TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Magpakita ng Pagpapahalaga
ANG HAMON
Ang pagpapakita ng pagpapahalaga ay kailangan para sa magandang pagsasama ng mag-asawa. Pero hindi na napapansin ng maraming mag-asawa ang magagandang katangian ng kanilang kabiyak, kaya hindi na nila ito napahahalagahan. Sa aklat na Emotional Infidelity, sinabi ng isang tagapayo na marami sa mga mag-asawang humihingi ng payo sa kaniya ang “mas nagtutuon ng pansin sa mga hindi nagagawa ng bawat isa [para sa kanilang pagsasama] kaysa sa mga nagagawa nila. Nasa opisina ko sila para sabihin ang mga kailangang baguhin, hindi ang mga nagugustuhan nila. Ang kulang sa mga mag-asawang ito ay ang pagpapakita ng pag-ibig at pagpapahalaga.”
Ano ang magagawa mo at ng iyong asawa para maiwasan ito?
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Makababawas ng stress sa pagsasama ng mag-asawa ang pagpapakita ng pagpapahalaga. Karaniwan nang gumaganda ang pagsasama ng mag-asawa kapag pareho nilang tinitingnan at sinasabi sa isa’t isa ang magaganda nilang katangian. Mababawasan pa nga ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa kapag nadarama nila ang pagpapahalaga ng bawat isa.
Para sa mga asawang babae. “Karaniwan nang hindi napapansin ng mga babae ang napakalaking pressure sa mga lalaki para mapaglaanan ang pamilya nila,” ang sabi ng nabanggit na aklat, Emotional Infidelity. Sa ilang lugar, ang nararamdamang iyan ng mga lalaki ay totoo kahit sa mga pamilyang parehong nagtatrabaho ang mag-asawa.
Para sa mga asawang lalaki. Karaniwan nang hindi nila nakikita ang nagagawa ng kanilang misis para sa pamilya, gaya ng paghahanapbuhay, pagpapalaki ng anak, at pag-aasikaso sa bahay. Sinabi ni Fiona, * na mga tatlong taon nang kasal: “Hindi tayo perpekto. At kapag nagkakamali ako, nalulungkot ako. Pero kapag sinabi ng asawa ko na maganda ang ginawa ko—gaya ng pag-aayos sa bahay—nararamdaman kong kahit may mga pagkukulang ako, mahal niya pa rin ako. Alam kong nasa tabi ko siya at nagiging positibo ang tingin ko sa sarili ko!”
Kabaligtaran naman ang resulta kapag binabale-wala ang kabiyak. Banta ito sa ugnayan ng mag-asawa. “Kapag hindi
mo nararamdaman ang pagpapahalaga ng asawa mo,” ang sabi ng may-asawang si Valerie, “madaling mahuhulog ang loob mo sa isa na nagpapahalaga sa iyo.”ANG PUWEDE MONG GAWIN
Maging mapagmasid. Sa susunod na isang linggo, pansinin ang magagandang katangian ng iyong asawa. Pansinin din ang mga ginagawa niyang pag-aasikaso sa inyong bahay—mga bagay na baka hanggang ngayon ay hindi mo napapansin. Sa dulo ng isang linggo, ilista ang (1) mga katangiang nagustuhan mo sa iyong asawa at (2) magagandang nagawa niya para sa inyong pamilya.—Simulain sa Bibliya: Filipos 4:8.
Bakit ito mahalaga? “Kapag matagal-tagal na kayong nagsasama,” ang sabi ng misis na si Erika, “unti-unti mo nang nababale-wala ang asawa mo. Hindi mo na nakikita ang mga nagagawa niya, at nagtutuon ka na lang ng pansin sa mga hindi niya nagagawa.”
Tanungin ang sarili: ‘Hindi ko na ba nakikita ang pagsisikap ng asawa ko?’ Halimbawa, kapag may kinumpuni sa bahay ang mister mo, hindi mo ba siya pasasalamatan dahil iniisip mong tungkulin naman niya iyon? Kung isa kang asawang lalaki, iniisip mo bang hindi mo kailangang magpakita ng pagpapahalaga sa pag-aalaga ng asawa mo sa inyong anak dahil responsibilidad naman niya iyon? Ugaliing magpasalamat sa lahat ng ginagawa ng asawa mo—maliit man o malaki—para sa inyong pamilya.—Simulain sa Bibliya: Roma 12:10.
Laging magbigay ng papuri. Sinasabi ng Bibliya na hindi sapat na sabihing salamat kundi “ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.” (Colosas 3:15) Kaya ugaliing pahalagahan ang ginagawa ng asawa mo. Sinabi ng mister na si James, “Kapag ipinadarama ng misis ko na mahalaga ang mga nagagawa ko, nai-inspire ako na lalo pang maging mabuting asawa at na magsikap pa sa ikagaganda ng pagsasama namin.”—Simulain sa Bibliya: Colosas 4:6.
Tumitibay ang pagsasama ng mag-asawa kapag nagpapakita sila ng pagpapahalaga sa isa’t isa. “Sa tingin ko, marami sanang pag-aasawa ang naisalba kung ang bawat isa ay nagpapahalaga sa magagandang katangian ng kaniyang asawa,” ang sabi ng mister na si Michael. “Kapag nagkakaproblema sila, mas maliit ang tsansang maghiwalay sila kasi lagi nilang iniisip-isip ang magagandang bagay sa pagsasama nila.”
^ par. 9 Binago ang ilang pangalan.