Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Galing ba ang Ating mga Wika sa “Tore ng Babel”?

Galing ba ang Ating mga Wika sa “Tore ng Babel”?

“Pinangalat sila ni Jehova mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod. Iyan ang dahilan kung bakit tinawag na Babel ang pangalan nito, sapagkat doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa.”Genesis 11:8, 9.

TALAGA bang nangyari ang ulat na iyan ng Bibliya? Sabay-sabay bang nagsalita ng iba’t ibang wika ang mga tao, gaya ng pagkakalarawan sa Bibliya? Pinagdududahan ng ilan ang ulat ng Bibliya tungkol sa pinagmulan at paglaganap ng mga wika ng tao. Sinabi ng isang awtor: “Tiyak na isa ang alamat ng Tore ng Babel sa pinakakakatwang kuwentong naisaysay kailanman.” Tinukoy pa nga ito ng isang Judiong rabbi bilang “isang mangmang na pagtatangkang ipaliwanag ang pinagmulan ng mga bansa.”

Bakit hindi pinaniniwalaan ng mga tao ang ulat tungkol sa Babel? Dahil salungat ito sa ilang teoriya tungkol sa pinagmulan ng wika. Halimbawa, sinasabi ng ilang iskolar na hindi biglang lumitaw ang mga grupo ng wika kundi unti-unting nabuo ang mga ito mula sa iisang orihinal na wika. Naniniwala naman ang ilan na magkakahiwalay na sumulong ang ilang orihinal na wika, na nagsimula sa mga simpleng ungol hanggang sa naging sistematikong mga wika. Dahil sa mga ito at sa iba pang nagkakasalungatang teoriya, marami ang sumasang-ayon sa isinulat ni Propesor W. T. Fitch sa kaniyang aklat na The Evolution of Language: “Wala pa tayong nakakukumbinsing sagot.”

Ano ang natuklasan ng mga arkeologo at mananaliksik tungkol sa pinagmulan at pagsulong ng mga wika ng tao? Pinatutunayan ba ng mga ito ang alinman sa mga teoriya? O sinusuportahan ng mga natuklasang ebidensiya ang ulat tungkol sa Babel? Suriin muna natin ang ulat na iyon ng Bibliya.

SAAN AT KAILAN ITO NANGYARI?

Sinasabi ng Bibliya na ang paggulo sa wika at pangangalat ng tao ay nangyari “sa lupain ng Sinar”—na sa kalaunan ay tinawag na Babilonia. (Genesis 11:2) Kailan iyon nangyari? Ayon sa Bibliya, “nabahagi  ang lupa [“mga tao sa daigdig,” Magandang Balita Biblia]” noong mga araw ni Peleg, na ipinanganak mga 250 taon bago nabuhay si Abraham. Kaya ang mga pangyayari sa Babel ay maliwanag na naganap mga 4,200 taon na ang nakararaan.Genesis 10:25; 11:18-26.

Ayon sa teoriya ng ilang iskolar, ang modernong mga wika ay mula sa iisang orihinal na wika na ipinapalagay nilang ginamit ng mga tao halos 100,000 taon na ang nakararaan. * Sinasabi naman ng iba na ang mga wika sa ngayon ay nagmula sa ilang orihinal na wikang ginamit mga 6,000 taon na ang nakararaan. Pero paano matitiyak ng mga lingguwista ang pagsulong ng isang wikang naglaho na? “Mahirap iyan,” ang sabi ng magasing Economist. “Di-tulad ng mga biyologo, ang mga lingguwista ay walang mga fosil na tutulong sa kanila na malaman ang nakaraan.” Idinagdag pa ng magasin na nabuo ng isang lingguwista ang kaniyang konklusyon sa pamamagitan ng “pagkalkula batay sa mga haka-haka.”

Pero mayroon naman talagang “mga fosil ng wika.” Ano ang mga fosil na ito, at ano ang isinisiwalat ng mga ito tungkol sa pinagmulan ng mga wika ng tao? Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pinakaunang mga rekord ng nasusulat na wika, ang tanging mga fosil ng wika na makukuha ng tao, ay may edad lamang na mga 4,000 o 5,000 taon.” Saan natuklasan ng mga arkeologo ang “mga fosil ng wika” na ito, o “mga rekord ng nasusulat na wika”? Sa mababang Mesopotamia—ang lugar ng sinaunang Sinar. * Kaya ang natuklasang katibayan ay kasuwato ng sinasabi sa Bibliya.

MAGKAKAIBANG WIKA, MAGKAKAIBANG PAG-IISIP

Sinasabi ng ulat sa Bibliya na sa Babel, kumilos ang Diyos para “guluhin . . . ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” (Genesis 11:7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Dahil dito, “itinigil [ng mga manggagawa] ang pagtatayo ng lunsod” ng Babel at nangalat sila “sa ibabaw ng buong lupa.” (Genesis 11:8, 9) Kaya hindi sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng modernong wika ay galing sa iisang “orihinal na wika.” Sa halip, inilalarawan nito ang biglang paglitaw ng ilang bago at lubhang mauunlad na wika. Sa pamamagitan ng bawat isa sa mga wikang iyon, naipahahayag ang iba’t ibang uri ng damdamin at kaisipan ng tao, at ang bawat isa ay lubhang magkakaiba.

