ARAL 3
Kung Paano Magiging Matatag
ANO ANG KATATAGAN?
Ang taong matatag ay kayang bumangong muli kapag nadismaya o may masamang pangyayari sa buhay. Natututuhan ito ng isa mula sa kaniyang mga karanasan. Kung paanong hindi matututong maglakad ang isang bata nang hindi nadadapa, hindi rin naman matututo sa buhay ang anak mo kung hindi siya daranas ng kabiguan.
BAKIT MAHALAGA ANG KATATAGAN?
May mga batang pinanghihinaan ng loob kapag nakaranas ng kabiguan, problema, o pamumuna. Ang iba pa nga ay tuluyan nang sumusuko. Pero kailangan nilang maunawaan ang sumusunod:
-
Hindi tayo laging magtatagumpay.—Santiago 3:2.
-
Lahat ay makakaranas ng mahihirap na sitwasyon.—Eclesiastes 9:11.
-
Kailangan ang pagtutuwid para matuto at sumulong.—Kawikaan 9:9.
Tutulong ang katatagan para maharap ng anak mo ang mga problema sa buhay nang may kumpiyansa.
KUNG PAANO ITUTURO ANG KATATAGAN
Kapag nabigo ang iyong anak.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Kahit mabuwal ang matuwid nang pitong ulit, babangon pa rin siya.”—Kawikaan 24:16.
Tulungan ang iyong anak na magkaroon ng tamang pananaw sa mga problema. Halimbawa, ano kaya ang gagawin niya kung bumagsak siya sa exam? Baka sumuko siya at sabihin, “Wala na akong ginawang tama!”
Para matuto siyang maging matatag, tulungan siyang gumawa ng paraan para magtagumpay sa susunod. Sa paggawa nito, matututo siyang solusyunan ang problema sa halip na sumuko.
Pero iwasang ikaw ang umayos ng problema ng anak mo. Hayaan mo siyang gumawa ng paraan. Puwede mo siyang tanungin, “Ano pa ang puwede mong gawin para mas maintindihan mo ang subject na itinuturo sa inyo?”
Kapag may masamang nangyari.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Hindi ninyo alam ang magiging buhay ninyo bukas.”—Santiago 4:14.
Walang kasiguruhan ang buhay. Ang taong mayaman ngayon ay puwedeng maghirap kinabukasan; ang taong malusog ngayon ay baka magkasakit bukas. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan, . . . dahil lahat sila ay Eclesiastes 9:11.
naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.”—Bilang magulang, gagawin mo ang lahat para ipagsanggalang ang anak mo mula sa panganib. Pero hindi mo siya mapoprotektahan sa lahat ng masasamang pangyayari sa buhay.
Siyempre, hindi pa naman mararanasan ng anak mo na matanggal sa trabaho o malugi sa negosyo. Pero matutulungan mo siyang harapin ang ibang problema, gaya ng pagkasira ng pagkakaibigan o pagkamatay ng isang kapamilya. *
Kapag nakatanggap ng pamumuna ang iyong anak.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Makinig ka sa payo . . . para maging marunong ka pagdating ng araw.”—Kawikaan 19:20.
Hindi lahat ng pamumuna ay pambu-bully. Ang ilang pamumuna ay tutulong para makita ng bata na may kailangan siyang baguhin sa kaniyang pagkilos o pag-uugali.
Kapag naturuan mo ang iyong anak na tumanggap ng payo, pareho kayong makikinabang. Sinabi ni John: “Kapag laging isinasalba ng mga magulang ang kanilang anak mula sa mga problema, hindi sila matututo. Habambuhay na nilang sasaklolohan ang mga ito kapag nagkakaproblema. Magiging miserable ang buhay ng mga magulang at ng kanilang anak.”
Paano mo matutulungan ang iyong anak na makinabang sa pamumunang may magandang intensiyon? Kapag nakatanggap sila nito, sa school o saanman, iwasang sabihing hindi makatuwiran ang pamumunang iyon. Sa halip, tanungin siya:
-
“Bakit ka kaya itinutuwid ng taong iyon?”
-
“Paano ito makakatulong sa iyo?”
-
“Ano ang gagawin mo kapag napaharap ka ulit sa katulad na sitwasyon?”
Tandaan, ang pamumuna na may magandang intensiyon ay makakatulong sa iyong anak ngayon at hanggang sa pagtanda niya.
^ par. 21 Tingnan ang artikulong “Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati,” sa Ang Bantayan, Hulyo 1, 2008.