“Naantig Kami sa Kanilang Pag-ibig”
NOONG Sabado, Abril 25, 2015, niyanig ng 7.8-magnitude na lindol ang Nepal, isang bulubunduking bansa sa hilaga ng India. Ang sentro ng lindol ay nasa mga 80 kilometro sa hilagang-kanluran ng Kathmandu, ang kabisera ng Nepal. Mahigit 8,500 ang namatay. Kaya naiulat ang lindol na ito sa kasaysayan ng Nepal bilang ang sakunang may pinakamaraming namatay. Mahigit kalahating milyong bahay ang nawasak. Ang karamihan sa 2,200 Saksi ni Jehova sa Nepal ay nakatira sa apektadong lugar. Nakalulungkot, may isang Saksi na namatay pati na ang kaniyang dalawang anak.
“Nangyari ang lindol sa panahong nagdaraos ng Kristiyanong pagpupulong ang mga kongregasyon na nasa pinakaapektadong lugar,” ang sabi ng Saksi na si Michelle. “Kung nangyari iyon sa panahong marami ang nasa kanilang tirahan, tiyak na mas marami ang naging biktima ng lindol.” Bakit hindi masyadong naapektuhan ang mga dumalo ng pulong? Dahil iyon sa disenyo ng mga Kingdom Hall.
“NAKITA NAMIN NGAYON ANG BENTAHA!”
Ang mga Kingdom Hall ngayon sa Nepal ay dinisenyo para makatagal sa lindol. Sinabi ni Man Bahadur, kasama sa nagtayo ng mga Kingdom Hall: “Madalas kaming tanungin kung bakit gano’n kalalim ang ginagawa naming pundasyon para sa hindi naman kalakihang gusali. Nakita namin ngayon ang bentaha!” Pagkatapos ng lindol, pinahintulutang gamitin ang mga Kingdom Hall bilang pansamantalang tirahan. Kahit may mga aftershock, panatag ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kapitbahay roon.
Agad na hinanap ng mga Kristiyanong elder ang mga nawawalang miyembro ng kanilang kongregasyon. “Inuna ng mga elder ang kapakanan ng kongregasyon kaysa sa kanilang sarili,” ang sabi ng Saksi na si Babita. “Naantig kami sa kanilang pag-ibig.” Isang araw matapos ang lindol, dumalaw sa mga kongregasyon ang tatlong miyembro ng komiteng nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Nepal, kasama ang mga naglalakbay na ministro, o tagapangasiwa ng sirkito. Tinulungan nila sila sa kanilang mga pangangailangan at sinuportahan ang lokal na mga elder.
Anim na araw matapos ang lindol, dumating sa Nepal si Gary Breaux, kasama ang kaniyang asawang si Ruby, mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi sa United States. “Dahil sa kalagayan sa Kathmandu at sa mga aftershock,” ang sabi ni Reuben, isang miyembro ng nabanggit na komite, “hindi kami sigurado kung makakarating si Brother Breaux. Pero pursigido siyang pumunta—at nakarating nga siya! Talagang nagpapasalamat ang mga Saksi rito sa kaniyang pagbisita.”
“LALO KAMING NAPALAPÍT SA AMING MGA KAPANANAMPALATAYA”
Si Silas, isang boluntaryo sa tanggapan ng mga Saksi sa Nepal, ay nagsabi: “Nang maayos na ang mga linya ng telepono, halos walang tigil ang tawag araw at gabi! Nag-alala ang mga kapuwa namin Saksi sa buong daigdig. Kahit hindi namin naiintindihan ang wika ng ilang tumatawag, nadama namin na mahal nila kami at gusto nila kaming tulungan.”
Sa loob ng maraming araw matapos ang lindol, ang mga Saksing tagaroon ay nagdala ng pagkain sa mga Kingdom Hall para sa mga biktima. Bumuo rin ng Disaster Relief Committee. Di-nagtagal, bumuhos ang maraming suplay na pangunahin nang galing sa Bangladesh, India, at Japan. Mga ilang araw lang, dumating ang isang medical team ng mga Saksi mula sa Europa. Pumuwesto sila sa isa sa mga Kingdom Hall at agad na sinuri ang pisikal na kalagayan ng mga biktima, at tinulungan din nila silang makayanan ang trauma.
Marami ang nakadarama ng gaya ng nadama ni Uttara, na nagsabi: “Nakakatakot talaga ang lindol. Pero pagkatapos no’n, lalo kaming napalapít sa aming mga kapananampalataya.” Talagang hindi natinag ng lindol ang pagmamahal ng mga lingkod ng Diyos kay Jehova at sa isa’t isa. Ang totoo, pinatibay ng lindol ang pagmamahal na iyon.