa isang paraisong lupa. (Isaias 33:24) Nangangako ang Diyos na aalisin niya ang kirot, sakit, at kamatayan.Apocalipsis 21:3, 4.

Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang medikal na pagpapagamot?

“Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.”Mateo 9:12.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Mas pinipili ng ilan ang espirituwal na pagpapagaling (tinatawag ding faith healing) kaysa sa pagpapagamot sa doktor.

ANG SABI NG BIBLIYA

Noong panahon ng Bibliya, pinahintulutan ng Diyos ang kaniyang bayan na magkaroon ng mga tagapangalaga sa kalusugan. (Genesis 38:28; Colosas 4:14) Walang binabanggit sa Bibliya na hindi sang-ayon ang Diyos sa paggamit nila ng mga halamang gamot, pamahid, inirekomendang pagkain, at iba pang paraan ng paggamot. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na “ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.”Mateo 9:12.

Pero hindi sang-ayon ang Bibliya sa lahat ng klase ng panggagamot. Halimbawa, hindi inirerekomenda ng Bibliya ang ginagawang mga faith healing sa ngayon. At ang pagpapagaling na may bahid ng espiritismo ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Bukod sa mga paggamot na hinahatulan ng Bibliya, isang katalinuhan na kapag nagkasakit, magpatingin agad sa doktor hangga’t posible.

^ par. 10 Sa artikulong ito, ang mga salitang “sakdal” at “kasakdalan” ay tumutukoy sa mabuting kalusugan ng unang mga tao nang lalangin sila ng Diyos—walang sakit at kamatayan.