Turuan ang Iyong mga Anak
Patuloy na Ginawa ni Samuel Kung Ano ang Tama
NAKAKITA ka na ba ng mga taong gumagawa ng masama?— a Naranasan ni Samuel na makasama ang gayong uri ng mga tao. Hindi mo aakalaing may masasamang tao sa lugar na tinitirhan niya dahil nakatira siya sa tabernakulo ng Diyos, o dako ng pagsamba, sa lunsod ng Shilo. Alamin natin kung paano napunta si Samuel sa tabernakulo 3,000 taon na ang nakalilipas.
Bago ipanganak si Samuel, gustung-gusto ng nanay niyang si Hana na magkaanak. Minsan, nang dumalaw si Hana sa tabernakulo, nanalangin siya sa Diyos na sana ay magkaroon siya ng anak. Napakataimtim ng kaniyang panalangin anupat waring nanginginig ang kaniyang mga labi. Inakala tuloy ng mataas na saserdoteng si Eli na lasing si Hana. Pero nang malaman ni Eli na labis palang nalulungkot si Hana, pinagpala niya ito at sinabi: “Ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap.”—1 Samuel 1:17.
Nang maglaon, isinilang ni Hana si Samuel, at tuwang-tuwa niyang sinabi sa kaniyang asawang si Elkana: ‘Kapag hindi na sumususo si Samuel, dadalhin ko siya sa tabernakulo para makapaglingkod siya roon sa Diyos.’ At ganoon nga ang ginawa niya! Nang panahong iyon, si Samuel ay malamang na apat o limang taóng gulang na.
Matanda na noon si Eli at ang mga anak niyang lalaki, sina Hopni at Pinehas, ay hindi sumasamba kay Jehova sa tamang paraan. Nakikipagrelasyon pa nga ang mga ito sa mga babaing pumupunta sa tabernakulo! Sa palagay mo, ano kaya ang dapat sanang ginawa ng tatay nila?— Oo, dapat sana ay dinisiplina niya sila at hindi sila pinayagang gumawa ng gayong kasamaan.
Habang lumalaki ang batang si Samuel, patuloy siyang nanirahan sa tabernakulo, at malamang na alam niya ang masasamang bagay na ginagawa ng mga anak ni Eli. Ginaya ba sila ni Samuel?— Hindi, patuloy niyang ginawa kung ano ang tama, gaya ng itinuro sa kaniya ng mga magulang niya. Gayunman, hindi nakapagtataka 1 Samuel 2:22-36.
kung bakit nagalit si Jehova kay Eli. Nagsugo pa nga si Jehova ng isang propeta para sabihin kay Eli kung paano Niya parurusahan ang pamilya nito, lalo na ang masasamang anak nito.—Nagpatuloy si Samuel sa paglilingkod sa tabernakulo kasama ni Eli. Isang gabi, habang natutulog si Samuel, may narinig siyang isang tinig na tumatawag sa kaniyang pangalan. Kaya tumakbo si Samuel kay Eli, pero sinabi sa kaniya ni Eli na hindi naman niya siya tinatawag. Nangyari uli ito sa ikalawang pagkakataon. Buweno, nang maulit ito sa ikatlong pagkakataon, sinabi ni Eli kay Samuel na kapag tinawag uli siya ng tinig ay sabihin niya: “Magsalita ka, Jehova, sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.” Nang sabihin ito ni Samuel, nakipag-usap sa kaniya si Jehova. Alam mo ba kung ano ang sinabi ni Jehova kay Samuel?—
Sinabi ng Diyos kay Samuel na parurusahan Niya ang pamilya ni Eli. Kinabukasan, natatakot si Samuel na sabihin kay Eli ang sinabi sa kaniya ni Jehova. Pero nakiusap si Eli kay Samuel: “Pakisuyo, huwag mong ilihim iyon sa akin.” Kaya sa wakas, sinabi ni Samuel kay Eli ang lahat ng sinabi ni Jehova na gagawin Niya—gaya ng naunang sinabi ng propeta ng Diyos kay Eli. Ganito ang tugon ni Eli: ‘Gawin nawa ni Jehova ang anumang mabuti sa kaniyang paningin.’ Nang maglaon, napatay sina Hopni at Pinehas, at namatay rin si Eli.—1 Samuel 3:1-18.
Samantala, “si Samuel ay patuloy na lumaki, at si Jehova ay sumasakaniya.” Nang panahong iyon, si Samuel ay malamang na isa nang tin-edyer, isang mahalagang yugto sa buhay ng mga kabataan. Sa palagay mo, madali kaya para kay Samuel na patuloy na gawin kung ano ang tama kahit na hindi ito ang ginagawa ng iba?— Bagaman hindi ito madaling gawin, nanatiling tapat si Samuel sa paglilingkod kay Jehova sa buong buhay niya.—1 Samuel 3:19-21.
Kumusta ka naman? Gusto mo bang maging tulad ni Samuel? Patuloy mo bang gagawin kung ano ang tama? Palagi mo bang susundin ang mga itinuturo sa iyo ng Bibliya at ng mga magulang mo? Kung gagawin mo ito, mapasasaya mo si Jehova at ang iyong mga magulang.
a Kapag binabasa mo ito sa mga bata, ang mga gatlang ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kanilang sagot.