Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kapag Nagtanong ang Anak Mo Tungkol sa Kamatayan

Kapag Nagtanong ang Anak Mo Tungkol sa Kamatayan

ANG HAMON

Tinanong ka ng anak mong anim na taóng gulang, “Mamamatay po ba kayo?” Nagulat ka sa tanong niya, at naisip mo: ‘Maiintindihan kaya ng anak ko ang sagot? Paano ko kaya ipaliliwanag sa kaniya ang tungkol sa kamatayan?’

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Naiisip din ng mga bata ang tungkol sa kamatayan. Naglalaro pa nga ang ilan na kunwari ay may namatay. Kaya hindi mo dapat isipin na masamang pag-usapan ang kamatayan, at dapat mong sagutin ang mga tanong ng anak mo tungkol dito. Kung pag-uusapan ninyo ito paminsan-minsan, matutulungan mo siya na harapin ang pagkawala ng isang minamahal.

Hindi matatakot ang anak mo kung pag-usapan man ninyo ang tungkol sa kamatayan. Sa halip, matutulungan pa nga siyang huwag matakot dito. Pero baka kailangan mong itama ang ilang bagay. Halimbawa, sinasabi ng ilang eksperto na iniisip ng maraming batang wala pang anim na taóng gulang na ang kamatayan ay hindi permanente. Sa kanilang mga laro, ang isang bata ay “mamamatay” at pagkatapos ay “mabubuhay.”

Pero habang lumalaki sila, naiintindihan na ng mga bata na ang kamatayan ay isang seryosong bagay—na nagiging dahilan para magtanong sila, mag-alala, o matakot pa nga, lalo na kapag namatay ang isang mahal sa buhay. Kaya mahalagang ipakipag-usap sa kanila ang paksang iyan. Sinabi ni Marion Haza, isang mental-health expert: “Ang isang bata ay nagkakaroon ng takot sa kamatayan kapag pinagbabawalan siyang banggitin ang tungkol dito sa loob ng bahay.”

Hindi naman kailangang pag-isipang mabuti kung ano ang sasabihin. Ayon sa isang pag-aaral, gusto lang naman ng mga bata na “sabihin sa kanila ang totoo sa maingat na paraan.” Makatitiyak kang magtatanong lang ang isang bata kung handa na siyang marinig ang sagot.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Samantalahin ang mga pagkakataong maipakipag-usap ang tungkol sa kamatayan. Kapag nakakita ang anak mo ng patay na ibon o kapag namatay ang inyong alagang hayop, mag-isip ng mga simpleng tanong para mahimok mo siyang magsalita. Halimbawa, puwede mong itanong: “Nasasaktan pa ba ang isang patay na hayop? Giniginaw pa ba ito o nagugutom? Paano mo nalalaman kung patay na ang isang hayop o tao?”—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 3:1, 7.

Huwag itago ang katotohanan. Kapag namatay ang isang kakilala o kamag-anak, huwag gumamit ng mga nakalilitong pangungusap gaya ng “Wala na siya.” Baka isipin ng bata na may pinuntahan lang ang namatay at babalik din ito. Sa halip, gumamit ng simple at tuwirang pananalita. Halimbawa, puwede mong sabihin: “Nang mamatay ang lola mo, tumigil na sa paggana ang katawan niya. Hindi na natin siya makakausap, pero hinding-hindi natin siya makakalimutan.”—Simulain sa Bibliya: Efeso 4:25.

Baka iniisip ng bata na nakakahawa ang kamatayan, kaya tiyakin mo sa kaniya na ligtas siya

Payapain ang kalooban ng anak mo. Baka isipin niya na kaya namatay ang isa ay dahil sa mga ginawa o inisip niya. Sa halip na basta sabihing hindi siya ang dapat sisihin sa nangyari, puwede mong itanong, “Bakit mo naman naisip na ikaw ang may kasalanan?” Makinig kang mabuti, at huwag bale-walain ang nararamdaman niya. Baka iniisip din ng bata na nakakahawa ang kamatayan, kaya tiyakin mo sa kaniya na ligtas siya.

Alamin ang niloloob ng anak mo. Ikuwento mo sa kaniya ang tungkol sa mga namatay ninyong mahal sa buhay, pati na ang mga kamag-anak na hindi nito nakilala. Puwede ninyong pag-usapan ang masasayang alaala tungkol sa isang tiyahin, tiyuhin, o lolo’t lola at pagkuwentuhan ang mga nakatutuwang pangyayari noon. Kapag pinag-uusapan ninyo ito, maiintindihan ng anak mo na hindi niya kailangang iwasang banggitin o isipin ang tungkol sa kanila. Pero hindi mo rin dapat pilitin ang iyong anak na magsalita. Marami pa namang ibang pagkakataon para pag-usapan ito.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 20:5.

Ang mga kabanata 34 at 35 ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro ay makatutulong sa anak mo na malaman ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Mada-download ito nang libre sa www.pr2711.com/tl. Tingnan sa PUBLIKASYON > AKLAT AT BROSYUR