MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Napakatalas na Pandinig ng Greater Wax Moth
MAS matalas ang pandinig ng greater wax moth pagdating sa matitinis na tunog kumpara sa ibang nilalang sa daigdig. Pero napakasimple lang ng kayarian ng mga tainga nito, na bawat isa ay halos kasinlaki ng ulo ng aspile.
Pag-isipan ito: Maraming taon nang pinag-aaralan ang pandinig ng greater wax moth. Kamakailan, sinubok ng mga siyentipiko sa University of Strathclyde sa Scotland ang pandinig ng moth gamit ang iba’t ibang tunog. Sinukat nila ang vibration ng mga tympanal membrane na ito at itinala ang reaksiyon ng mga auditory nerve nito. Nasasagap pa rin ng mga “eardrum” ang tunog kahit sa frequency na 300 kilohertz. Kung ihahambing, ang paniki ay nakaririnig nang hanggang 212 kilohertz, ang dolphin ay 160 kilohertz, at ang mga tao naman ay 20 kilohertz lang.
Ang napakatalas na pandinig ng greater wax moth ay gustong gamitin ng mga mananaliksik bilang basehan ng bagong teknolohiya. Paano? “Magagamit ito para makagawa ng mas mahuhusay at mas maliliit na mikropono,” ang sabi ni Dr. James Windmill ng University of Strathclyde. “Mailalagay ang mga ito sa iba’t ibang gadyet gaya ng mga mobile phone at hearing aid.”
Ano sa palagay mo? Ang napakatalas na pandinig ba ng greater wax moth ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?