ARAL 2
Kung Paano Magiging Mapagpakumbaba
ANO ANG KAPAKUMBABAAN?
Ang mga taong mapagpakumbaba ay magalang. Hindi sila mayabang, at hindi umaasa ng espesyal na pagtrato. Sa halip, ang taong mapagpakumbaba ay interesado sa kapakanan ng iba at handang matuto sa iba.
Iniisip ng ilan na kahinaan ang kapakumbabaan. Pero ang totoo, nakakatulong ito na makilala natin ang ating mga pagkakamali at limitasyon.
BAKIT MAHALAGA ANG KAPAKUMBABAAN?
-
Nakakatulong ang kapakumbabaan sa magandang ugnayan. “Sa pangkalahatan, mas madaling magkaroon ng kaibigan ang mga mapagpakumbaba,” ang sabi ng aklat na The Narcissism Epidemic. Idinagdag pa nito na ang gayong mga tao ay “mas madaling makisama at makibagay sa iba.”
-
Mapapaganda nito ang kinabukasan ng iyong anak. Ang kapakumbabaan ay tutulong sa iyong anak ngayon at sa hinaharap—halimbawa, sa paghahanap ng trabaho. “Ang kabataang sobrang bilib sa sarili at hindi kumikilala sa kaniyang limitasyon ay malamang na mahirapan sa job interview,” ang isinulat ni Dr. Leonard Sax. “Pero ang kabataang interesado sa sinasabi ng nag-iinterbyu ang mas malamang na makakuha ng trabaho.” *
KUNG PAANO ITUTURO ANG KAPAKUMBABAAN
Tulungan ang iyong anak na magkaroon ng balanseng tingin sa sarili.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Kung iniisip ng sinuman na mahalaga siya pero hindi naman, nililinlang niya ang sarili niya.”—Galacia 6:3.
-
Iwasan ang pananalitang nagbibigay ng maling pag-asa. Masarap pakinggan ang mga pananalitang gaya ng “Magkakatotoo ang mga pangarap mo” at “Kaya mong maabot ang anumang gusto mo.” Pero kadalasan, hindi ito nangyayari. Mas magtatagumpay ang mga anak mo kung mayroon silang makatuwirang mga tunguhin at magsisikap na abutin ang mga iyon.
-
Purihin ang espesipikong nagagawa niya. Ang pagsasabi sa iyong anak na “ang galing mo” ay hindi tutulong sa kaniya na maging mapagpakumbaba. Maging espesipiko.
-
Limitahan ang paggamit niya ng social media. Kadalasan, ginagamit ang social media para iangat ang sarili—isinasapubliko ang mga talento at nagawa ng isa—na kabaligtaran ng kapakumbabaan.
-
Pasiglahin ang iyong anak na mag-sorry agad kung kailangan. Tulungan ang iyong anak na makita ang kaniyang pagkakamali at aminin ito.
Turuan siyang maging mapagpasalamat.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.”—Colosas 3:15.
-
Magpasalamat para sa mga nilalang ng Diyos. Dapat mapahalagahan ng mga bata ang kalikasan at maunawaang nakadepende tayo rito para mabuhay. Kailangan natin ng hangin, tubig, at pagkain. Gamitin ang mga halimbawang ito para ituro ang pagpapahalaga, paghanga, at pagpapasalamat sa mga gawa ng Maylikha.
-
Magpasalamat para sa mga tao. Ipaalaala sa iyong anak na sa ilang bagay, nakakahigit sa kaniya ang iba. Hindi siya dapat mainggit sa mga abilidad ng iba, dahil puwede siyang matuto sa kanila.
-
Ipakita ang pasasalamat. Turuan ang iyong mga anak na hindi lang basta magsabi ng “salamat” kundi gawin nila ito nang may tunay na pagpapahalaga. Ang pagiging mapagpasalamat ay pundasyon ng kapakumbabaan.
Ituro sa iyong mga anak ang kahalagahan ng pagtulong sa iba.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo, habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:3, 4.
-
Bigyan siya ng mga gawaing-bahay. Kung hindi mo binibigyan ng gawaing-bahay ang anak mo, para bang sinasabi mo sa kaniya, ‘Napakaimportante mo para gawin iyan!’ Dapat unahin ang mga atas sa bahay kaysa sa paglalaro. Ipakita kung paano nakikinabang ang iba sa paggawa niya ng mga gawaing-bahay at na matutuwa sila sa kaniya at igagalang siya.
-
Ipaliwanag sa kaniya na masayang tumulong sa iba. Ang pagtulong sa iba ang pangunahing paraan para maging may-gulang ang iyong anak. Kaya pasiglahin siyang maging alerto sa mga nangangailangan ng tulong. Sabihin sa kaniya kung ano ang puwede niyang maitulong. Purihin ang iyong anak at suportahan ang ginagawa niya para sa iba.
^ par. 8 Mula sa aklat na The Collapse of Parenting.