Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pangangalunya

Pangangalunya

Sa kabila ng mga kabutihan ng pagiging tapat sa asawa, patuloy na sinisira ng pangangalunya ang maraming pamilya.

Ano ang pangangalunya?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Sa ilang kultura, hindi masama ang pakikipagtalik sa hindi asawa, lalo na sa bahagi ng lalaking may-asawa. Para naman sa ilan, hindi nila itinuturing na panghabambuhay ang pag-aasawa.

ANG SABI NG BIBLIYA

Sa Bibliya, ang pangangalunya ay karaniwan nang tumutukoy sa kusang seksuwal na pakikipagtalik ng isang taong may-asawa—lalaki man o babae—sa hindi niya asawa. (Job 24:15; Kawikaan 30:20) Ang pangangalunya ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Sa sinaunang Israel, ang parusa rito ay kamatayan. (Levitico 18:20, 22, 29) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag mangalunya.—Mateo 5:27, 28; Lucas 18:18-20.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG

Sinisira ng mga mangangalunya ang taimtim na panata nila sa kanilang asawa noong araw ng kanilang kasal. Ito rin ay ‘kasalanan laban sa Diyos.’ (Genesis 39:7-9) Pinagwawatak-watak din ng pangangalunya ang mga anak at mga magulang. Higit sa lahat, nagbababala ang Bibliya na “hahatulan ng Diyos ang . . . mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.

“Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.”Hebreo 13:4.

Tinatapos ba ng pangangalunya ang pagsasama ng mag-asawa?

ANG SABI NG BIBLIYA

Pinahihintulutan ng Bibliya ang isang may-asawa na tapusin ang kanilang pagsasama kung magkasala ng seksuwal na imoralidad ang kaniyang asawa. (Mateo 19:9) Ibig sabihin, pagkatapos ng isang gawang pagtataksil, ang asawang pinagkasalahan ay may karapatang magdesisyon kung makikisama pa siya sa asawang nagkasala o makikipagdiborsiyo rito. Personal na desisyon ito.—Galacia 6:5.

Pero sa mata ng Diyos, ang pag-aasawa ay sagrado at panghabambuhay. (1 Corinto 7:39) Kinapopootan ng Diyos kapag ang isa ay gustong makipagdiborsiyo batay sa mabababaw na dahilan, gaya ng hindi na siya masaya sa kaniyang asawa. Kaya ang pakikipagdiborsiyo ay hindi isang basta-bastang desisyon.—Malakias 2:16; Mateo 19:3-6.

“Sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa pakikiapid [o, seksuwal na imoralidad], ay nagpapangyaring malantad siya sa pangangalunya.”Mateo 5:32.

Ang pangangalunya ba ay isang kasalanang walang kapatawaran?

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay nagpapakita ng awa sa mga nagsisisi at nanunumbalik sa kanilang mga kasalanan—kasama na ang pangangalunya. (Gawa 3:19; Galacia 5:19-21) Sa katunayan, binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa mga lalaki’t babae na huminto sa pangangalunya at naging mga kaibigan ng Diyos.—1 Corinto 6:9-11.

Makikita ang awa ng Diyos sa nangyari kay Haring David ng sinaunang Israel. Nangalunya si David sa asawa ng isa sa kaniyang mga opisyal ng hukbo. (2 Samuel 11:2-4) Sinasabi ng Bibliya na “ang bagay na ginawa ni David ay naging masama sa paningin” ng Diyos. (2 Samuel 11:27) Matapos tumanggap ng pagsaway, nagsisi si David at pinatawad siya ng Diyos. Pero pinagdusahan ni David ang masasamang bunga ng kaniyang ginawa. (2 Samuel 12:13, 14) Nang maglaon, pinatotohanan ng matalinong si Haring Solomon na “ang sinumang nangangalunya . . . ay kapos ang puso.”—Kawikaan 6:32.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kung nagkasala ka ng pangangalunya, kailangan mong humingi ng tawad sa Diyos at sa iyong asawa. (Awit 51:1-5) Gaya ng Diyos, kapootan mo ang pangangalunya. (Awit 97:10) Maging determinadong umiwas sa pornograpya, seksuwal na mga pantasya, flirting, o anumang bagay na aakay sa iyong magkaroon ng seksuwal na interes sa hindi mo asawa.—Mateo 5:27, 28; Santiago 1:14, 15.

Kung pinagtaksilan ka ng iyong asawa, makaaasa ka na nauunawaan ng Diyos ang nadarama mo. (Malakias 2:13, 14) Hingin ang kaniyang tulong at patnubay, at “siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Kung magpasiya kang patawarin ang iyong asawa at patuloy na makisama sa kaniya, kailangang magsikap kayong dalawa na muling patibayin ang inyong pagsasama.—Efeso 4:32.

“Pinalalampas . . . ni Jehova ang iyong kasalanan,” ang sabi ng propetang si Natan sa nagsisising si David na nagkasala ng pangangalunya. 2 Samuel 12:13.