Bakit Dapat Magpasalamat?
Bakit Dapat Magpasalamat?
“Mahal kong Raquel,
Maraming salamat, napapatibay mo ako. Maaaring hindi mo alam pero malaking tulong sa akin ang iyong nakapagpapatibay na personalidad at magiliw na pananalita.”—Jennifer.
NAKATANGGAP ka na ba ng isang di-inaasahang liham ng pasasalamat? Kung gayon, tiyak na nagpataba iyon ng iyong puso. Kung sa bagay, likas lamang na gustuhin nating tayo’y mahalin at pahalagahan.—Mateo 25:19-23.
Dahil sa pasasalamat, mas nagiging malapít sa isa’t isa ang nagpapasalamat at ang pinasasalamatan. Gayundin, sinusundan ng taong mapagpasalamat ang yapak ni Jesu-Kristo na kailanma’y hindi nakalimot bigyang-pansin ang maiinam na gawa ng iba.—Marcos 14:3-9; Lucas 21:1-4.
Nakalulungkot, ang personal na pasasalamat, sa sulat man o bibigan, ay tila unti-unti nang nalilimutan. Nagbabala ang Bibliya na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging mga “walang utang-na-loob.” (2 Timoteo 3:1, 2) Kung hindi tayo mag-iingat, baka mahawa na rin tayo sa karamihan na hindi marunong magpasalamat.
Anong praktikal na mga hakbang ang puwedeng gawin ng mga magulang para turuan ang kanilang mga anak na maging mapagpasalamat? Kanino tayo dapat magpasalamat? At bakit tayo dapat maging mapagpasalamat kahit na ang mga taong nakapaligid sa atin ay mga walang utang-na-loob?
Sa Loob ng Pamilya
Ang mga magulang ay nagtatrabahong mabuti para paglaanan ang kanilang mga anak. Gayunman, nadarama kung minsan ng mga magulang na hindi napahahalagahan ang kanilang mga pagsisikap. Paano nila magagawan ng paraan ang situwasyong ito? Kailangan ang tatlong bagay.
(1) Halimbawa. Gaya ng karamihan sa mga paraan ng pagsasanay sa anak, ang halimbawa ay isang mahusay na guro. Hinggil sa isang masipag na ina sa sinaunang Israel, sinasabi ng Bibliya: “Pinupuri siya ng kaniyang mga anak.” Kanino nila ito natutuhan? Sinasagot ito ng kasunod na mga salita sa talata ring iyon. Sinasabi nito: “Pinupuri din siya ng kaniyang kabiyak.” (Kawikaan 31:28, New Century Version) Ang mga magulang na mapagpasalamat sa isa’t isa ay nagpapakita sa kanilang mga anak na ang gayong pananalita ay nagbibigay ng kaluguran sa tumatanggap, nagpapaganda ng samahan sa pamilya, at tanda ng pagkamaygulang.
Sinabi ng isang ama na nagngangalang Stephen, “Para magpakita ng halimbawa sa aking mga anak, pinasasalamatan ko ang aking asawa sa inihanda niyang hapunan.” Ano ang naging resulta? “Napansin ito ng dalawa kong anak na babae, at natulungan sila nito na maging mapagpasalamat,” ang sabi ni Stephen. Kung ikaw ay may asawa, palagi ka bang nagpapasalamat sa iyong kabiyak sa paggawa niya ng pang-araw-araw na mga gawain na karaniwan nang hindi napapansin? Nagpapasalamat ka ba sa iyong mga anak kahit na ang ginagawa nila ay talaga namang dapat lamang nilang gawin?
