Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alamin ang Totoo

Alamin ang Totoo

Ang Problema

Ang diskriminasyon ay kadalasan nang dahil sa maling impormasyon. Tingnan ang ilang halimbawa:

  • Iniisip ng ilang employer na hindi kaya ng mga babae ang mga trabaho tungkol sa siyensiya at teknolohiya.

  • Sa Europe noon, inakusahan ang mga Judio na naglalagay ng lason sa mga balon at nagpapakalat ng sakit. Pagkatapos, noong panahon ng Nazi, inakusahan na naman ang mga Judio. Sinabi na sila ang dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya sa Germany. Dahil sa mga ito, naging biktima ng matinding diskriminasyon ang mga Judio, at naaapektuhan pa rin sila nito hanggang ngayon.

  • Inaakala ng marami na ang mga may kapansanan ay malungkot at punô ng hinanakit.

Ang mga taong may maling akala gaya ng mga ito ay naghahanap ng basehan at mga halimbawa para patunayan ang paniniwala nila. At iniisip nila na ang mga tao na iba ang paniniwala sa kanila ay mga walang alam.

Prinsipyo sa Bibliya

“Hindi mabuti para sa isang tao na wala siyang alam.”​—KAWIKAAN 19:2.

Ang ibig sabihin: Kapag hindi natin alam ang totoo, mali ang nagagawa nating mga desisyon. Kung maniniwala tayo sa mga maling akala at hindi sa mga bagay na totoo, mahuhusgahan natin ang mga tao.

Bakit Mahalagang Malaman ang Totoo?

Kung alam natin ang totoo tungkol sa mga tao, hindi tayo maniniwala kapag may maling impormasyon tayong narinig tungkol sa kanila. At kapag nalaman natin na iba pala ang totoo tungkol sa isang partikular na grupo, baka kuwestiyunin na rin natin ang mga pinaniniwalaan natin tungkol sa iba pang mga grupo.

Ang Puwede Mong Gawin

  • Tandaan na kahit sinasabi ng mga tao na may negatibong katangian ang isang grupo, hindi ibig sabihin na totoo ito sa lahat ng indibidwal sa grupong iyon.

  • Huwag isipin na alam mo ang lahat ng impormasyon tungkol sa isang grupo.

  • Tiyaking mapagkakatiwalaan ang mga impormasyong nakukuha mo.