TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN
Kung Paano Haharapin ang Kalungkutan
ANG HAMON
“May dalawa akong kaibigan na laging magkasama. Tapos lagi ko silang naririnig na nagkukuwentuhan kung gaano sila kasaya. Minsan tumawag ako sa bahay no’ng isa at nagkataong nandoon ’yong isa. May ibang sumagot ng telepono, pero naririnig ko silang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Narinig ko kung gaano sila kasaya, kaya lalo tuloy akong nalungkot.”—Maria. *
Nasubukan mo na bang ma-out of place at malungkot? Kung oo, may payo sa Bibliya na makatutulong sa iyo. Pero alamin mo muna ang ilang bagay tungkol sa kalungkutan.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Lahat ay nalulungkot paminsan-minsan. Kasama riyan ang mga tao na mukhang popular. Bakit? Dahil kadalasan, wala sa dami kundi nasa uri ng mga kaibigan ang sukatan ng kaligayahan ng isang tao. Baka laging napalilibutan ng maraming tao ang isa na mukhang popular, pero kung wala naman siyang tunay na mga kaibigan, makadarama pa rin siya ng lungkot.
Makasasamâ sa iyong kalusugan ang kalungkutan. Ang mga mananaliksik na nagsuri sa resulta ng 148 pag-aaral ay nagsabi na ang di-pakikihalubilo sa iba ay maaaring maging sanhi ng maagang kamatayan. Ito rin ay “dalawang beses na mas mapanganib kaysa sa sobrang katabaan” at “katumbas ng paghitit ng 15 sigarilyo araw-araw.”
Ang kalungkutan ay maghahantad sa iyo sa panganib. Sa katunayan, baka ito ang magtulak sa iyo na makipagkaibigan sa kahit kanino na lang. “Kapag nalulungkot ka, puwede kang maging desperado sa atensiyon,” ang sabi ni Alan. “Baka isipin mo, mas mabuti nang may pumapansin sa iyo kaysa sa wala. At puwedeng mauwi iyan sa problema.”
Hindi solusyon sa kalungkutan ang teknolohiya. “Puwede kang magtext o mag-e-mail sa sandaan katao, pero malungkot ka pa rin,” ang sabi ni Natalie. Ganiyan din ang opinyon ng tin-edyer na si Tyler. Inihalintulad niya ang pagtetext sa pagmemeryenda, at ang personal na pakikipag-usap, sa pagkain sa hapag-kainan. “Puwedeng pantawid-gutom ang meryenda, pero kailangan pa rin ang tamang pagkain para mabusog.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Maging positibo. Halimbawa, nakita mo sa isang website ang mga litrato ng mga kaibigan mo na nasa party, at hindi ka imbitado. Sa pagkakataong iyon, puwede mong isipin na sinadya nilang hindi ka yayain o puwede kang mag-isip nang mas positibo. Dahil hindi mo naman alam ang lahat ng detalye, bakit ka mag-iisip ng masama? Sa halip, mag-isip ka ng mas magandang dahilan kung bakit hindi ka isinama. Kadalasan, hindi ang sitwasyon, kundi ang pangmalas mo ang nagpapalungkot sa iyo.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 15:15.
Iwasang gumawa ng maling konklusyon. Kapag nalulungkot ka, baka isipin mo, ‘Kahit kailan, hindi naman ako niyayaya’ o ‘Palagi na lang akong iniiwasan.’ Pero lalo ka lang malulungkot. Kapag nag-iisip ka nang ganiyan, magiging paikot-ikot ang sitwasyon mo: Pakiramdam mo, ayaw sa iyo ng iba, kaya ibinubukod mo ang sarili mo, kaya nalulungkot ka, pakiramdam mo tuloy, ayaw sa iyo ng iba.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 18:1.
Makipagkaibigan sa mga mas matanda sa iyo. Mababasa sa Bibliya ang tungkol kay David, na malamang ay tin-edyer nang makilala niya si Jonatan na mas matanda sa kaniya nang 30 taon. Sa kabila nito, naging matalik silang magkaibigan. (1 Samuel 18:1) Puwede ring mangyari iyan sa iyo. “Nito ko lang nakita na mahalaga palang magkaroon ng mga kaibigang mas matanda sa akin,” ang sabi ng 21-anyos na si Kiara. “Mayroon akong malalapít na kaibigan na ilang dekada ang tanda sa akin, at gustong-gusto ko kasi maygulang na sila at matatag.”—Simulain sa Bibliya: Job 12:12.
Sulitin ang panahon ng pag-iisa. May mga taong nalulungkot agad kapag mag-isa na. Pero hindi naman dapat magkaganoon. Halimbawa, mahilig makihalubilo si Jesus, pero mahalaga rin sa kaniya ang mapag-isa. (Mateo 14:23; Marcos 1:35) Puwede mo siyang gayahin. Sa halip na ituring na masama, gamitin ang panahon ng pag-iisa para pag-isipan ang iyong mga pagpapala. Dahil diyan, mas magugustuhan ka ng mga tao bilang kaibigan.—Kawikaan 13:20.
^ par. 4 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.