TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kapag Masyado Ka Nang Malapít sa Iba
ANG HAMON
Mayroon kang kaibigang di-kasekso na talagang nakauunawa sa iyo. Kahit ano, puwede ninyong pag-usapan. ‘Magkaibigan lang kami,’ ang sabi mo sa sarili mo. Pero iyan din kaya ang iisipin ng asawa mo kung malaman niyang matagal kayong mag-usap?
Malamang, masyado nang malapít ang pagkakaibigan ninyo at kailangan mo nang kumilos. Pero tingnan muna natin kung bakit ka nasangkot sa gayong relasyon.
ANG DAHILAN
May kulang. Di-maikakailang masarap tumanggap ng atensiyon mula sa di-kasekso. Nakakataba ng pusong malaman na pinahahalagahan tayo, at dahil dito, nadarama nating kaakit-akit tayo. Kung matagal-tagal ka nang may asawa, baka gusto mong matiyak kung kaakit-akit ka pa rin. Pero tandaan: May masamang resulta kung ibang tao ang sasapat sa pangangailangang iyan. Kapag nahulog ang loob mo sa iba, hihina ang kaugnayan mo sa iyong asawa. Para mo siyang ninanakawan ng pagmamahal na dapat ay sa kaniya.
• Tanungin ang sarili, ‘Anong mga pangangailangan ang sinasapatan ng kaibigan ko na dapat ay masapatan ng asawa ko?’
Nahahantad sa tukso. Sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay magkakaroon ng “kapighatian.” (1 Corinto 7:28) Halimbawa, baka kung minsan ay nadarama mong napapabayaan ka o di-pinahahalagahan ng asawa mo, o baka naghihinanakit ka dahil sa isang problemang hindi pa naaayos. Baka ayaw niyang pag-usapan ninyo iyon kung kaya naiinis ka at natutuksong maghanap ng atensiyon mula sa iba. Ayon sa ilang eksperto, ang isang mahalagang palatandaan ng di-maligayang pagsasama—at ng diborsiyo pa nga—ay ang pag-iwas na pag-usapan ang mga problema.
• Tanungin ang sarili, ‘May kulang ba sa pagsasama namin kung kaya natutukso akong makipagkaibigan sa hindi ko asawa?’
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Alamin ang panganib. Sinasabi ng Bibliya: “Maaari bang kandungin ng isang tao ang apoy na hindi nasusunog ang kanyang damit?” (Kawikaan 6:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ang totoo, mapapahamak ka kung magkakaroon ka ng romantikong kaugnayan sa hindi mo asawa. (Santiago 1:14, 15) Ang pinag-uusapan dito ay hindi lang kung ano ang maaaring mangyari kundi kung ano na ang nangyari. Sa pagbibigay mo ng romantikong atensiyon sa iba, ninanakawan mo ang asawa mo ng atensiyong dapat ay sa kaniya.
Huwag nang mag-ilusyon. Baka nagpapantasya ka sa magiging buhay mo kung ang kaibigan mong ito ang napangasawa mo. Pero hindi patas iyan dahil ikinukumpara mo ang magagandang katangian ng kaibigan mo sa mga kahinaan ng asawa mo! Tandaan, ang kaligayahang nadarama mo kapag iniisip mo ang iyong kaibigan ay malamang na nadama mo rin noon sa iyong asawa.—Simulain sa Bibliya: Jeremias 17:9.
Magtakda ng hangganan. Ang mga tao ay naglalagay ng alarm sa kanilang sasakyan o bahay para hindi sila manakawan. Puwede mo ring gawin iyan sa inyong pagsasama. Ang sabi ng Bibliya: “Ingatan [o, bantayan] mo ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23) Paano? Subukan ang mga ito:
Ipakita mong may asawa ka na—marahil sa pamamagitan ng pagdidispley ng mga litrato ng asawa mo sa lugar ng iyong trabaho.—Simulain sa Bibliya: Genesis 2:24.
Magpasiya kung ano ang dapat at hindi dapat igawi pagdating sa mga di-kasekso. Halimbawa, hindi tamang ipakipag-usap sa kaibigang iyon ang problema ninyong mag-asawa o kumain sa labas na kayong dalawa lang.
Kapag masyado ka nang malapít sa isang di-kasekso, panahon na para putulin ang ugnayan ninyo. Kung nahihirapan ka, tanungin ang iyong sarili kung bakit. Sa halip na ipagtanggol ang kaugnayan mo sa taong ito, manindigan para sa iyong asawa at kumilos para protektahan ang inyong pagsasama.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 5:18, 19.