Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak

Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak

ANG HAMON

  • Ang yabang ng anak mo—at 10 taon pa lang siya!

  • Iniisip niyang dapat espesyal ang trato sa kaniya ng lahat.

Baka isipin mo, ‘Ano’ng problema sa kaniya?’ ‘Gusto kong maging maganda ang tingin niya sa sarili niya—pero hindi para isiping mas magaling siya kaysa sa iba!’

Posible kayang maturuan ng kapakumbabaan ang isang bata nang hindi naman siya nawawalan ng pagpapahalaga sa sarili?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Nitong mga nagdaang dekada, pinayuhan ang mga magulang na sundin ang kagustuhan ng mga anak nila; purihin sila nang purihin, kahit wala naman silang ginagawang kapuri-puri; huwag silang ituwid at disiplinahin. Inaakala kasi noon na kapag nadarama ng mga anak na espesyal sila, lálakí silang may tiwala sa sarili. Pero ano ang naging resulta? Sinabi ng aklat na Generation Me: “Sa halip na makapagpalaki ng mga batang marunong makisama at masaya, ang mga tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili ay nagpalaki ng mga batang sobra ang tingin sa sarili.”

Ang mga batang palaging pinupuri ay lumalaking di-marunong tumanggap ng kabiguan, kritisismo, at paminsan-minsang pagkatalo. Dahil palaging nasusunod ang gusto nila, nahihirapan silang makisama sa iba kapag malaki na sila. Bilang resulta, marami sa kanila ang dumaranas ng kabalisahan at depresyon.

Ang mga bata ay nagkakaroon ng tunay na pagpapahalaga sa sarili kapag may nagagawa silang magagandang bagay, at hindi kapag palaging ipinadarama sa kanila na espesyal sila. Kaya hindi sapat ang pagkakaroon lang ng kumpiyansa sa sarili. Kailangan nilang matuto, masanay, at maging mahusay sa napili nilang mga kasanayan. (Kawikaan 22:29) Kailangan din nilang isipin ang pangangailangan ng iba. (1 Corinto 10:24) Sa lahat ng ito, kailangan ang kapakumbabaan.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Purihin kung talagang karapat-dapat purihin. Kapag mataas ang marka ng iyong anak sa test, purihin mo siya. Kapag mababa ang grade niya, huwag agad isisi sa titser niya dahil hindi matututo ng kapakumbabaan ang anak mo. Sa halip, pasiglahin siyang pagbutihin pa ang pag-aaral niya. Purihin lang siya sa magagandang nagagawa niya.

Ituwid kung kailangan. Hindi naman ibig sabihing pupunahin mo ang bawat pagkakamali ng anak mo. (Colosas 3:21) Pero dapat ituwid ang malalaking pagkakamali, pati na ang masasamang ugali. Kung hindi, makakasanayan ng anak mo ang mga ito.

Halimbawa, ipagpalagay nang may tendensiyang magyabang ang anak mo. Kapag hindi siya itinuwid, magiging mayabang siya at lalayuan ng iba. Kaya ipaliwanag mo sa kaniya na ang pagyayabang ay hindi maganda at puwede siyang mapahiya. (Kawikaan 27:2) Ipaliwanag mo rin na kapag may tamang pananaw ang isang tao sa kaniyang sarili, hindi niya kailangang ipagsabi sa iba ang mga nagagawa niya. Kapag maibigin mong itinutuwid ang iyong anak, matuturuan mo siyang maging mapagpakumbaba nang hindi naman nawawalan ng paggalang sa sarili.—Simulain sa Bibliya: Mateo 23:12.

Ihanda ang anak mo sa realidad ng buhay. Kapag sinunod mo ang lahat ng gusto ng anak mo, lálakí ang ulo niya. Halimbawa, kapag gusto niya ng isang bagay na hindi mo kayang bilhin, ipaliwanag sa kaniya na hindi iyon kaya ng inyong badyet. Kung kailangan mong ikansela ang pamamasyal o bakasyon ninyo, puwede mong ipaliwanag na bahagi na ng buhay ang mabigo at kung paano mo nahaharap ang mga iyon. Sa halip na protektahan ang iyong mga anak sa bawat problema, ihanda sila sa mga hamon ng buhay na haharapin nila kapag malalaki na sila.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 29:21.

Pasiglahin siyang magbigay. Patunayan sa iyong anak na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Paano? Baka puwedeng magkasama ninyong ilista ang mga taong nangangailangan ng transportasyon, tulong sa pamimilí o pagkukumpuni. Isama mo ang iyong anak habang tumutulong ka sa kanila. Hayaan mong makita niyang masaya ka sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng iba. Sa paggawa nito, natuturuan mo siya ng kapakumbabaan sa napakaepektibong paraan—ang pagpapakita ng halimbawa.—Simulain sa Bibliya: Lucas 6:38.