(2) Pagsasanay. Ang pagiging mapagpasalamat ay parang halaman. Kailangan itong linangin Kawikaan 15:28.
para mamulaklak. Paano makatutulong ang mga magulang sa kanilang mga anak na maging mapagpasalamat? Itinampok ni Haring Solomon ang isang mahalagang pantulong nang isulat niya: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”—Kayong mga magulang, masasanay ba ninyo ang inyong mga anak na kapag may tinanggap silang regalo, ang dapat nilang makita ay ang pagsisikap at pagkabukas-palad ng nagregalo? Ang ganitong pagbubulay-bulay ay nagsisilbing lupa na tumutulong para tumubo ang pagiging mapagpasalamat. Sinabi ni Maria na may tatlong anak: “Nangangailangan ito ng panahon na maupong kasama ng iyong mga anak at ipaliwanag sa kanila kung bakit nagreregalo ang isang tao—naalaala niya kayo at gusto niyang ipakita kung gaano niya kayo kamahal. Pero sulit naman ang pagsisikap ko.” Ang gayong mga pag-uusap ay tumutulong sa mga anak na matutuhan hindi lamang kung ano ang dapat sabihin kapag nagpapasalamat kundi kung bakit dapat din itong sabihin.
Tinutulungan ng marurunong na magulang ang kanilang mga anak na huwag isiping dapat lang naman silang bigyan ng lahat ng magagandang bagay. a Ang babala sa Kawikaan 29:21 tungkol sa pakikitungo sa mga lingkod ay kapit din sa mga anak: “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay.”
Paano matutulungan ang maliliit na bata na maging mapagpasalamat? Sinabi ni Linda na may tatlong anak, “Kapag gumagawa kaming mag-asawa ng liham ng pasasalamat, hinihimok namin ang aming mga anak na magdrowing o isulat ang kanilang pangalan sa card.” Totoo, maaaring simple lang ang drowing at hindi maayos ang sulat pero malaki ang epekto nito sa kanila.
(3) Tiyaga. Likas sa ating lahat na maging makasarili, at maaaring ito ang pumigil sa atin na magpasalamat. (Genesis 8:21; Mateo 15:19) Gayunman, ang mga lingkod ng Diyos ay hinihimok ng Bibliya: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.”—Efeso 4:23, 24.
Gayunman, alam ng makaranasang mga magulang na ang pagtulong sa kanilang mga anak na “magbihis ng bagong personalidad” ay madaling sabihin pero mahirap gawin. Sinabi ni Stephen na binanggit kanina, “Matagal na naming itinuturo sa aming mga anak na babae na magkusa sa pagsasabi ng salamat.” Pero hindi sumuko si Stephen at ang kaniyang asawa. “Dahil sa tiyaga, natutuhan din ng aming mga anak ang itinuturo namin. Ngayon ay maipagmamalaki namin na naging mapagpasalamat na sila,” ang pagpapatuloy ni Stephen.
Kumusta Naman sa Ating mga Kaibigan at Kapitbahay?
Kapag hindi tayo nakapagpapasalamat, maaaring hindi naman ibig sabihin nito na wala tayong utang-na-loob, nalilimutan lamang natin ito. Talaga nga bang ganoon kahalaga na hindi lamang tayo dapat makadama ng pasasalamat kundi dapat din natin itong sabihin? Para masagot ang tanong na iyan, isaalang-alang ang isang pangyayari kay Jesus at sa ilang ketongin.
Habang papunta sa Jerusalem, sinalubong si Jesus ng mga lalaking ketongin. Sinasabi ng Bibliya: “Inilakas nila ang kanilang mga tinig at sinabi: ‘Jesus, Tagapagturo, maawa ka sa amin!’ At nang makita niya sila ay sinabi niya sa kanila: ‘Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote.’ Sa gayon habang pumaparoon sila ay naganap ang paglilinis sa kanila. Ang isa sa kanila, nang makita niya na napagaling siya, ay bumalik, na niluluwalhati ang Diyos sa malakas na tinig. At isinubsob niya ang kaniyang mukha sa paanan ni Jesus, na pinasasalamatan siya; karagdagan pa, siya ay isang Samaritano.”—Lucas 17:11-16.
