Pagharap sa mga Hamon ng Menopause
“Bigla na lang akong nalulungkot nang walang dahilan. Napapaiyak ako at nag-iisip kung nababaliw na ba ako.”
—Rondro, * 50 anyos.
“Paggising mo sa umaga, ang gulu-gulo ng bahay n’yo. Hindi mo makita ang mga gamit mo. Ang mga bagay na napakadali mong gawin noon ay parang napakahirap na ngayon, at hindi mo alam kung bakit.”
—Hanta, 55 anyos.
WALANG sakit ang mga babaing iyan. Sa halip, dumaranas sila ng menopause transition, isang natural na pagbabago sa buhay ng mga babae na nagpapakitang hindi na sila magkakaanak. Kung isa kang babae, malapit ka na rin bang magkaganiyan? Pinagdaraanan mo na ba iyan ngayon? Anuman ang kalagayan mo, mas mahaharap mo ang mga hamon kung alam mo at ng iyong mga mahal sa buhay ang tungkol sa pagbabagong ito.
Ang Menopause Transition
Kalakip sa menopause transition, na tinatawag ding perimenopause, ang panahon ng pagme-menopause at ang mismong menopause. * Pero karaniwan nang ginagamit ang “menopause” para tumukoy sa kabuuan ng transisyong ito.
Karamihan sa mga babae ay nagsisimulang dumanas ng perimenopause paglampas ng 40 anyos, pero ang iba ay lumalampas pa nang mahigit 60 anyos. Kadalasan, hindi naman biglang humihinto ang pagreregla. Dahil sa pabagu-bagong produksiyon ng mga hormone, ang regla ng isang babae ay maaaring pumalya, dumating nang wala sa panahon, o kaya’y masyadong malakas. May pailan-ilan naman na biglang hinihintuan ng regla.
“Iba’t iba ang nararanasan ng bawat babae,” ang sabi ng Menopause Guidebook. Sinasabi rin nito: “Ang pinakakaraniwang nararanasan ng mga nagme-menopause ay ang hot flash (tinatawag kung minsan na hot flush),” na “maaaring sundan ng panginginig dahil sa ginaw.” Nakasisira ng tulog at nakapanghihina ang mga sintomas na iyon. Gaano katagal nararanasan ang mga ito? Ayon sa The Menopause Book, “may mga babaing nagkakaroon ng manaka-nakang hot flashes sa loob ng isa o dalawang taon sa panahon ng menopause transition. Ang iba naman ay dumaranas nito nang maraming taon, at isang napakaliit na porsiyento ang nagsabing hindi na nawala sa kanila ang paminsan-minsang hot flashes.” *
Dahil taas-baba ang level ng mga hormone, posible ring madepres ang isang babae at magpabagu-bago ang kaniyang mood, anupat nagiging iyakin, malilimutin, at hindi makapag-concentrate. Pero “malamang na hindi naman lahat ng iyan ay pagdaanan ng bawat babae,” ang sabi ng The Menopause Book. Sa katunayan, ilan lamang sa mga problemang iyan, kung mayroon man, ang nararanasan ng ilang babae.
Kung Paano Ito Haharapin
Maaaring makatulong ang pagbabago ng istilo ng pamumuhay. Halimbawa, baka mabawasan ang hot flashes kung ititigil ang paninigarilyo. Makatutulong din kung lilimitahan o tuluyang iiwasan ang alak, caffeine, at maaanghang o matatamis na pagkain, na nakaka-trigger ng hot flashes. Siyempre pa, mahalaga pa ring kumain ng balanseng pagkain.
Malaking tulong din ang pag-eehersisyo. Halimbawa, mababawasan nito ang insomniya at pagiging moody. Mapalalakas din nito ang mga buto at mapagaganda ang kalusugan ng isa. *
Ipakipag-usap Ito
“Hindi mo kailangang sarilinin ito,” ang sabi ni Rondro, na nabanggit sa simula. “Kung ipakikipag-usap mo ito sa iyong mga mahal sa buhay, hindi sila gaanong mag-aalala kapag napansin nila ang nangyayari sa iyo.” Sa katunayan, baka maging mas mapagpasensiya pa sila at maunawain. “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait,” ang sabi ng 1 Corinto 13:4.
Nakatutulong din sa maraming babae ang pananalangin, lalo na sa mga namimighati dahil hindi na sila magkakaanak. “Inaaliw tayo [ng Diyos] sa lahat ng ating mga problema,” ang tinitiyak ng Bibliya. (2 Corinto 1:4, The New English Bible) Nakaaaliw ring malaman na pansamantala lang ang menopause transition. Pagkatapos nito, ang mga babaing patuloy na nangangalaga sa kanilang kalusugan ay maaaring magkaroon ng panibagong lakas at maging masaya.
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.
^ par. 6 Itinuturing ng mga doktor na ang isang babae ay menopause na kapag 12 buwan na siyang hindi dinaratnan ng regla.
^ par. 8 Maaari ding maging sanhi ng hot flashes ang ilang karamdaman, gaya ng diperensiya sa thyroid at mga impeksiyon, gayundin ang ilang gamot. Makabubuting tiyakin munang hindi iyon ang sanhi ng hot flashes bago isiping menopause ang dahilan.
^ par. 12 Para matulungan ang mga pasyenteng dumaranas ng menopause transition, ang mga doktor ay maaaring magreseta ng iba’t ibang produkto, gaya ng mga hormone, dietary supplement, at antidepressant. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang produkto o therapy.