Isang tapyas na luwad na may sulat-cuneiform mula sa Mesopotamia, ikatlong milenyo B.C.E.

Paano naman ang mga grupo ng wika sa daigdig ngayon? Ang mga ito ba ay magkakahawig o magkakaiba? Ito ang isinulat ng isang siyentipiko na si Lera Boroditsky: “Napakaraming pagkakaiba ang lumitaw habang sinusuri ng mga lingguwista ang mga wika sa daigdig (7,000 o higit pa, at ilan lamang sa mga ito ang nasuri).” Oo, bagaman maaaring magkakahawig ang mga wika at diyalekto ng isang pamilya ng wika, gaya ng Cantonese at Hakka sa timugang Tsina, ang mga ito ay naiiba sa mga wika ng ibang pamilya ng wika, gaya ng West Catalan o Valencia sa Espanya.

Ang mga wika ay nakaiimpluwensiya sa paraan ng pag-iisip ng mga tao at sa paglalarawan nila sa kanilang mundo—kulay, dami, lokasyon, at  direksiyon. Halimbawa, sa isang wika, maaaring sabihin, “May insekto sa kanang kamay mo.” Pero sa ibang wika, ganito naman iyon sasabihin, “May insekto sa timog-kanlurang kamay mo.” Nakalilito ang mga pagkakaibang ito. Kaya naman hindi kataka-takang nahinto ang pagtatayo ng Babel.

UNGOL O SISTEMATIKONG WIKA?

Ano kaya ang orihinal na wika ng tao? Sinasabi ng Bibliya na ang unang tao, si Adan, ay nakaimbento ng mga bagong salita nang bigyan niya ng pangalan ang lahat ng hayop. (Genesis 2:20) Kumatha rin si Adan ng tula para ipahayag ang nadarama niya sa kaniyang asawa. Maliwanag namang nailarawan ni Eva ang utos ng Diyos at ang magiging resulta ng pagsuway. (Genesis 2:23; 3:1-3) Kaya nagamit ng mga tao ang unang wika sa pakikipag-usap at pagpapahayag ng kanilang nadarama.

Ang paggulo sa mga wika sa Babel ay nakahadlang sa kakayahan ng mga tao na pagkaisahin ang kanilang mga intelektuwal at pisikal na lakas. Pero ang kanilang mga bagong wika, tulad ng unang wika, ay sistematiko. Sa loob lamang ng ilang siglo, ang mga tao ay nakapagtatag ng mataong mga lunsod, nakabuo ng makapangyarihang mga hukbo, at nakapagnegosyo sa iba’t ibang lugar. (Genesis 13:12; 14:1-11; 37:25) Magagawa kaya nila ang gayong pagsulong kung walang wika na may malawak na bokabularyo at balarila? Ayon sa Bibliya, ang orihinal na wika at mga bagong wika sa Babel ay hindi mga ungol, kundi sistematikong mga wika.

Sinusuportahan ng mga pag-aaral kamakailan ang konklusyong ito. Ganito ang sinasabi ng The Cambridge Encyclopedia of Language: “Lumalabas na ang lahat ng kulturang sinuri, gaanuman ito ‘kasimple,’ ay may masulong na wika, at may sistema gaya ng mga wika ng ‘sibilisadong’ mga bansa.” Gayundin, sinabi ni Propesor Steven Pinker ng Harvard College sa kaniyang aklat na The Language Instinct: “Walang primitibo o di-maunlad na wika.”

ANG KINABUKASAN NG WIKA

Pagkatapos suriin ang pinagmulan ng mga “fosil” ng wika, ang pagkakaiba ng mga grupo ng wika, at ang pagiging sistematiko ng sinaunang mga wika, ano ang ating magiging konklusyon? Marami ang nakumbinsi na ang ulat ng Bibliya tungkol sa pangyayari sa Babel ay lubos na kapani-paniwala.

Sinasabi ng Bibliya na ginulo ng Diyos na Jehova ang wika ng mga tao sa Babel dahil nagrebelde sila sa kaniya. (Genesis 11:4-7) Gayunman, ipinangako niyang ‘bibigyan niya ang mga bayan ng pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.’ (Zefanias 3:9) Ang mga tao sa buong daigdig ngayon ay pinagkakaisa ng “dalisay na wika,” ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Kaya makatuwirang isipin na sa hinaharap, lalo pang pagkakaisahin ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang wika, anupat aalisin ang kalituhang nangyari sa Babel.

^ par. 8 Karaniwan nang ipinapalagay ng mga teoriya tungkol sa wika na ang mga tao ay nagmula sa mga tulad-bakulaw na nilalang. Para sa pagtalakay sa mga pag-aangking ito, tingnan ang pahina 27-29 ng brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 9 Nahukay ng mga arkeologo ang ilang tulad-piramide at baytang-baytang na mga templong tore sa paligid ng Sinar. Sinasabi ng Bibliya na ang mga tagapagtayo ng tore sa Babel ay naglatag ng laryo, hindi ng bato, at gumamit ng bitumen bilang argamasa. (Genesis 11:3, 4) Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang bato ay “bihira o wala pa nga” sa Mesopotamia, samantalang sagana naman ang bitumen.