Ipinagwalang-bahala ba ni Jesus ang pagkukulang ng iba na magpasalamat? Nagpapatuloy ang ulat: “Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: ‘Ang sampu ay luminis, hindi ba? Kung gayon, nasaan ang siyam na iba pa? Wala bang nasumpungang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos kundi ang taong ito ng ibang bansa?’”—Lucas 17:17, 18.
Hindi naman masasamang tao ang iba pang siyam
na ketongin. Sa katunayan, ipinahayag nila ang kanilang pananampalataya kay Jesus at kusang-loob na sumunod sa kaniyang mga tagubiling pumunta sa Jerusalem at magpakita sa mga saserdote. Gayunman, bagaman lubha silang nagpahalaga sa ginawa ni Jesus, hindi naman sila nagpasalamat. Ikinalungkot iyon ni Kristo. Kumusta tayo? Kapag ginawan tayo ng mabuti, agad ba tayong nagpapasalamat at, kung posible, ipinakikita ba natin iyon sa pamamagitan ng liham o card?Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay “hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili.” (1 Corinto 13:5, Magandang Balita Biblia) Kung gayon, ang taimtim na pasasalamat ay hindi lamang tanda ng mabuting pag-uugali kundi katibayan din ng pag-ibig. Gaya ng itinuturo sa atin ng pangyayari tungkol sa mga ketongin, ang mga nagnanais na palugdan ang Kristo ay dapat magpakita ng gayong pag-ibig at pasasalamat sa lahat, anuman ang nasyonalidad, lahi, o relihiyon.
Tanungin ang sarili, ‘Kailan ako huling nagpasalamat sa isang kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, doktor o nars, tindera, o iba pang tumulong sa akin?’ Bakit hindi ka gumawa ng rekord sa loob ng isa o dalawang araw kung ilang beses kang nagsabi ng salamat o sumulat ng liham ng pasasalamat? Ang gayong rekord ay makatutulong sa iyo na makita kung saan ka pa puwedeng sumulong sa pagpapasalamat.
Higit sa lahat, ang isa na nararapat nating pasalamatan ay ang Diyos na Jehova. Siya ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17) Kailan ka huling nagpasalamat nang taimtim sa Diyos sa espesipikong mga bagay na ginawa niya para sa iyo?—1 Tesalonica 5:17, 18.
Bakit Dapat Magpasalamat Kahit Hindi Ito Ginagawa ng Iba?
Baka hindi tayo pasalamatan ng iba kapag may ginawa tayong mabuti sa kanila. Kung gayon, bakit tayo magpapasalamat samantalang hindi naman ito ginagawa ng iba? Isaalang-alang ang isang dahilan.
Sa paggawa ng mabuti sa mga hindi mapagpasalamat, matutularan natin ang ating magandang-loob na Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sa kabila ng katotohanang marami ang hindi nagpapahalaga sa pag-ibig na ipinakikita ni Jehova, hindi siya tumitigil sa paggawa ng mabuti sa kanila. (Roma 5:8; 1 Juan 4:9, 10) “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” Kung sinisikap nating maging mapagpasalamat kahit namumuhay tayo sa isang di-mapagpasalamat na sanlibutan, mapatutunayan natin na tayo ay “mga anak ng [ating] Ama na nasa langit.”—Mateo 5:45.
[Talababa]
a Binabasa at tinatalakay ng maraming magulang sa kanilang mga anak ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ang pamagat ng kabanata 18 ay “Lagi Ka Bang Nagpapasalamat?”
[Blurb sa pahina 15]
Gumawa ng rekord sa loob ng isa o dalawang araw kung ilang beses kang nagsabi ng salamat
[Larawan sa pahina 15]
Magpakita ng halimbawa sa iyong mga anak sa pagpapasalamat
[Larawan sa pahina 15]
Masasanay ring magpasalamat kahit ang maliliit na bata