Ang Iyong Ngiti—Huwag Ipagdamot
KAPAG abot-tainga ang ngiti sa iyo ng isa, ano’ng gagawin mo? Malamang na ngingiti ka rin, at magiging mas masaya ka. Oo, ang ngiti na hindi pakitang-tao—mula man sa kaibigan o estranghero—ay nakahahawa at nakapagpapagaan ng pakiramdam. Ganito ang sabi ni Magdalena: “Noong buhay pa ang asawa kong si Georg, matamis ang kaniyang ngiti. Kapag nagtama ang mga mata namin, narerelaks ako at nagiging panatag.”
Ang ngiting hindi pakitang-tao ay nagpapahiwatig na masaya at positibo ang isa. Sa katunayan, “ang pagngiti ay . . . waring likas sa mga tao,” ang sabi ng Observer, isang online magasin ng Association for Psychological Science. Sinabi rin ng artikulo na maging ang mga sanggol ay “napakagaling umintindi ng mga ekspresyon ng mukha.” Dagdag pa ng artikulo: “May mga impormasyong nakukuha ang mga tao mula sa ngiti, at ito rin ang nagiging basehan nila kung paano sila makikitungo.”
Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Harvard University sa United States ang isang grupo ng matatandang pasyente at ang kanilang reaksiyon sa ekspresyon ng mukha ng mga nag-aalaga sa kanila. Sinabi ng mga mananaliksik na mas nagiging masaya ang mga pasyente at mas bumubuti ang kanilang kalusugan kapag ang ekspresyon ng mukha ng kanilang mga caregiver ay “mas taimtim, may malasakit, at may empatiya.” Kabaligtaran naman ang resulta kapag
walang amor ang mga caregiver sa mga pasyente nila.Kapag ngumingiti ka, puwede ring makabuti ito sa iyo. Ipinakikita ng mga pag-aaral na nakatutulong ito para lumakas ang loob mo, mas maging masaya ka, at mabawasan ang iyong stress. Kabaligtaran naman nito ang resulta ng pagsimangot.
“LUMALAKAS ANG LOOB KO” DAHIL SA NGITI
Si Magdalena, na binanggit kanina, ay Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig II. Ibinilanggo siya at ang ilang kapamilya niya sa Ravensbrück concentration camp sa Germany dahil sa pagtanggi sa ideolohiyang Nazi. “May panahong pinagbawalan kami ng mga guwardiya na makipag-usap sa ibang bilanggo,” ang naalaala niya. “Pero hindi nila makokontrol ang ekspresyon ng aming mukha. Kapag nakikita kong nakangiti si Inay at si Ate, lumalakas ang loob ko na huwag sumuko.”
Malamang na dahil sa mga problema sa buhay, bihira ka na lang ngumiti. Pero tandaan na ang nadarama mo ay karaniwan nang resulta ng iniisip mo. (Kawikaan 15:15; Filipos 4:8, 9) Kaya kahit mahirap, bakit hindi mo sikaping maging positibo at magtuon ng pansin sa magagandang bagay? * Nakatulong sa marami ang pagbabasa ng Bibliya at pananalangin para magawa iyan. (Mateo 5:3; Filipos 4:6, 7) Sa katunayan, ang salitang “maligaya” at “kagalakan” at ang iba pang salitang nauugnay rito ay lumilitaw sa Bibliya nang daan-daang ulit! Bakit hindi mo subukang basahin ang isa o dalawang pahina nito araw-araw? Malay mo, kapag ginawa mo ito, baka mas madalas ka nang ngumiti.
Huwag ding hintayin na ngitian ka ng iba. Mauna kang ngumiti at mapasasaya mo ang iba. Oo, ang iyong ngiti ay isa talagang regalo mula sa Diyos na magpapasaya sa iyo at sa nginingitian mo.
^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Ikaw Ba ay ‘Laging May Piging’?” sa Gumising!, isyu ng Nobyembre 2013.