Tanggapin na May Magagandang Katangian ang Iba
Ang Problema
Kapag mayabang tayo, posible tayong manghusga. Bilib na bilib sa sarili niya ang isang mayabang na tao. Mababa naman ang tingin niya sa mga taong iba sa kaniya. Puwedeng mangyari iyan sa lahat. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Karamihan ng grupo ay nag-iisip na mas mataas sila sa ibang grupo pagdating sa paraan ng pamumuhay, pagkain, pananamit, ugali, paniniwala, asal, at iba pa.” Paano natin maiiwasan ang maling kaisipang iyan?
Prinsipyo sa Bibliya
“Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.”—FILIPOS 2:3.
Ang ibig sabihin: Para maiwasan ang pagyayabang, dapat nating gawin ang kabaligtaran nito—maging mapagpakumbaba. Kapag mapagpakumbaba tayo, makikita natin na sa ibang bagay, mas magaling ang iba sa atin. Walang grupo na magaling sa lahat ng bagay at na nasa kanila na ang lahat ng magagandang katangian.
Tingnan ang halimbawa ni Stefan. Lumaki siya sa isang bansang Komunista. Hinuhusgahan niya noon ang mga taong galing sa mga bansang hindi Komunista, pero naalis din niya ito. Sinabi niya: “Mahalagang ituring ang iba na mas mataas para maalis ang diskriminasyon. Marami akong hindi alam. At may matututuhan ako sa bawat tao.”
Ang Puwede Mong Gawin
Magkaroon ng tamang pananaw sa sarili mo at tanggapin na nagkakamali ka rin. Aminin na mas magaling ang iba sa iyo sa ibang bagay. Huwag isipin na pare-pareho ang kahinaan at ugali ng lahat ng tao na mula sa isang grupo.
Imbes na mag-isip ng negatibo tungkol sa isang tao na mula sa isang partikular na grupo, tanungin ang iyong sarili:
Aminin na mas magaling ang iba sa iyo sa ibang bagay
-
‘Talaga bang masama ang mga ugali na kinaiinisan ko sa taong iyon o naiiba lang siya sa akin?’
-
‘May mapupuna rin kaya siya sa akin?’
-
‘Sa anong mga bagay mas magaling ang taong ito kaysa sa akin?’
Kung sasagutin mo nang totoo ang mga tanong na iyan, hindi mo lang maaalis ang diskriminasyon, baka may madiskubre ka ring bagay na hahangaan mo sa kaniya.