TULONG PARA SA MGA NAGDADALAMHATI
Ang Hapdi ng Pagdadalamhati
“Mahigit 39 na taon na kaming kasal ni Sophia * nang mamatay siya matapos ang matagal na pagkakasakit. Inalalayan naman ako ng mga kaibigan ko, at nagpakaabala ako. Pero isang taon akong nanlumo. Hindi ko makontrol ang damdamin ko. Ngayon, kahit halos tatlong taon na mula nang mamatay siya, may mga panahong bigla na lang akong nakakaramdam ng matinding kirot.”—Kostas.
Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay? Kung oo, malamang na nauunawaan mo si Kostas. Ang pagkamatay ng asawa, kamag-anak, o kaibigan ay isa sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay. Sang-ayon diyan ang mga eksperto na nag-aaral tungkol sa matinding sakit na dulot ng pagdadalamhati. Ayon sa isang artikulo na inilathala sa The American Journal of Psychiatry, “ang kamatayan ang pinakakitang-kitang permanente at matinding uri ng kawalan.” Dahil sa matinding kirot na dulot nito, baka maitanong ng isa: ‘Hanggang kailan ako magdadalamhati? Magiging masaya pa kaya ako? Saan ako makakahanap ng kaaliwan?’
Sasagutin ang mga tanong na iyan sa isyung ito ng Gumising! Tatalakayin ng susunod na artikulo kung ano ang mga dapat mong asahan kapag namatayan ka ng mahal sa buhay. Tutulungan ka naman ng susunod na mga artikulo na mabawasan ang iyong pagdadalamhati.
Umaasa kami na makapagbibigay ito ng kaaliwan at praktikal na tulong sa sinumang dumaranas ng hapdi ng pagdadalamhati.
^ Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo.