Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NANGYAYARI ANG MASASAMANG BAGAY SA MABUBUTING TAO?

Kung Ano ang Gagawin ng Diyos sa Kasamaan

Kung Ano ang Gagawin ng Diyos sa Kasamaan

Malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano ang gagawin ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa mga pagdurusang dulot ni Satanas na Diyablo. “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos [si Jesus],” ang sabi ng Bibliya, “upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Malapit nang sirain, o wakasan, ang kasalukuyang sistemang ito na punô ng kasakiman, poot, at kasamaan. Ipinangako naman ni Jesus na “palalayasin” niya ang “tagapamahala ng sanlibutang ito” na si Satanas na Diyablo. (Juan 12:31) Kapag nawala na ang impluwensiya ni Satanas, isang matuwid na bagong sanlibutan ang itatatag, at magiging mapayapa ang mundong ito.2 Pedro 3:13.

Ano naman ang mangyayari sa mga ayaw magbago at pilit pa ring gumagawa ng masama? Pansinin ang maaasahang pangakong ito: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Mawawala na ang impluwensiya ng masasamang tao. Sa panahong iyon, ang masunuring mga tao ay unti-unting palalayain sa minanang di-kasakdalan.Roma 6:17, 18; 8:21.

Sa bagong sanlibutang iyon, paano aalisin ng Diyos ang kasamaan? Hindi niya aalisan ang mga tao ng kalayaang magpasiya at gagawing parang mga robot. Sa halip, tuturuan niya ang masunuring mga tao ng kaniyang mga pamantayan, at tutulungan niya silang lubusang talikuran ang masasamang kaisipan at gawain.

Aalisin ng Diyos ang lahat ng dahilan ng pagdurusa

Ano naman ang gagawin ng Diyos sa mga di-inaasahang pangyayari? Ipinangako niya na ang kaniyang Kaharian ay malapit nang mamahala sa lupa. Si Jesu-Kristo ang hinirang ng Diyos na Hari ng Kahariang iyon, at may kapangyarihan siyang magpagaling ng mga sakit. (Mateo 14:14) May kapangyarihan din si Jesus na kontrolin ang mga puwersa ng kalikasan. (Marcos 4:35-41) Kaya mawawala na ang mga pagdurusang dulot ng ‘panahon at ng di-inaasahang pangyayari.’ (Eclesiastes 9:11) Sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, wala nang kalamidad.Kawikaan 1:33.

Paano naman ang milyon-milyong inosenteng tao na dumanas ng kalunus-lunos na kamatayan? Bago buhaying muli ang kaibigan niyang si Lazaro, sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Oo, may kapangyarihan si Jesus na bumuhay-muli ng mga patay!

Gusto mo bang mabuhay sa isang daigdig na walang masamang bagay na mangyayari sa mabubuting tao? Hinihimok ka naming mag-aral ng Bibliya para malaman mo ang higit pa tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang layunin. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan ka. Puwede mo kaming kontakin o kaya’y sulatan ang tagapaglathala ng magasing ito.