Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Desiderius Erasmus

Desiderius Erasmus

NOONG panahon ni Desiderius Erasmus (mga 1469-1536), hinangaan siya bilang ang pinakamatalinong iskolar na Europeo, pero pagkatapos nito ay binansagan siyang duwag o erehe. Naipit siya sa mainitang mga debate sa relihiyon at lakas-loob niyang ibinunyag ang pagkakamali at pang-aabuso ng Katolisismo pati na ng diumano’y mga repormador. Sa ngayon, kinikilala ang kaniyang mahalagang papel sa pagbabago sa kalagayan ng relihiyon sa Europa. Bakit?

PAG-AARAL AT PANINIWALA

Si Erasmus ay bihasa sa wikang Griego at Latin. Kaya naihambing niya ang mga salin ng Bibliya, gaya ng Latin na Vulgate, sa mga sinaunang manuskritong Griego ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na kilala bilang ang Bagong Tipan. Nakumbinsi siyang napakahalaga ng kaalaman mula sa Bibliya. Dahil diyan, iginiit niya na dapat isalin ang Banal na Kasulatan sa mga wikang ginagamit noong panahon niya.

Isinulong ni Erasmus ang reporma sa loob ng Simbahang Katoliko. Naniniwala siya na ang pagiging Kristiyano ay hindi lang mga walang-kabuluhang ritwal kundi dapat na isabuhay. Kaya nang magprotesta ang mga repormador para sa pagbabago sa Simbahan ng Roma, si Erasmus ang pinagsuspetsahan ng Simbahan.

Lakas-loob na ibinunyag ni Erasmus ang pagkakamali at pang-aabuso ng Katolisismo at ng mga repormador

Sa mga akda ni Erasmus, ibinunyag niya ang pang-aabuso ng klero, ang kanilang maluhong pamumuhay, at ang ambisyon ng mga papa na sumasang-ayon sa mga digmaan. Tutol siya sa mga tiwaling klerigo na ginamit ang mga tradisyon ng simbahan—gaya ng pangungumpisal, pagsamba sa mga santo, pag-aayuno, at peregrinasyon—para manamantala sa mga mananamba. Hindi rin siya sang-ayon sa mga gawain ng simbahan na gaya ng pagbebenta ng indulhensiya at di-pag-aasawa ng klero.

TEKSTONG GRIEGO NG BAGONG TIPAN

Noong 1516, inilathala ni Erasmus ang kaniyang unang edisyon ng Bagong Tipan sa wikang Griego—ang kauna-unahang inilabas na nakaimprentang kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kasama sa akdang ito ni Erasmus ang mga paliwanag pati na ang sarili niyang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Latin, na may pagkakaiba sa Vulgate. Sa paglipas ng panahon, patuloy niyang nirebisa ang kaniyang bersiyon, na ang resulta ay isang salin na ibang-iba sa Latin na Vulgate.

Ang Griegong Bagong Tipan ni Erasmus

Ang isa sa mga pagkakaiba ay ang 1 Juan 5:7. Para itaguyod ang turo ng Trinidad, idinagdag sa Vulgate ang mga salitang, “Sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.” Bahagi ito ng mga salitang tinatawag na comma Johanneum, pero wala ang mga ito sa orihinal na mga manuskrito. Inalis ito ni Erasmus sa kaniyang unang dalawang edisyon ng Bagong Tipan dahil hindi ito lumitaw sa mga manuskritong Griego na saligan niya sa pagsasalin. Nang maglaon, ginipit siya ng simbahan na ilagay ang pananalitang ito sa kaniyang ikatlong edisyon.

Ang pinahusay na mga edisyon ng Griegong Bagong Tipan ni Erasmus ay naging batayan ng mas mahuhusay na salin sa iba pang wikang ginagamit sa Europa. Ang mga edisyong ito ay ginamit sa pagsasalin ni Martin Luther sa wikang German; ni William Tyndale, sa Ingles; ni Antonio Brucioli, sa Italian; at ni Francisco de Enzinas, sa Kastila.

Nabuhay si Erasmus sa kasagsagan ng magulong sitwasyon sa relihiyon, at itinuring ng mga Protestanteng Repormador na isang napakahalagang pantulong ang kaniyang Griegong Bagong Tipan. Itinuring ng ilan si Erasmus na isang repormador bago pa nagsimula ang Repormasyon. Pero nang maglaon, wala siyang pinanigan sa mga nagdedebate sa relihiyon. Kapansin-pansin, isinulat ng iskolar na si David Schaff, mahigit 100 taon na ang nakalilipas, na si Erasmus ay “namatay nang walang pinapanigan, at walang kinaaanibang partido. Hindi siya kinilala ng Katoliko, hindi rin naman siya maangkin ng mga Protestante.”